PASO na ang kontrata ni Clair sa kumpanyang pinagtatrabahuhan sa Taiwan. Anim na taon siya roon. At sa pagbabalik niya sa Pilipinas ay sisiguruhin niya na may mapupuntahan ang perang naipon niya sa loob ng anim na taong pagtatrabaho.
Graduate siya ng Bachelor of Science in Hotel and Restaurant Management. Pero hindi naging maganda ang record niya sa dating hotel na pinagtatrabahuhan sa Makati. Marami ang naiinggit sa kanya hanggang sa dumating ang panahon na ginawaan siya ng kuwento para masira siya sa kanilang boss. Pinagbintangan siyang nag-uuwi ng mga linen.
Nag-resign siya at nagtrabaho sa Taiwan sa isang Pharmaceutical Company. Sila ang gumagawa ng mga gamot na ini-export. Kahit matagal siyang nawalay sa gustong trabaho, hindi pa rin niya isinasantabi ang pinag-aralan.
Pansamantala ay nakituloy siya sa bahay ng pinsan niyang si Helen, sa Caloocan. May asawa na ito at isang anak. Malaki ang bahay ng asawa nito at ang kalahating bahagi ay pinapaupahan sa mga estudyante. Foreman sa isang construction company ang asawa nito.
"Hindi ka na ba babalik sa Taiwan, Clair?" tanong sa kanya ng pinsan.
Nasa sala sila at nagmemeryenda.
"Hindi na siguro. Ang hirap ng trabaho doon, insan," sagot niya.
"Oo nga't pumayat ka. Ang puti mo nga, para ka namang masakitin. Ang putla mo. So ano ang balak mo ngayon?"
"Maghahanap muna ako ng trabaho habang pinag-iisipan ko pa kung ano ang gagawin ko sa perang naiuwi ko."
"Sayang, wala nang bakante sa pinagtatrabahuhan kong mall. Itatanong ko sa asawa ko pag-uwi niya bukas kung hiring sila sa construction company na pinagtatrabahuhan niya. Noon kasi nabanggit niya na nangangailangan ng secretary ang kompanya nila," sabi nito.
"Hindi madaling makahanap ng trabaho ngayon. Gusto ko sana magnegosyo," aniya.
"Anong negosyo?"
"Kahit food house or bar."
"Ay may alam akong puwesto!" Kinuha ni Helen ang cellphone nito saka naghanap ng numero. Pagkuwa'y isinulat nito sa kaperasong papel ang phone number saka ibinigay sa kanya.
"Ito, tawagan mo. Binigay ito ng katiwala ng commercial building doon sa Fairview. May isang span doon na dating bar. Pinapaupahan na ulit 'yon. Malakas daw ang puwesto na 'yon noon. Ang kaso, nag-away ata ang mag-asawang namamahala ng bar kaya nagkamalas-malas ang negosyo. Tawagan mo ang number para kapag available ang may-ari ng commercial building bukas, pupuntahan natin. CMG building ang pangalan ng commercial building."
"Sige tatawagan ko."
In-dial ni Clear sa cellphone niya ang binigay ni Helen na numero. Nagri-ring naman. Mamaya'y may sumagot na boses lalaki. Medyo husky ang boses na parang nagbibinata pa lang.
"Hello! Good afternoon! Si Clair ito, magtatanong lang ako kung available po ba ang may-ari ng CMG building? Puwede po ba akong pumunta diyan bukas? Gusto ko po sanang umupa ng puwesto for business," sabi niya sa kausap.
"Uhm, sorry wala ang lola ko, eh. Nasa Batangas sila. Pero punta lang po kayo dito para makausap ninyo ang katiwala namin. Siya po kasi ang puwedeng kausapin," sagot nito.
"Ah, okay. Thank you."
"You're welcome po," sagot nito.
Naputol na ang linya.
KINABUKASAN pagkatapos ng tanghalian ay pinuntahan nila Clair at Helen ang commercial building sa Fairview. Malapit lang ito sa SM mall. Malapit din sa malalaking kompanya at school.