Prelude to the Interlude

407 3 0
                                    

Kanina ko pa hawak ang cellphone ko, wari'y may hinihintay na tawag, hindi mula sa trabaho o kaya sa pamilya o kaibigan man, lagi ko naman silang nakikita at nakakausap. Ito ay sa kadahilanang gusto ko siyang makausap~ at mabati man lang ng maligayang kaarawan. Malapit na rin kasi ito, sa katapusan ng buwan (sabay tingin sa kalendaryo, ika-15 pa lamang).

Siya ang gusto kong unang ite-text. Hindi ko alam kung anong magiging reaksiyon niya, kung matutuwa ba siya o hindi, bahala na, basta susundin ko lang ang nararamdaman ko, kailangan ko siyang makausap.

Positibo naman ang naging reply niya at inimbita pa niya ako sa kanila sa birthday niya. Siyempre, natuwa ako, sa tinagal-tagal namin ding magkakilala... sandali, matagal na ba iyong isang buwan at kalahati? Pero ganun yata talaga pag gusto mo ang isang tao, lagi kang nagmamadali, gusto mong lagi mo siyang makasama, at parang sa iyong pagkawari'y matagal na kayong magkasama.

Nagdadalawang isip din ako kung pupunta ba ako sa kanila o hindi para sa selebrasyon ng kaarawan niya. Pero sa huli, nanaig ang kagustuhan ko na makita siyang muli at linawin kung ano ba talaga ang lagay namin sa isa't-isa.

Nakilala ko siya mahigit na ngang isang buwan ang nakakaraan. Sa isang Job Fair, naghahanap siya ng trabaho at ako nama'y nasa isang booth at nag-aaya ng mga aplikante para sa aming kompanyang pinapasukan ko. Walang duda, maganda siya, siya ang tipo ko talaga, balingkinitan at morena. Sabayan pa nito na isa siyang cum laude, ibig sabihin matalino siya. Wala rin naman akong balak ng mga panahon na iyon na seryosohin ang lahat, Para sa akin, isa lang itong laro ng buhay, pero nakahanap yata ako ng katapat ko sa kanya.

Hindi ko na ide-detalye ang lahat, sa madaling kwento, lumabas kami at nagkaunawaan, nagtagpo ang aming mga utak at doon ko napatunayang matalino talaga siya, may pagka-moderno at liberal. At sa mas mabilis na kwento, hindi ako nahirapang makuha siya, pero iyon ay ang akala ko. Mas tama yatang sabihin na ako ang nabihag niya. Ang akala ko ay espesyal para sa kanya ang namagitan sa amin, ngunit, para sa kanya, tulad ko ng dati ay parang laro din lamang pala ito ng buhay.

Walang pormal na relasyon, walang pormal na patutunguhan pero halos araw-araw ay nagkikita kami at nagkakasundo sa maraming bagay. Halos isang buwan kaming ganoon at dumating din ang isang araw~ sinabi ko rin sa kanya sa wakas na gusto ko na ring gawing pormal ang lahat. Doon sa munting usapan na iyon nagwakas ang lahat. Mula noon ay hindi na niya ako tinagpo. Ang tanging paliwanag na naibigay niya ay may kailangan lang daw muna siyang ayusin... ng pilit kong itinatanong kung ano ito at tutulungan ko siya ay siya rin niyang tangging ipaalam sa akin iyon. Makalipas nga ng labinlimang araw ay binati ko siya para sa kaarawan niya na labinlimang araw pa rin bago maganap. Hindi pa rin niya gustong makipag-kita sa akin hanggang sa araw na iyon.

Ang Nobelang Walang PamagatWhere stories live. Discover now