Umiikot ang lahat. Ang pakiramdam ko, ang paningin ko at ang nakikita ko. Hindi ako makahinga.. mamamatay na ba ako?
Pinikit ko ang mata ko, bumalik lahat ng alaala ko mula nung bata ako hanggang sa kasalukuyan. Ganito pala ang pakiramdam ng mamatay, maalala mo lahat at nagsisisi kung bakit hindi mo pa ginawa lahat ng bagay na gusto mong gawin. Mamamatay na ba ako?
Gusto kong humingi ng sorry kay mama at umaming ako nga ang kumuha ng mamahalin niyang kwintas dahil papatayin ako nina Lance kapag hindi ako nakapagbayad ng utang sa kanila. Gusto kong humingi ng sorry kay papa at magpasalamat sa kanila. Mamamatay na ba ako?
Wala na. Mamamatay na nga ako. Naubos na lahat ng hangin ko sa katawan. Sana makita nila ang bangkay ko kapag lumutang 'to sa dagat. Sana gwapo ang magiging mukha ko sa kabaong kapag binurol ako. Wala na talaga.. oras na ng kamatayan ko.
"Kuya?" Naramdaman kong may tumatapik sa pisngi ko. "Kuya, buhay ka pa?"
Napaubo ako. Naramdaman kong may lumabas na tubig sa bibig at ilong ko. Ilang beses pa akong napaubo hanggang sa maramdaman kong maluwag na ulit ang pakiramdam ko. Humugot ako nang malalim na hininga. Naman! Nakakahinga na ulit ako!
"Haaay. Salamat naman sa Diyos," bulong ng isang babae na nasa tabi ko.
Tinignan ko siya. Mas bata siya kumpara sa akin, sigurado ako. "Sino ka?" Tumayo ako at inalalayan niya ako. "Ikaw ba ang—"
"Ako si Apple." Ngumiti siya at ang cute niya. "Sa susunod, 'wag ka ng magpapalunod, ha?"
"Ano ba yan?! Bakit may sticker 'yang mukha ng I.D. mo, ha?! Alisin mo 'yan!"
Bigla akong bumalik sa reyalidad nang marinig ang boses ni Jess. Bakit ba palaging HB ang babaeng 'to? Kahit two weeks na ang lumipas nung nakasama ko siya sa perya, wala pa rin siyang pinagbago.
Pero bakit naman siya biglang magbabago at bakit naman niya babaguhin ang sarili niya?
Sa loob ng two weeks na 'yun, mas lalo ko siyang nakilala. Hindi naman siya ganun kadalas magmura, kapag nagagalit lang siya. Hindi rin naman siya ganun ka-sadista, kapag pinapatulan lang siya. Hindi naman talaga siya ganun kasama, tulad ng iniisip ng iba. Mabait si Jess, hindi nga lang niya 'yun pinapakita sa lahat.
"K-kasi.. ang panget ng mukha ko sa I.D., eh," nakayukong paliwanag ni Pamela na nakatayo pa rin hanggang ngayon sa labas.
Tumawa nang nang-aasar si Jess. "Pangit ang mukha mo sa I.D.? At sa tingin mo, ikagaganda mo ang pagpaskil ng sticker sa mukha mo?" Sumandal siya sa pintuan. "Alisin mo 'yang sticker mo sa mukha o ang mukha mo mismo ang aalisin ko?"
Walang nagawa si Pamela kundi alisin ang sticker sa I. D. niya at naiiyak na pumasok ng classroom.
Ayoko ang pagsasalita niya. Kahit babae, hindi niya ginagalang. Mas sensitibo ang pakiramdam ng mga babae 'di ba? Dapat alam niya 'yun dahil babae siya.
"Jess, sige na naman. Hayaan mo na akong manligaw sa'yo," pangungulit ng isang lalaki na nasa labas ng classroom namin.
"Huwag mo 'kong ginagago Randy, ah! Kung gusto mong manligaw, kumuha ka muna ng lubid!" Sinakal niya si Randy sa pamamagitan ng paghila sa I.D. nito. "Ako mismo ang magbibigti sa'yo! Tae ka!"
Padabog na naglakad si Jess pabalik ng desk niya at parang hindi babaeng umupo. Hindi ko maiwasang mapailing. Kahit sana sa pag-upo lang, ipakita niyang babae siya. Pero hindi ko rin maiwasang matawa sa kanya dahil kakaiba talaga siya sa lahat. Kakaiba.
Ayoko sa babaeng tinutulugan lang ang klase. Bakit pumapasok pa siya kung matutulog din naman?
Nakakainip ang buong oras ng klase, tinignan ko ulit si Jess, natawa ako nung makitang natutulog lang siya. Ang lakas talaga ng loob nito, sa harapan pa talaga ng teacher. Kung kaklase namin ang nakita niyang natutulog, kanina pa niya pinukpok sa ulo. Batas talaga siya, hindi man lang siya pinakialaman ng mga kaklase namin, takot kasi.
BINABASA MO ANG
Ayoko Sa Kanya
Teen FictionCompleted. Editing. Ayoko sa kanya. 'Yun ang dahilan kung bakit nagustuhan ko siya.