Tigas-ulo!

186 0 0
                                    

Suhi nang ipanganak si Sebastian. Una ang paa, sa halip na una ang ulo. Sinubukan ng doktor na paikutin siya habang nasasa loob pa ng tiyan ng ina, nguni’t hindi ito umobra. Tigas-ulo si Sebastian. Pinalalabas siya sa “caesarian section” ng ospital na una ang ulo. Gusto niya, una ang paa. 

          Nang dalawang taong gulang na, si Sebastian ay nakaaakyat na sa mga silya, mesa at kahon. Ang bata ay uupo muna, gagapang, tatayo, lalakad, at saka aakyat. Ganyan ang unti-unting pag-unlad ng kanyang kakayahan. Hindi pa man marunong magsalita, pa-ungol-ungol man siya bagama’t nakauunawa na, ay tigas-ulo na si Sebastian. “Baba!” sabi ng ina. Aakyat pa rin sa mataas na lugar si Sebastian at kung minsan ay mahuhulog at iiyak. “Iyan na nga ang sinasabi ko, e,” pasubali ng ina, “ang tigas kasi ng ulo mo.”

          Nang siya ay tumuntong na sa ika-pitong taong gulang ay pumasok si Sebastian sa isang elementarya. Naibigan siya ng mga guro sa dahilang matalino siya. Laging tama ang mga sagot niya sa “recitation” at pati na sa mga “written tests”. Mahusay ding tumula si Sebastian kung kaya’t sa tuwing may seremonya sa eskwela ay siya ang pinatutula ng prinsipal. 

          “Palaging magsusuot ka ng sapatos kapag papasok sa eskwela,” payo sa kanya ng ina. May mga araw na maulan at bumabaha nang bahagya sa kalye at pati sa loob ng paaralan. Sa gayong kalagayan ay hindi isinusuot ni Sebastian ang kanyang sapatos upang ang mga ito ay hindi masira sa tubig. Minsan ay nakatapak ng basag na bote si Sebastian at kinailangang dalhin siya ng ina sa “emergency” upang mapatigil ang pagdudugo at mabigyan siya ng “antibiotic”upang hindi magka-impeksyon. Suot niya ay tsinelas at hindi sapatos. “Iyan na nga ba ang sinasabi ko sa iyo, Sebastian, kung nakasapatos ka ay hindi ka matitibo. Tigas-ulo ka kasi!”

          Sa “high school” ay naging “star student” si Sebastian. Kapag may paligsahan ang iba’t-ibang “high school” ay siya ang ipinadadalang kinatawan ng prinsipal na pambato ng eskwela sa mga paligsahan sa pagtatalumpati o pagtula. Minsan ay dumalaw sa eskwela ang isang pangkat ng “gang members” – mga maligalig na “teenagers” sila na sa halip na pumasok sa klase ay nagbibigay ng problema sa mga kapuwa estudyante. Naninigarilyo sila, umiinom ng alak, at nangingikil ng salapi sa mga kapuwa nila estudyante upang magugulan ang kanilang masasamang bisyo. Nakita nila na may suot na magandang relo si Sebastian. Nilapitan nila si Sebastian at pinilit na ibigay sa kanila ang relo at kung hindi ay bubugbugin siya. Pag-uwi ni Sebastian ay ipinagtapat sa ina ang nangyari. “Sabi ko ay huwag mong isusuot sa eskwela ang relo,” paalaala ng ina.

          “E, kung hindi ko po isusuot sa eskwela ang relo ay saan-saang lugar ko pa iyon maisusuot? Bakit pa binigyan ninyo ako ng relo?” sagot ni Sebastian na papilosopo.

          “Ang problema sa iyo, anak, ay tigas-ulo ka. Matalino ka nga, pero hindi ka nakikinig.”

          Nang makatapos sa “high school” si Sebastian, siya ay nagbalak na pumasok sa kolehiyo upang maging isang abogado. Sabi ng ina, “bakit ka mag-aabogado, anak. Tingnan mo ang tatay mo, abogado, pero walang kaso. Magkomersyante ka, anak. Maraming pera ang kikitahin mo!” 

          Nag-abogado si Sebastian sapagka’t iyon ang karerang itinuturo sa kanya ng kanyang puso. Nang makatapos na ay kumuha siya ng “bar exam” at naging isa sa mga “topnotchers”. Natuwa ang ina at ipinagmalaki siya sa mga kamag-anak at kaibigan.

          Lipos ng trabaho at pananagutan ang pagiging isang abogado. Walang tigil ang pag-aaral sa mga batas at ang pagsulat ng mga demanda, apela, “memoranda”, at kung anu-ano pang papeles na isinusumite sa korte. Higit na marami ang trabaho kaysa sa kita; katulad halimbawa ng pagtatanggol sa isang nakasagasa na tsuper ng jeepney. Katungkulan niya bilang abogado ang ipagtanggol ang sino man na mangangailangan ng kanyang serbisyo. Nguni’t gaano na ang makakayanang ibayad sa serbisyo niya ng isang “driver” ng jeepney? Naikukuwento niya sa ina ang nararanasang hirap sa piniling karera.

Tigas-ulo!Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon