Chapter 5: Si Kumareng "Cougar"

51 0 0
                                    

“‘Cougar’ is a slang term referring to a woman who seeks sexual relations with considerably younger men. Typically, the term refers to women over 40 years old ...”

         “Cougar” ay salitang slang na pantukoy sa babae na naghahanap na maka-relasyon ang mga lalaking malaki ang kabataan sa kanya. Karaniwang ang salitang ito ay paglalarawan sa mga babae na 40 o higit pa ang edad…

                                                                                          - Wikipedia

          “Naku, mare, walang katumbas na kaligayahan. Ngayon ko l’ang natitikman ang sarap ng may nagmamahal at may minamahal.”

          Nasa telefono si Gwendolyn at kausap ang matalik na kaibigang si Yolanda.

          “Mabuti na lamang at nagdiborsyo kami n’ung si pareng Domingo mo. Walang silbi ang matandang ‘yun. Nagkamali ako sa pagpayag sa kanyang pangliligaw. Ang pag-aasawa namin ay hindi dapat nangyari. Sinamantala lamang niya ako.”

          Singkuwenta anyos na ang edad ni Gwendolyn. Ang dati niyang asawa na si Domingo ay seseinta’y singko anyos naman. Nagsama sila bilang mag-asawa nang mga limang taon. Hindi sila nagkaanak. May edad na sila kapuwa nang magpakasal.

          Para kay Gwendolyn, iyon ang unang pag-aasawa niya. Lubha siyang nagumon sa paghahanap-buhay, bilang real estate broker, at sa pagkita ng maraming pera. Hindi niya namalayan na nagiging matandang dalaga na siya, 

          Isang araw na nakilala niya si Domingo ay nagbago ang takbo ng kanyang buhay. Ang pagdating ni Domingo ay itinuring niyang pagdating ng magandang  kapalaran, ng daan upang siya ay hindi maging nag-iisa sa mundo. 

          Sumakay siya sa tsubibo ni Domingo, palibhasa ay may ginintuang dila ang may edad nang lalaki. Hindi siya guwapo; pandak pa nga at maitim. Nguni’t iyon nga, may ginintuan siyang dila kung kaya’t bumagsak sa kanyang pambobola at kandungan si Gwendolyn.

          Si Domingo ay may asawa at familia sa Filipinas; nguni’t itinuring na siyang patay ng asawa dahil sa siya ay tumigil na sa pagsulat, pagtawag sa telefono, at sa pagpapadala ng pera. Napakasal siya kay Gwendolyn samantalang kasal pa siya sa babae na nasa Filipinas. Masasabing nagkasala siya ng bigamy. 

            Ang tungkol sa pagkakaroon ng asawa ni Domingo sa Filipinas ay hindi alam ni Gwendolyn. Magaling ang pagkakatago ni Domingo sa kanyang maitim na lihim. Tiyak na hindi papayag si Gwendolyn na mapakasal kay Domingo kung batid niya ang katotohanan.

            Sabi nga, nasa huli ang pagsisisi. Nang makalipas ang limang taon ay natiyak ni Gwendolyn na si Domingo ay hindi karapat-dapat na mahalin at pagkatiwalaan. Nang makahanap siya ng tamang panahon at dahilan ay sinabi niya kay Domingo na ibig niya ng divorce. Walang nagawa si Domingo kundi sumang-ayon,

          “Aba, e, hindi naghahanap-buhay. Ako ang kayod nang kayod. Ako ang nagbabayad sa bahay, sa kotse. Ako pa ang nagbibigay ng pera at nang siya ay makapagsugal sa casino.”

          Maganda si Gwendolyn. May katabaan nga lamang at, dahil sa edad, ay mapupuna na ang mga peleges sa kanyang noo at ilalim ng mga mata. Umibig siya noong araw sa isang dating kaeskwela sa college, nguni’t hindi nagkatuluyan ang college sweethearts. Dahil sa kabiguan siguro kung kaya’t di na muling umibig si Gwendolyn at ibinuhos na lamang ang pag-ibig at panahon sa trabaho at nang malimutan ang sama ng loob.

          “Batugan pa. Hindi tumutulong sa trabaho. Ipinagluluto ko. Ipinaglalaba ko. Oo nga’t may washing machine, trabaho pa rin ang paglalaba at pagpapatuyo ng damit, di ba? At sa atin na lamang ito, mare, walang kabuhay-buhay sa kama. Malimit na ako’y naghihintay na mayakap o mahalikan sa gabi. Syiempre, tayong mga babae ay dinadalaw ng pagnanais at naghahanap ng romansa, paminsan-minsan. Siguro minsan sa dalawang buwan kung kami’y mag-romansa. Palibhasa’y lasenggo at matanda na, tila siya tuod. Wala siyang sinabi, mare. Ayaw namang uminom ng Viagra.”

Tigas-ulo!Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon