-- Ang lalong matatamis na alaalang pinitas sa sanga ng walang-kamatayang pakikipagsapalaran ng ating bayani sa larangan ng pag-ibig, ang atin ngayong matutunghayan.
-- Si Rizal, katulad din ng lahat ay may puso at sa pitak ng pusong iya’y minsan ding namugad ang pag-ibig.I.
Kung may kamaliang maituturing sa panig ng mga nagsisulat ng talambuhay ni Dr. Jose Rizal ay walang iba kundi ang pagtutulad sa kanyang katauhan sa isang Bathala at hindi sa isang karaniwang taong may mga paang putik.
Dahilan diya'y lumabo na tuloy ang mga dapat lumiwanag na kabanata sa kanyang buhay lalo na ang nauukol sa kanyang pag-ibig sa pangunang matuwid na ang pag-ibig na ito kailan ma'y hindi kinilala ng mga pangunahing manunulat ng kanyang talambuhay na isang damdamin ng kabataan o isang damdaming katugon ng karaniwang tibok ng puso. At, tanggapin man sakaling ang pag-ibig na iyan ng Bayani ng Kalamba'y nabuo sa isang dakilang damdaming makabayan, dili iba kundi ang pag-ibig sa kanyang Tinubuan, sukat na kanyang dahilan iyan upang huwag na mabatid ng mga huling salin ng lahi ang tunay na damdamin ng kanyang puso?
"Fiat Lux." Pabayaan nating magkaroon ng liwanag. At ang liwanag na hinihintay ng abang maykatha nito'y walang iba kundi ang ilaw ng katotohanan. Sapagka't naniniwala't nananalig pa ang maykatha nito na sa pagkakabunyag ng malalabong kabanatang ito sa buhay ni Dr. Rizal ang kadakilaan niya sa puso ng bayang nagmamahal at halos sumasamba sa kanyang pagka-bayani'y hindi magbabawas bahagya man, bagkus magiging lalo pa ngang dakila dahilan sa lalong naging malapit at matapat ang kanyang larawan sa kanila.
Sapagka't kung hindi magiging matapat ang pagbubunyag ng kanyang kabanata sa pag-ibig, ang panahon ng kanyang kabataan, na masasabing simula ng pag-aalab ng kanyang damdaming makatao'y maaaring mapakubli at hindi mahirang ang lalong maningning at kapupulutan ng aral na bahagi nito.
Bilang unang palatandaan ng isang maselang na damdaming naghahari sa kaluluwa ni Dr. Rizal sa maagang panahon pa lamang ng kanyang kabataan ay ang malabis niyang pagmamahal sa tula. Napukaw sa kanya ang damdaming-makata sa pagbibigay-sigla ng kanyang ina at ng matandang kapatid na si Saturnina na "nag-atas" sa batang si Pepe na magmahal at mag-aral ng mga bagay na may kinalaman sa sining at sa klasiko. Ang mga aklat ni Saturnina hinggil sa mga paksang nasabi'y pinatutunghayan sa kanyang kapatid kaya't sa loob ng dalawa pang taon, ay nangyari nang mabasa niya pati ang Bibliyang Kastila. Nang nakasusulat na si Pepe at sa pagbibigay-sigla ng kanyang ina ay nangyaring makalikha ang bata ng isang tulang may mga kamalian, datapuwa't may mga kamalian ma'y nagpapakilala rin ng matayog na lipad ng diwa't tanging salamisim.
Bago siya tumuntong sa kanyang ika-walong taong gulang ay nakasulat siya ng isang dula, na itinanghal sa isang kapistahan ng nayon, at sa kasiyahan ng kapitan munisipal, siya'y pinagkalooban noon ng dalawang pisong gantimpala. Gayon din naman, sa gayon ding gulang, ang mga tala ng kasaysaya'y nagsisiwalat na siya'y nakalikha ng isang tulang inihandog sa kanyang mga kababata. Anopa't sa gayong maagang pagkakagising ng kanyang damdaming-makata, ang kanyang kudyapi'y umunlad at tumaginting sang-ayon sa damdaming inilalarawan ng pihikan niyang diwa. Katibayan nito'y ang kanyang tulang Un Recuerdo a Mi Pueblo (Isang Gunita sa Aking Bayan) na nagpapasariwa't nagbibigay ng mga alalahanin hinggil sa kanyang kamusmusan sa Kalamba - sa bayan niyang sinilangan.
“Murang kamusmusan,
bayang iniibig,
Bukal ng ligayang walang
kahulilip
Ng mga awiting kapana-panabik
na nagpapatakas sa lungkot at pait!Magbalik kang muli sa
puso ko't dibdib,
Magbalik na muli,
sandaling nawaglit!
Magbalik sa aking
katulad ng pipit
Sa pamumukadkad ng
bulaklak-bukid.”Ang tulang iyan ay sinulat noong 1876 nang maglalabinlimang taong gulang pa lamang ang ating bayani at nang siya'y nagsisimula pa ng pag-aaral sa Ateneo.