Saan nga ba makikita ang Time Machine?
ni Platito Penitente
Isang makulimlim na hapon, mapapansin sa paligid ang usok at ingay na nagmumula sa mga sasakyang ayaw paawat sa pakikipag tagisan sa mga makabagong transportasyon.Matatanaw sa bawat mukha ng mga tsuper ang inis at galit dahil sa mabagal na usad ng trapiko.Ito ay dahil sa aksidenteng nangyari sa harap ng isang lumang unibersidad.Ang karamihan sa mga pasahero ng mga sasakyan ay nagsibabaan at pinili nalang na maki usyoso sa nangyaring insidente.
Mula naman sa isang puting power-solar jeep, bumaba ang isang tatlongpu't isang taong gulang na lalaki.May suot itong kupas na pantalon na tinernuhan ng isang pulang polo shirt.Naglakad ang nasabing lalaki sa gilid ng daanan habang may bitbit-bitbit siyang tracing tube.Lulan ng tubo ang mga tracing paper na ginagamit ng mga arkitekto tuwing guguhit sila ng mga plano.Bakas sa mukha ng lalaki ang pagal na naranasan niya sa buong araw na pakikipag usap sa isang magaling na inhinyero.
Pagdating niya sa kanyang tahanan, sumalubong ang makukulit niyang kambal na sina Selenium at Francium habang ang lalaking anak niya naman na si Rhenium ay kalong-kalong ng kanyang asawa na si Maria.Si Selenium at Francium ay parehong pitong taong gulang ang edad habang si Rhenium naman ay magda-dalawang taong gulang palang sa susunod na buwan.Kahit may kakulitan na namumutawi sa katawan ng kambal, hindi parin magawang magalit ng arkitekto sa mga ito.Pinagsasabihan niya nalamang ang kanyang mga anak kung maari.
"Bakit naglakad ka?"tanong ni Maria sa arkitekto.
"Nasiraan ako ng kotse kaya nag-commute nalang ako," ang sagot ng arkitekto habang inuunat-unat ang kanyang mga braso.
Hindi na muling nagtanong ang tatlongpu't dalawang taong gulang na babae sa kanyang asawa sa halip hinabol niya nalamang ang mga malilikot na batang babae.Patungo na kasi ang kambal sa daanan upang panoorin ang mga dumadaan na sasakyan.Napahalukipkip nalang ang arkitekto at mariing iniunat ang namamanhid na binti.Bago siya pumasok sa kanilang tahanan, pinagmasdan niya muna ang kabuuan ng bahay at tinignan ang bawat detalye na siya mismo ang nag disenyo.
Agad na mapapansin sa loob ng tirahan ang mga mamahaling upuan at mesa, nagkikintabang palamuti na nakasabit sa dingding at kisame, at mga kasangkapang hindi nadadapuan ng alikabok.Ang bawat detalye ng kanyang tahanan ay masasabing maganda.Siguradong magugulat at mananabik ang sinumang tao ang papasok sa mala palasyong lugar na ito.Nakikita ang karangyaan na namumutawi sa buong bahay pero wala man lang nakasaksi sa hirap at pagod na dinanas ng arkitekto upang maabot lang ang kanyang mga pangarap.
Dumeretso ang arkitekto sa ikalawang palapag kung saan naroon ang kanyang pook-gawaan.Pagpasok niya sa nasabing silid, pabagsak niyang inilapag sa isang mesa ang tracing tube.Dumiretso siya sa bintana kung saan malaya niyang mapagmamasdan ang kanyang mga anak na masayang nakikipaglaro sa isang tuta.
Sa kanyang panonood, ang bawat kilos ng mga bata ay tinutumbasan niya ng tango kasabay ng paghapyaw ng hangin sa kanyang mga pisngi.Sa isip niya, paano kaya kung magbalik siya sa pagkabata?
Sa ilang sandaling pagmumuni-muni, biglang bumuhos ang ulan na nanggagaling sa Timog na bahagi ng bansa.Ang mga tao sa daanan ay nagsitakbuhan sa kanya-kanya nilang kabahayan habang ang ale naman na naglalako ng panindang dinuguan ay sumilong sa isang lumang sari-sari store.
Agad-agad namang hinila ni Maria ang mga anak upang pumasok sa loob bahay.Hindi mo makikita kay Maria ang inis at pandadabog kahit alam niyang pinapanood lamang sila ng kanyang asawa.Tumingala nalamang siya at nginitian ang lalaki sa taas. Napakamot naman sa ulo ang arkitekto at ginantihan ng ngiti ang asawa.