HANGO ANG BANSAG na Kalyeng Walang Hangganan mula sa iba't ibang storya ng mga taong naninirahan at minsan nang tumira sa isang payapa at payak na hanay ng mga kalye malapit sa isang unibersidad. Ang Kalye Jose Juliano P. Santiago, o mas kilala sa tawag na Kalye Tiago, ay minsanang tinatawag na Kalyeng Walang Hangganan, lalo na ng mga freshie.
Nagsimula ang pagbabansag dahil sa isang lasing na lalaki na dumaan sa Kalye Tiago ng alas-tres ng madaling araw noong Mahal na Araw. Hindi pa ganoong matao ang kalye noon. Bago pa man magsitayuan ang mga dormitoryo at hanay ng mga apartment sa karatig kalye, kakaunti lamang ang mga restawrant na nakatayo roon. Hindi pa nilalagyan ng bagong bumbilya ang mga lamp post dahil parati itong ninanakaw.
Kaka-break lang ng lasing na lalaki sa kaniyang syota noong gabing iyon. Wala siyang ibang inisip kundi ang magmukmok at lunurin ang sarili sa alak. Kaya, napagdesisyunan niyang uminom sa Rudy's, isang kilalang lugar ng inuman noon hanggang ngayon tatlong kalye ang layo mula sa Kalye Tiago. Tanging ang Rudy's lang ang bukas na kainan noon. Nagsimula siyang uminom... at uminom...
Hindi niya namalayan ang oras. Wala pa naman siyang dalang susi sa kaniyang apartment. Naisipan niyang bisitahin ang kaibigang malapit lang ang bahay mula sa kung nasaan siya. Tumayo siya at naglakad kahit na paikot-ikot ang kaniyang paningin at pagewang-gewang ang kaniyang lakad.
Wala siyang makita nang matino dahil sa kawalan ng ilaw sa daan patungo sa bahay ng kaibigan niya. Ang naalala niya, umihi pa raw siya sa isang lamp post at nagbaka-sakali na umilaw ito. Tinahulan pa siya ng aso kaya medyo nagising siya.
Lakad lang siya nang lakad. Nagtaka siya, Bakit hindi pa rin ako nakakakita ng kahit anong bahay man lang kahit papaano? Ang paligid niya'y puro puno at matagal na rin noong nakadaan siya sa isang bahay pero walang ilaw. Pero, hindi siya tumigil. Sumuka siya sa isang tabi at nagpatuloy.
Hinahabol na niya ang kaniyang hininga. Wala yatang katapusan 'to... aniya sa isipan. Kaya, nahiga siya sa gitna ng kalye dahil sa pagod at katamaran.
Pagkagising niya, wala na siyang damit na suot (na hanggang ngayon ay hindi niya pa rin alam kung bakit) at puno ng kagat ng lamok ang kaniyang balat (ilang araw makalipas ay nagkaroon siya ng dengue). Pero sa huli, nalaman niya kung saan siya dumaan—sa Kalye Tiago. Binansagan niya itong Kalyeng Walang Hangganan dahil hindi niya marating ang dulo nito.
Iyon lamang ang isa sa mga kwento kung bakit ito ang bansag sa Kalye Tiago.
May kaniya-kaniyang interpretasyon ang mga tao rito kung bakit ito ang pangalan ng kalye. Noong bagong tayo ang ilang restawrant na sinaktuhan ang buwan ng Pebrero, dinumog ang kalye ng mga magkasintahan. Sukang-suka ang ilan dahil sa mga pinagsasabi ng ibang magkasintahan na kapag kakain sila rito, walang hanggan na raw ang pag-iibigan nila.
Doon sa parehong kalye rin ginanap ang ilang eksena sa pelikulang Kung Walang Hanggan Ang Pagmamahal na bumida ang dalawang sikat na aktor sa industriya. Tanda pa ng mga tao ang sigaw ng direktor bago mag-eksena: "Hala sige, walang hanggan talaga 'tong mga problema!" Karugtong ng ilang mura. Pero mas naalala ng mga tao ang mukha ng iilang artistang kasama sa shooting.
Maraming kwento ang Kalyeng Walang Hangganan dahil isa ito sa mga may malaking impluwensiya ng mga estudyante ng hayskul at kolehiyo. Walang hangganan ang mga kwento ng iba't ibang tao sa Tiago. Mula sa mga masasayang tawanan, hanggang sa mga nakadadalang hagulhol. Maski mga kwentong hindi angkop sa mga bata. Mga kwentong walang saysay, o punong-puno ng aral. Maraming alaala ang nabuo rito—masaya man o hindi, pero naging mahalagang parte ito ng kanilang buhay.
Kaya, makalimot man ang mga tao, mananatili sa lugar ang mga alaala.
BINABASA MO ANG
Ang Kalyeng Walang Hangganan
Fiksi RemajaMakalimot man ang mga tao, mananatili sa lugar ang mga alaala.