Chapter 1 - Her Name's Gwen

13 0 0
                                    

Chapter 1 - Her Name's Gwen

MAG-A-ALAS syete ng umaga pero mahimbing pa rin ang tulog ng dalagang si Gwen. Pangatlo sa apat na anak na may tig-iisang taon ang agwat.

Pumasok ang kaniyang ina sa silid, magulo ang buhok, pawisan at hindi maipinta ang galit sa kaniyang mukha dahil siya pa ang pumatay sa TV ng kanilang sala.

Halos tumirik na ang araw, tulog pa ang kaniyang walang silbing anak, samantalang ang mga kapatid niya, kanina pa nagtungo sa eskuwela.

"Gwen!" napakalakas na sigaw ng kaniyang inang si Cecil. Nasa pagitan ng 40 at 50 ang kaniyang edad pero malusog pa rin ang pangangatawan na aakalain mong treinta anyos lang.

Nakapambewang pa ang ina na itinapat ang bunganga sa tulog-mantikang anak.

Umungol lang si Gwen bagkus nagpalit pa ito ng posisyon saka tinakpan ang tainga ng unan.

Hindi na napigilan ni Cecil magmura, kahit kailan talaga napakawalang kuwenta nitong anak niya.

"Ayaw mo gumising? P'wes, gigisingin kita!" singhal niya bago umalis upang magtungo sa kusina.

Pagbalik niya'y may dala-dala ng tasa at makikita pa't kapansin-pansin ang usok nito, may laman na mainit na tubig. Tumapat siya sa tulog na si Gwen saka muling nagbanta. "Gigising ka ba? O ibubuhos ko ito sa iyo ang mainit na tubig!"

Sumulyap lang sa kaniya ang dalaga pero hindi napansin ng ina. Sumuklob ito sa makapal na kumot dahil sa nakitang bitbit ng ina, alinsunod, hindi pa rin alam ni Cecil na gising pala si Gwen.

"Sinusubukan mo talaga ako!" saka niya ibinuhos ang mainit na tubig.

Matatandaang halos araw-araw  mula alas-singko ng umaga at pagpatak ng alasiyete, ganito ang eksena sa bahay nila. Sigawan, bulwayan, singhalan, na siyang ikinagalit ng mga kapitbahay, hindi kay Cecil na siyang nagsisigaw kundi sa dahilan nito, si Gwen.

"Aray ko, Ma!" reklamo ni Gwen. Kahit pa kasi makapal ang kumot, tumarak pa rin ang sakit at hapdi ng tubig. Biglang napatayo ang dalaga at napaalis sa hinihigaang kama.

Agad niyang napansin ang pamumula sa balat at batid niyang sa ilang sandali magiging lapnos na ito.

"Ang aga-aga ng ritwal mo today! Grabe ka, puwede ka ba mag-rest day muna?" sigaw ni Gwen sa ina. Si Cecil naman naghahanap ng bagay na puwedeng ihampas sa sumasagot-sagot na anak.

"Diyos por Santo! Kunin ninyo na itong anak kong palamunin, napakasakit sa ulo!" Umaaksyon pa ang kaniyang ina na animo'y nakikiusap talaga mula sa itaas.

Umirap si Gwen saka muling bumalik sa pagkakahiga. Nakita ito ng kaniyang ina kaya hindi na nakapagpigil, hinawakan na ang kaniyang braso nang mariin na halos bumabaon ang mga kuko nito saka kinaladkad ang anak.

"Napakatigas ng ulo mo. Ang laki-laki mo na, napakatamad mo! Hindi mo pa pinatay ang TV sa sala kaya bukas magdamag tapos anong oras na tulog ka pa!" bulyaw ng ina habang kinakaladkad ang anak palabas ng kuwarto nito papunta sa sala.

Kahit papaano, tiles ang sahig nila kaya hindi masyadong masakit ang pagkasudsod, iyon nga lang pakiramdam ni Gwen nakakalbo na siya sa dami ng hiblang natanggal sa kaniya sanhi nang pagsabunot ng ina.

Kumikirot man ang ulo niya, hinayaan niya ang ina. Pumipikit pa siya na animo'y walang pake sa ginagawa sa kaniya.

"Tapos tutulugan mo ako? O sige! Huwag kang pumasok, punyeta ka ha! Rito ka lang sa bahay, bantayan mo 'yong tindahan! Wala kang silbi, sakit pa sa ulo." Napamasahe pa ang ina sa kaniyang sintedo matapos niya malakasang tulakin ang anak.

The Shape of Our HeartsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon