Isa ngayong maulan na araw. Makikita ang kadiliman ng langit at ang marahang pagkulog at pagkidlat. Wala ng ibang taong makikita sa paligid kundi siya lamang. Habang hawak ang isang pirasong keyk na may kandilang walang sindi at isang payong, agad siyang naglakad ng may malawak na ngiti.
Basang-basa man at nagdiretso siya sa kaibigang may kaarawan. Sa isang tahimik na lugar kung saan sila lang dalawa, gusto niyang isurpresa ang kaibigan. Sinalubong niya ang kaibigan ng may malawak na ngiti. Umupo siya sa tabi nito, kinuha ang posporong nasa bulsa, sinindihan ang kandila at kinantahan ng "happy birthday" ang kaibigan.
Kasabay ng malakas na ulan, umihip ng malakas ang hangin at namatay ang isininding kandila. "Maligayang Kaarawan Kaibigan" wika nito sa isang bato kung saan nakaukit ang pangalan ng kaibigan. Kasabay ng pagbuhos ng ulan, lumandas sa pisngi niya ang isang luhang tumakas mula sa mga matang kanina lamang ay nakatawa.