Litrato

81 0 0
                                    


Nagkakagulo na ang lahat. Hindi nila siya makita. Ang pamilya niya ay hindi na magkaugaga sa pagikot at paghahanap sa kanya. Ang pari ay naiinip na rin. Kasabay ng takbuhan ng tao ay bumukas ang malaking pintuan ng simbahan.

Nakikita ko ngayon ang pinakamagandang babaeng nakita ko sa buong buhay ko. Nakasuot siya ng isang puting bestida kung saan makikita ang natatangi niyang kagandahan. Napapalibutan din ng mga palamuti ang kanyang buhok na ngayon ay nakataling pataas. Pati ang mga alahas na hindi niya masyadong sinusuot ay kanyang ginamit para lamang sa espesyal na araw na ito.

Lumapit sa kanya ang kanyang mga magulang. Silang tatlo ay nakangiti ng wagas sa akin. Bakas sa mukha nila ang saya at lungkot. Habang sila'y naglalakad, niyakap siya ng mga ito. Hindi nila mapigilang umiyak kaya't hinayaan ko muna sila.

Nang mahimasmasan ay muli silang naglakad. Dahan-dahan ay lumalapit na siya sa akin. Panay din ang aking pagngiti. Ng kami'y magkatapat na ay tumigil siya sa harap ko. Ibinigay niya ang pinakamalaki niyang ngiti sa akin at sinabing "Maraming salamat kaibigan sa pagkuha ng litrato sa pinakamasayang araw sa buhay ko". Muntik ko ng makalimutan, ako nga pala ang kamera man sa kasal ng kaibigan kong matagal ko ng minamahal.

DagliTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon