CHAPTER EIGHTEEN

3.5K 128 2
                                    


NAG-TEXT sa akin si Calix at sinabihan ako na pumunta sa abandonadong building sa afternoon vacant period dahil may importante raw kaming pag-uusapan pero nang makarating ako sa ikalawang palapag ay may nakita akong dalawang lalaking mukhang gangster sa mismong silid na tinatambayan namin ni Calix. Hindi sila miyembro ng Mercurial.

"S-Sino kayo? Anong ginagawa n'yo rito?" nasabi ko sa kabila ng nerbiyos.

"Si Calix ang sadya namin. Ikaw, sino ka?" tanong ng lalaking naka-spike ang buhok.

"Syota ka ba ni Calix?" tanong ng isa pang lalaki na maitim.

Umiling ako. "Hindi."

"Eh, sino ka? Ba't naliligaw ka ba?"

"Brod, maganda siya, ha," sabi ng maitim na lalaki sa kasama. "Miss, anong pangalan mo?"

"A-Alis na 'ko." Tumalikod na ako at nagmamadaling lumabas ng silid pero hinarang ako ng lalaking maitim. Hindi ako makapaniwala sa bilis niya.

"Aalis ka na agad? Hindi pa kita nakikilala." Sa gulat ko ay hinila ako ng lalaki papasok sa silid. Nahulog ang bag ko sa sahig.

"Bitiwan mo 'ko!" Nagpumiglas ako sa kanya pero hindi niya ako binitiwan.

"Masyado kang pakipot. Gusto lang naman kitang makilala, eh."

"Bitiwan mo siya!"

Tumingin ako sa pinto at nakita ko si Calix na nakatayo roon. Nakatiim-bagang siya sa galit.

"Calix!" Nagmura ang lalaking naka-spike ang buhok. "Dito lang pala kita makikitang gago ka."

"Bitiwan mo sabi siya, eh." Hindi pinansin ni Calix ang nagsalitang lalaki. Lumapit siya at hinagip ang kamay ko palayo sa maitim na lalaki pero mabilis siyang inatake ng lalaking may spike hair.

Nagpambuno ang dalawa habang ako ay hawak pa rin ng lalaking maitim na kahit anong pagpupumiglas ko at panlalaban ay hindi ako makawala. Kung nasa akin lang ang bag ko ay nagamitan ko sana siya ng pepper spray. Nakita ko ang letrang "R" sa tattoo sa inner finger ng lalaki. Ang R bang iyon ay Ruckus? Miyembro ba ng Ruckus Gang ang mga lalaking ito?

Napatumba ni Calix ang lalaking may spike hair. Kaya hinarap naman niya ang lalaking may hawak sa akin. Pero bago pa makalapit si Calix sa amin ay may inilabas na kutsilyo ang lalaking maitim at inilapat sa leeg ko. Nanginig ako sa sobrang takot.

Nakita ko ang takot ko sa mukha ni Calix. Nanlalaki ang mga mata niya habang nakatingin sa patalim. "'Wag mo siyang sasaktan!"

"Hmmm... mukhang syota mo itong babaeng ito, ah."

"Ako ang harapin mo! 'Wag kang mandamay ng walang kinalaman dito. Kung matapang ka, bitiwan mo siya at ako ang harapin mo."

"Sige. Bibitiwan ko itong babaeng 'to. Pero lumuhod ka muna sa harapan ko."

"Ano?!" bulalas ni Calix.

"Kapag hindi mo ginawa, ituturok ko ito sa leeg niya," tukoy ng lalaking maitim sa kutsilyong hawak.

Parang gusto ko nang maiyak pero pinigilan ko. Nagdasal lang ako sa isip ko.

"Luhod!"

Hindi ako makapaniwala nang makitang sinunod ni Calix ang utos ng lalaki. Alam kong hindi dapat lumuluhod ang isang lider ng gang sa kalabang gang. Pero ginawa iyon ni Calix para sa akin.

Nagtatatawa ang lalaking maitim. Bumangon na ang lalaking naka-spike ang buhok at kinuhanang ng picture si Calix gamit ang camera sa cellphone at pagkatapos ay nagtawanan ang dalawa.

Tuluyan na akong napaluha. Hindi ko matanggap na ako pa ang naging downfall ni Calix.

Niyakap ako ni Calix nang iwan na kami ng dalawang lalaki. Inalo niya ako sa pag-iyak.

"I'm sorry, Nadine. Alam kong natakot ka. Hindi dapat nangyari sa 'yo 'to. Hindi ka dapat nadadamay sa gulo ko."

Bahagya akong bumitiw kay Calix para tingnan siya. "Hindi mo dapat ginawa 'yon. Hindi ka dapat lumuhod sa kanila."

"What?" parang hindi makapaniwalang sambit ni Calix. "Anong gusto mong gawin ko? Hayaan kang saktan nila?"

"Alam kong kaya mo siyang i-distract para makalapit ka at maagaw mo ang patalim. Nakita na kitang nakipaglaban. Hindi ka dapat humantong sa pagluhod sa kanila."

"I don't want to risk your life."

Lalo akong naiyak sa sinabi ni Calix. "Kinuhanan ka nila ng picture. Pinagtatawanan ka nila. Baka kung saan makarating ang picture na iyon. Hindi ako makapaniwalang kaya mong ipagpalit ang reputasyon mo at ang pangalan ng gang mo para sa akin."

Niyakap lang ulit ako ni Calix at hindi na siya nagsalita pa. Na-realize rin siguro niya ang magiging consequences ng aksiyong ginawa niya. Alam kong hindi ikatutuwa ng Mercurial ang nangyari. 

I KNEW HE WAS TROUBLE [COMPLETED] (St. Catherine High Series Book #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon