Crescendo

1 0 0
                                    

Gusto ko siya. Gustong-gusto ko siya.

Pakiramdam ko, mamamatay ako kapag hindi ko siya nakuha. Pakiramdam ko mawawalan ako ng hininga kung hindi niya ako hahawakan, lalapitan, hahagkan. Nagsilbi siyang pampakalma sa magulo kong sistema at araw sa madilim kong buhay.

Gusto ko siya sa paraan na hindi ko maipaliwanag. Hindi ko alam kung dahil ba sa mapupungay niyang mata o sa mapupula niyang labi. Hindi ko alam kung dahil hinawakan niya ang kamay ko o dahil nginitian niya ako. O baka naman dahil tila nagiging ibang tao siya sa tuwing tumutugtog sa harap ng maraming tao. Baka dahil sa pawis na tumutulo sa kaniyang noo habang umiindayog ang katawan niya sa ritmo ng musika.

Hindi ko rin lubos na maintindihan kung bakit lubos akong natutuwa kapag nakikita ko siya. Wala mang pagpapalit ng mga salita ang maganap; hindi ko man siya malapitan, masaya ako. Makita ko lang siyang ngumiti napapangiti na rin ako. Hindi ko alam na totoo pala ang ganito -- ang mahumaling nang husto sa isang tao.

Gusto ko siya noon kasi siya lang ang tanging nagpapasaya sa akin. Hanggang sa gusto kong sumaya na siya sa akin. Gusto kong tumawa siya dahil sa mga biro ko at ngumiti siya dahil sa mga puri ko. Gusto kong kiligin siya sa tuwing pupunasan ko ang pawis sa kaniyang mukha at malungkot siya sa tuwing uuwi na kami. Gusto ko, sumaya siya sa akin. Gusto kong maging kasiyahan namin ang isa't isa.

Habang tumatakbo ang oras, lumalalim nag nararamdaman ko. Natutunan ko siyang magustuhan na walang hinihinging kapalit kung 'di ang kaniyang kasiyahan. Natututunan kong tignan siya mula sa malayo at hindi lumapit, kahit taliwas sa gusto ko. Natututunan ko ang mahalin siya sa kabila ng sakit at hirap.

Pero, hindi niya ako gusto.

Melancholia on Its FinestWhere stories live. Discover now