Chapter 1

25.6K 528 63
                                    

LOVELY ZAPANTA

Sinipat ko ang puno ng acacia na nasa tuktok ng burol. Nasa limandaang metro ang layo nito mula sa aking kinatatayuan. Hinubad ko sa ulo ang hood ng suot kong jacket, tiningnan ko ang oras sa aking relos. Humugot ako nang malalim na hinga upang punan ng hangin ang aking baga at saka ako tumakbo hanggang sa makaabot ako sa puno. Muli kong tiningnan ang oras. Inabot ako ng fifty three seconds. Sumobra ng three seconds kumpara sa normal kung takbo na fifty seconds para sa five hundred meters. Ayos lang kahit bumagal, patarik naman kasi ang tinakbo ko.

Naupo ako sa nakausling malaking ugat ng akasya. Pinagpagan ko ang aking kupas na pantalong maong. Tinanggal ko ang kumapit na mga damo sa aking luma at pudpud na rubber shoes. Malakas ang ihip ng hangin sanhi para maglaglagan ang mga lumang dahon. Nag-iisang puno lang ang akasya sa malawak na burol. Sa katawan nito ay kulang pa ang pinagsamang braso ng dalawang tao para maakap. Ito daw ang pinakamatandang puno sa aming lugar at natatakot ang mga taong lumapit dito dahil sa paniniwalang may mga nakatirang engkanto. Pero para sa akin ang punong ito ang paborito kong pahingahan.

Asul na asul ang kalangitan. Walang anumang puting ulap na humahalo maliban sa mga ibong nagliliparan. Payapang pinagmasdan ko ang malawak na berdeng damuhan hanggang sa dahan-dahan akong nalungkot.

Siguro ay matatagalan bago ko muling makita ang burol na ito. Ito ang pinakapaborito kong lugar sa buong mundo dahil dito naganap ang maraming magagandang alala namin ng aking yumaong ama. Ito ang nagsilbing unang training ground ko sa pagtakbo. Seven years old pa lang ako ay ineensayo na ako ni Papa sa pagtakbo. Siya ang aking kauna-unahan at kaisa-isang coach. Sabay kaming nangarap na pagdating ng araw ay magiging professional athlete ako. Subalit biglang naglaho ang pangarap na yun nang inatake sa puso si Papa nung ako ay eleven years old.

Mula noon, kinalimutan ko na ang pangarap kong maging atleta. Para saan pa kung wala na ang kaisa-isang taong nagbibigay sa akin ng inspirasyon? Ang natira na lamang sa akin ay ang hilig ko sa pagtakbo. Kapag mag-isa at may libreng oras, nag-eensayo pa rin ako. Pakiramdam ko kasi kapag ginagawa ko yun ay pansamantala kong nakakasama si Papa.

"LOVELYYYY!!!! LOVELYYYYY!!!! NASAAN KA BA?!!!!"

Tumayo ako mula sa saglit na pamamahinga nang marinig ang galit at matinis na boses ni Mama. Sa huling sandali ay muling tiningnan ko ang buong paligid. Mabigat ang dibdib na kumaway ako sa hangin upang magpaalam sa kapaligirang saksi sa aking paglaki. Mabilis akong tumakbo patungo sa kung saan nagmumula ang boses ni Mama.

"Sinasabi ko na nga ba galing ka na naman sa burol na yun! Paalis ka na lang ng Maynila nagawa mo pa ring maglagalag!" galit na hinila ni Mama ang kamay ko. Walang tigil ang bibig niya sa paglilitanya habang tinatahak namin ang madamong daan pauwi sa aming bahay. Nakatira kami sa Sitio Bondokin. Kaya ganun ang pangalan ng lugar namin dahil nasa paanan lamang ng bundok ang aming baryo. Sampung kilometro ang layo mula sa bayan at tatlong kilometro ang layo ng nilalakad ko bawat araw na pumapasok ako ng eskwela.

Pagdating sa bahay kung saan isang kilometro ang layo mula sa burol, naghihintay na sa akin ang pinsan kong si Bea Carlo, ang baklang anak ng Tiya Juanita na may tindahan ng damit sa Divisoria. Sa aming angkan, ang kanilang pamilya ang pinakanakakaangat sa buhay. Hindi pa ako nakakarating ng Maynila sa tanang buhay ko. Ang pinakamalayong lugar na aking narating ay ang Funta Clara, ang pinakamalapit na siyudad sa aming bayan. Paano ko ba naman mararating ang kabihasnang kailangan kong bumiyahe ng labing apat na oras sa sarili kong kakayanan? At kung saan man yang tinutukoy nilang Divisoria ay wala akong ideya.

Tinapon ni Mama ang isang malaking bag sa aking paanan. "Huwag mong pairalin ang katigasan ng ulo mo dun ha?!" singhal niya sa akin. "At lagi mong tatandaan na kapag may nagtanong sayo kung ilang taon ka na, disi otso ang isasagot mo!"

PRETTY YOUNG HEARTSWhere stories live. Discover now