MALAPAD ang ngiti ni Jacque o Jacqueline Alonzo habang pinagmamasdan ang term paper na naka-ring bind. Isa iyong requirement para maka-graduate ang tulad niyang nasa ikaapat na taon na sa mataas na paaralan. Isang buwan din niyang inubos ang oras upang matapos iyon.
At ang term paper na iyon ay hindi para sa kanya kundi sa kanyang nobyong si Luis. Si Luis na popular sa kanilang eskwelahan, ang St. Bernard High School, isang pribadong eskwelahan. Hindi siya mayaman, isa siyang eskolar sa eskwelahang iyon. Hindi kakayanin ng mga magulang niya ang tuition fee sa SBHS.
Ang kanyang ina ay isang dakilang maybahay at ang kanya namang ama ay isang teller sa banko. Sapat na ang kinikita nito para sa kanilang pamilya, nag-aaral na rin kasi ang kapatid niyang si Damian, nasa ikatlong taon na ito sa high school ngunit sa pampublikong paaralan lang ito pumapasok dahil hindi ito isang eskolar na tulad niya. Ganoon pa man ay alam niyang hindi mahina ang ulo nito. Hindi nga rin niya alam kung ano ang naging problema at hindi ito nakapasa bilang eskolar sa SBHS. Ang bunso naman nilang si Lemuel ay anim na taong gulang na at mag-aaral na rin sa susunod na taon.
"Ikaw na naman ang gumawa ng project niya?" anang isang tinig sa kanyang likuran. Hinarap niya ito at hinila sa tabi. Ito ang kanyang bestfriend at seatmate na si Patrick ngunit nagiging Patricia pagdating ng dismissal.
"Ano ka ba? Huwag ka ngang maingay at baka may makarinig sa'yo. Kapag nakarating kay Miss Graciano na ako ang gumawa ng term paper ay pareho kaming malalagot ni Luis," pabulong na saway niya sa kaibigan.
Inirapan siya nito. "Gaga ka!" mahina ngunit mariing nitong wika. "Ga-graduate iyang boyfriend mo na ikaw ang gumawa ng lahat ng projects niya. At hindi mo siya natulungan kung iyon ang iniisip mo. Tinuruan mo lang siyang maging tamad at maging palaasa."
"Nakakaawa naman kasi si—"
"Ikaw ang nakakaawa!" putol nito sa sinasabi niya. "Ikaw ang nahihilo sa kagagawa ng mga bagay na hindi mo naman dapat ginagawa samantalang ang magaling mong boyfriend ay nagpapakasarap."
"Tama na, Patrick," nakasimangot na sabi niya rito. Araw-araw na lang siyang sinesermunan nito na parang nanay niya at naririndi na siya.
"Bahala ka," anito na inirapan na naman siya. Hindi na rin siya nagkomento pa dahil dumating na ang guro nila.
Nang mag-lunch break ay tinakasan niya si Patrick dahil alam niyang sesermunan na naman siya nito kapag nagpasama siya sa tambayan nina Luis at ng mga kaibigan nito. Dadalhin niya sa nobyo ang term paper. Kapag ganoong break time ay nasa likod ng canteen si Luis, doon ito tumatambay dahil walang gaanong estudyante sa bahaging iyon.
Sa gilid ng canteen siya dumaan at agad niyang nakita ang nobyo nang makarating siya sa likurang bahagi niyon. Nakatalikod sa kanya si Luis pati na rin ang mga kaibigan nito. Tatawagin niya sana ngunit narinig niya ang pinag-uusapan ng mga ito.
"Akala ko ba si Doreen ng Easton High ang tipo mo, 'tol?" tanong ng kaibigan ni Luis dito. Siniko pa ang nobyo niya.
"Oo nga, 'di hamak naman na mas maganda si Doreen kay Jacque," natatawang sabi ng isa pang lalaki.
"Para naman kayong mga tanga," sabi ng isa pa. "Alam na ninyo ang sagot. Maganda si Doreen pero matalino si Jacque. Ano'ng mapapala ni Luis kay Doreen? Eh, si Jacque, kaunting lambing lang, gagawin niyon ang lahat ng sabihin ni Luis. Tignan mo nga ga-graduate nang pa-easy-easy lang," natatawang sabi pa nito.
Parang nais niya nang sumigaw upang ipaalam sa mga ito ang presensya niya. Parang sasabog ang dibdib niya sa lahat nang narinig. So, ganoon? Tama si Patrick. Isa siyang uto-uto para isiping gusto talaga siya ni Luis. Siya na isang napaka-ordinaryong babae. Hindi mayaman, simple ang itsura at hindi pansinin. Paano nga naman siya magugustuhan ng pinaka-popular na estudyante ng SBHS? Ilusyonada nga siya.
BINABASA MO ANG
[COMPLETED] The Ladies' Man Meets Jacque Alonzo (Published under PHR)
RomanceWala pong edit-edit. Patawarin niyo ako sa mga typo at grammatical errors. Hahaha :D "Maganda ka na kahit walang makeup, kahit basahan ang suot mo... You are perfect in my eyes, Jacque." Masama ang loob ni Jacqueline o Jacque sa mundo dahil sa maik...