"I was first! First kiss mo ako, 'no?" nangingislap ang mga matang tudyo nito nang wala na siyang maatrasan kundi ang pader.
Iyon mismo ang ipinagpuputok ng butse ni Ada. Ang lalaking ito ang unang nakaangkin sa mga labi niya. Ang masama, dahil lang iyon sa isang palabas. Pinapangarap pa naman niyang ang lalaking mahal niya ang unang lalaking hahalik sa kanya.
"Ano, sweetheart, ako ang una, 'di ba?"
"Oo na!" pag-amin ni Ada. Naiilang na kasi siya sa posisyon nila. Na-corner na siya ni Arthur Franz at nakasandal na siya sa malamig na pader. Nakatukod ang mga braso ng binata sa magkabilang gilid niya.
"Really?" anitong inilalapit pa ang mukha sa kanyang mukha.
Kinalma ni Ada ang sarili at itinulak ang binata. Nakasimangot na umupo siya sa sofa. "Sinira mo ang pangarap ko, Franz," nakalabing wika niya.
"Pangarap?" Nakapamulsang sumandal ang binata sa pader, hindi pa rin nawawala ang kakaibang kinang sa mga mata.
Tinalikuran ni Ada ang binata. "Mula pagkabata, pinangarap kong ang unang lalaking hahalik sa akin ay mahal ko! 'Tapos, sinira mo lang. Wala na, tapos na ang ilusyon ko. Kung ano-ano kasi ang mga kalokohan mo sa babae, 'tapos, pati ako ay ginagamit mo sa pagwawalis sa mga kalat mo! Kaya mo siguro ako kinaibigan, ano? Para may pangharang ka sa mga babae mo," litanya niya. "O, bakit hindi ka makasagot diyan?"
Nilingon ni Ada ang binata nang wala pa rin siyang makuhang sagot. Nakapamulsa pa rin ito, ngunit nakayuko naman habang bahagyang iginagalaw-galaw ang mga paa.
"Hindi ka makasagot kasi tama ako, 'di ba? Naku, kung hindi lang sa mama at papa mo, matagal na kitang binalatan!" Tumayo si Ada at nilapitan ang binata. "Akin na ang credit card mo." Inilahad niya ang kamay.
Nag-angat ng mukha ang binata. "Bakit?"
Bahagya siyang nagulat nang makita ang seryosong ekspresyon sa mukha ng binata. Pero agad din siyang nakabawi. "Kailangan mong palitan itong jeans ko. Pinutol ko pa para lang matapatan ang babae mo."
"Bagay naman sa 'yo," sagot nitong wala pa ring emosyon, mukhang tinablan sa panenermon niya.
Mabuti naman!
"Give me your credit card, bilis."
Naglabas naman ng credit card ang binata at iniabot iyon sa kanya.
"Marami ka pa bang pagtataguan? Sabihin mo na para dadagdagan ko na ang bibilhin ko."
"Ikaw na ang gumamit niyan. Sa iyo na 'yan."
"Ayoko nga! Basta papalitan mo lang itong jeans ko," aniya. "Siyanga pala, Franz, may girlfriend ba ngayon si Attorney Montecillo?"
Sa wakas, nagkaroon din ng emosyon ang mukha ng binata. Kumunot ang noo nito. "Bakit gusto mong malaman?"
"Bakit, bawal ba? Top secret ba iyon?"
"Type mo si Milo?"
Isinuot ni Ada ang sapatos, kapagkuwa'y pinamaywangan si Arthur Franz. "Bakit, masama ba?"
"Huwag mo nang pangarapin. Hindi 'yon papatol sa 'yo."
Nag-init ang mga pisngi ni Ada sa sinabi ni Arthur Franz. Mariing kinagat niya ang ibabang labi upang pigilin ang pag-alpas ng emosyon. Alam niya kung ano ang ibig sabihin ng binata. Imposible nga naman kasing magkagusto ang isang lalaking may ganoong katayuan sa buhay sa isang katulad niyang pangkaraniwan, ulila, at walang yamang maipagmamalaki. Kung hindi pa dahil sa mama ni Arthur Franz ay hindi siya makakapag-aral.
Maganda siya, oo. Ngunit iyon lang ang puwede niyang ipagmalaki. Ano ang magagawa ng ganda niya gayong napakaraming magaganda na mayayaman din.
Hindi naman niya pinapangarap na maging boyfriend si Milo Montecillo. Hinahangaan lang niya ang lalaki dahil sa galing bilang abogado, lalo na nang maipanalo nito ang kaso ni Sen. Carlos Clark na ama ni Randall Clark, isa sa mga kaibigan nito at ni Arthur Franz. Masakit lang sa loob na ipamukha sa kanya kung sino ang puwede at hindi puwedeng magkainteres sa isang tulad niya.
Tila naalarma naman si Arthur Franz na parang nabasa ang tumatakbo sa kanyang isip. Dagli itong lumapit sa kanya. "Ada, it's not what you think. Hindi ganyan ang nais kong ipakahulugan. Stop that."
Kahit anong pagpipigil ang gawin ni Ada ay pumatak pa rin ang mga luha niya. "Thank you for reminding who I am," mapait na sabi niya at saka dali-daling tinungo ang pinto.
"Ada. No, wait!"
"Minsan talaga ay nawawala ako sa sarili ko, Mr. de Luna. Salamat at nandiyan ka para ipaalalang kailanman ay hindi magpapang-abot ang langit at lupa." Tuluyan na siyang lumabas.
"Damn!" narinig pa niyang mura ni Arthur Franz bago niya tuluyang maisara ang pinto.
Sumakay si Ada sa kanyang kotse at nagtungo sa Baywalk. Doon niya hinayaan ang sariling umiyak. Mag-aanim na taong gulang siya nang maging ulilang-lubos. Malabo na rin sa alaala niya kung paano. Basta ang natatandaan na lang niya ay ang paminsan-minsang pagsingit sa kanyang alaala ng isang babae na marahil ay nanay niya habang ipinipinta ang isang maliit na batang babae. Pagkatapos ng eksenang iyon ay apoy ang kasunod.
Nasunog pala ang bahay nila at siya ang tanging nakaligtas. Her father first brought her to safety, saka ito bumalik sa bahay para naman iligtas ang kanyang ina. Pero parehong hindi na nakalabas ang mga magulang. Lumaki ang apoy at kasamang natupok ang kanyang mga magulang.
Dinala si Ada sa ampunan. Wala rin siyang alaala kung sino ang nagdala sa kanya roon. Basta ang naaalala niya ay lagi siyang umiiyak. Kahit pa nga lumipas ang mga taon ay hindi nawala ang kalungkutan niya. Hanggang isang araw ay may isang magandang babaeng dumating sa ampunan. Isa pala ang babae sa mga nag-i-sponsor sa mga batang ulila para makapag-aral. Ngumiti ang babae sa kanya. Hanggang ngayon ay hindi nakakalimutan ni Ada kung paanong tila naghatid ng liwanag sa kanya ang ngiti nitong iyon. Parang anghel ang babae sa kabutihan nito. At mula noon ay naging bahagi na siya ng pamilya de Luna. Sa dorm siya nanatili habang nag-aaral kahit panay ang pilit sa kanya ng mag-asawa na sa mansiyon na ng mga ito siya tumira.
Hindi masasabi ni Ada na si Arthur Franz ang dahilan kung bakit ayaw niyang tumira sa mansiyon. Kung sa angas din lang, makakaya niyang tapatan ang lalaki. Pero mas gusto niyang matutong tumayo sa sariling mga paa, maging independent, at buuing muli ang sarili.
BINABASA MO ANG
Paint My Love (Completed!)
RomanceArthur Franz de Luna's story. :) Kumukulo ang dugo ni Ada sa boss niyang si Arthur Franz de Luna. Adelantado at arogante ito. Tila misyon din nito sa buhay ang painitin ang ulo niya araw-araw. Kaya lagi rin siyang may sagot sa bawat atake nito. Kung...