"O, BAKIT ka bumalik?" tanong ni Ada kay Arthur Franz pagpasok ng binata sa opisina.
Hindi sumagot ang amo. Sa halip ay tuloy-tuloy lang na naglakad, saka umupo sa swivel chair nito.
"Paano? pupuntahan mo na ba 'yong ibang appointments mo?" tanong ni Ada.
Hindi pa rin tumugon si Arthur Franz. Abala ang lalaki sa pagkutingting sa cell phone nito. Para siyang kumakausap sa hangin.
"Nice talking," parinig ni Ada ngunit dead-ma pa rin si Arthur Franz.
Ano ba ang problema ng lalaking ito? Himala, hindi ako iniinis. Kung ganito ba lagi, okay na okay sana...
Sumapit ang lunch break. Mabilis na kinuha ni Ada ang kanyang bag at saka tumayo. Gutom na talaga siya. Hindi siya nakapag-almusal kaninang umaga at hindi rin nakapag-coffee break man lang dahil sa dami ng trabahong dapat niyang tapusin.
"Saan ka pupunta?"
Tumaas ang isang kilay ni Ada, napatigil din siya sa paghakbang. "Aba! nakakapagsalita ka pala? Akala ko kanina, napipi ka na, eh."
"Sagutin mo ang tanong ko!"
"Bakit ko sasagutin ang tanong mo? Sinagot mo ba ako kanina?" aniya at tumalikod na. Huwag itong loloko-loko sa kanya at talagang gutom na talaga siya. Magbiro na si Arthur Franz sa bagong gising huwag lamang sa gutom na tulad niya dahil nakakainit ng ulo!
"Adallene!"
Lumingon siya. "Masakit sa tainga, Franz." Binelatan niya ang lalaki bago tuluyang umalis. Tinawag niya ang amo na "Franz." Tanging pamilya lang ng lalaki ang tumatawag dito ng ganoon. Hindi niya alam kung bakit iyon din ang tawag niya sa lalaki. Hindi naman siya sinita nang unang beses niyang tawagin ang lalaki sa ganoong pangalan. Sa mga kaibigan nito, ito si "Art." Ang Arthur Franz ay pinagsamang mga pangalan ng mga magulang nito—"Arthuro" at "Frances."
Tuloy-tuloy nang lumabas ng pinto si Ada.
"BIBITAYIN ka na ba? Kung makakain ka, parang last meal mo na 'yan, ah."
Muntik nang mabulunan si Ada nang marinig ang boses ni Arthur Franz. Walang paalam na umupo ang lalaki sa katapat na silya ng mesang inookupa niya. Maagap na inabutan siya ni Arthur Franz ng tubig.
"Gusto mo talaga akong mamatay, ano?" singhal ni Ada nang makabawi.
"Hey, easy. Bakit nga ang dami mong pagkain?" tanong ni Arthur Franz na iminuwestra pa ang mga pagkain sa mesa. Chicken barbecue at kalahating kanin lang naman iyon. Ang marami ay ang iba't ibang fresh fruits. Mahilig kasi siya sa prutas at kapag gutom siya ay talagang nilalantakan niya ang mga iyon. Isang himala na hindi nagloloko ang kanyang tiyan kahit halo-halong prutas ang kainin niya.
Pinalo ni Ada ang kamay ni Arthur Franz nang akmang kukuha ang binata ng strawberry. "Ganito talaga akong kumain. Ano ba'ng pakialam mo? Umalis ka sa harap ko, naiistorbo mo ang pagkain ko."
"Hindi ka nag-breakfast, 'no? Bakit hindi ka nag-break kanina? O kahit hindi breaktime, dapat kumain ka," nakakunot-noong wika ni Arthur Franz.
Ngumisi si Ada. "Concern ka? Sa pagkakatanda ko, santambak na trabaho ang iniwan mo sa akin dahil inuna mo ang mga kaibigan mo." Hindi naman siya galit sa mga kaibigan ng lalaki, sa katunayan ay hinahangaan niya ang mga iyon. Ang mga taong iyon pa nga ang nauunang kumausap sa kanya kapag nakikita siya sa kahit saang lugar.
"Ikukuha kita ng assistant," bigla ay sabi ni Arthur Franz.
Natawa si Ada. "Secretary na may assistant? Nagpapatawa ka ba, Franz?"
"Kailan ba ako nagbiro?"
Natigilan si Ada. Lahat nga ng sinasabi ng lalaki ay ginagawa nito. "Subukan mo," banta niya.
"Talagang gagawin ko," kampanteng wika ni Arthur Franz. Bago pa niya nasaway ang lalaki ay nakakuha na ito ng isang hiwa ng pinya mula sa plato niya.
"Aba't—" Huminga nang malalim si Ada. "Kailan mo ako ikukuha ng assistant?"
"Bukas na bukas din."
Tumayo na si Ada. "Good. May makakapalit na ako, puwede na akong umalis. Expect my letter of resignation on your table first thing tomorrow morning." Magre-resign na nga lang siguro siya kaysa sa hintaying patalsikin siya ng lalaki.
Pinigilan siya ni Arthur Franz sa braso. "Hindi ka pa tapos kumain."
"Nandiyan ka kasi, nawalan na ako ng gana." Pumiksi si Ada upang makakawala kay Arthur Franz.
"Masyado kang high blood, Ada." Tumayo si Arthur Franz. "Sige na, tapusin mo na ang pagkain mo. Bukas, hindi ka puwedeng pumasok nang hindi kumakain o kaya ay nagbe-break. Hindi mo siguro gugustuhin na dalhan ka lagi rito ni Mama ng pagkain." Pagkasabi niyon ay umalis na ang lalaki.
Nasundan na lang ni Ada ng tingin ang papalayong bulto ni Arthur Franz.
Kinabukasan ay siniguro ni Ada na mag-almusal muna siya bago pumasok sa trabaho. Himala ng mga himala ngunit sa unang pagkakataon ay naging tahimik ang buong araw niya. Hindi siya ginulo ni Arthur Franz. Tahimik na nagtrabaho ang binata at sinunod ang lahat ng appointment na naka-schedule nang araw na iyon para dito.
Sumapit ang lunch break. Subsob pa rin ang lalaki sa trabaho. Patingin-tingin si Ada sa orasan. Mukhang walang balak si Arthur Franz na kumain.
"Boss, lunch break na," hindi napigilang isatinig ni Ada.
"Go ahead. Marami pa akong tatapusing trabaho."
"Okay." Tumayo na si Ada. Pakialam ba niya kung ayaw kumain ni Arthur Franz?
"Ada..."
"O, bakit?"
"W-wala."
"Ang labo mo, Boss." Lumabas na siya.
BINABASA MO ANG
Paint My Love (Completed!)
RomanceArthur Franz de Luna's story. :) Kumukulo ang dugo ni Ada sa boss niyang si Arthur Franz de Luna. Adelantado at arogante ito. Tila misyon din nito sa buhay ang painitin ang ulo niya araw-araw. Kaya lagi rin siyang may sagot sa bawat atake nito. Kung...