Nagising siya sa ingay na naririnig niya sa paligid. Iminulat niya ang mga mata at iginala ang paningin. Mukhang nasa isang abandonadong gusali siya. Nakita niya rin ang ilang kalalakihang nagtatawanan at naghihiyawan. Iginalaw niya ang mga kamay at doon niya napansin na nakatali pala ang mga ito sa kanyang likuran. Pati ang kanyang mga paa ay nakatali rin doon.
"Ui, gising na siya mga pare!" sigaw ng isang lalaki sa mga kasamahan nito at ngumising demonyo. Ito rin yung lalaking sumuntok sa kanya.
"Anong kailangan niyo sa'kin? Pakawalan niyo ako!"
"Easy lang miss. Hintayin lang natin na dumating yung kasama mo dito. Malaki ang atraso sa'min ng gagong yun." lumapit ito sa kanya at binugahan siya ng usok ng sigarilyo nito. Napaubo siya dahil doon. Tiningnan niya ito ng masama.
"Hindi ko alam kung sinong kasama ang sinasabi nyo! Pakawalan niyo ako dito! Tulong! Tulongan niyo ako!" sigaw niya. Tumawa lang ang mga ito sa kanyang ginawa.
"Kahit mapaos ka pa sa kasisigaw, walang makakarinig sa'yo dito miss. Hahaha!"
"Tulong! Pakawalan niyo ako dito mga gago kayo!"
PAK!
Saglit na nagdilim ang kanyang paningin nang bigyan siya ng nakabibinging sampal ng isa sa mga lalaki. Pagkatapos ay hinawakan siya sa baba at pinaharap dito.
"T*angina kang babae ka ha! Nakakarindi na yang pagsigaw mo." padaskol na binitawan nito ang kanyang mukha. "Napakabobo lang ng gago mong kasama at iniwan ka niya doon. Kung nag-ingat sana siya ay wala ka ngayon dito." ngumisi ito sa kanya.
Gusto na niyang maiyak sa nararanasan ngayon. Parang gusto niyang himatayin sa sakit ng pagsampal ng lalaki sa kanya. Kailanman ay hindi siya napagbuhatan ng kamay ng kanyang mga magulang. At base sa sinabi nito, mukhang alam na niya kung sino ang tinutukoy ng mga ito. Walang iba kundi ang estrangherong nagmaneho ng kanilang sasakyan.
"Hindi ko kilala ang sinasabi niyo! Pakawalan niyo ako dito! Pakiusap. Maawa kayo sa'kin." nagpumiglas siya mula sa pagkakatali niya. Kailangan niyang makaalis dito. Wala siyang kinalaman sa mga nangyayari.
Ngumising demonyo lang ulit ang lalaki sa kanya at bumalik sa mga kasamahan nitong nagto-tong its.
Pinagkiskis niya ang mga kamay, umaasang maaalis ito mula sa pagkakatali ngunit kahit anong gawin niya ay wala pa rin.
"Pakawalan niyo ako dito! Tulong!" sigaw niyang muli.
"Tumahimik ka kung ayaw mong pasabugin ko ang bungo mo." banta ulit sa kanya ng lalaking sumampal sa kanya kanina.
"Hindi pupunta dito ang taong sinasabi niyo. Hindi niya ako pupuntahan. Hindi kami magkakilala. Hindi ko siya kilala." patuloy niya.
"Tahimik sabi eh!" inis na pakli ng lalaki.
"Pakawalan niyo na ako. Hindi pupunta ang taong yun dito dahil hindi niya ako kilala!" halos maiyak na siya sa pagmamakaawang pakawalan siya. Hindi naman talaga siya pupuntahan ng lalaking iyon dito dahil unang-una, hindi sila magkakilala at mas lalong wala silang koneksyon sa isa't-isa.
"Sinabing tumahimik ka eh!" tumayo ito at naglakad palapit sa kanya. Itinaas nito ang kamay at akmang sasampalin siya. Naipikit niya ang mga mata sa takot. Ilang segundo pa ay wala pa rin siyang maramdamang sakit sa pisngi niya. Imbes ay nakarinig siya ng pagkalabog. Binuksan niya ulit ang mga mata at nakita niyang nakahandusay ang lalaki sa sahig, sabog ang ulo. Dahil doon ay biglang nagsitayuan ang mga lalaking naroon at binunot ang kani-kanilang baril. Palinga-linga na para bang may hinahanap. Maya-maya pa'y isa-isang humahandusay sa sahig ang mga lalaki.
"P*tangina! Lumabas kang gago ka!" sigaw ng lalaking sumuntok sa kanya. Tatlong kalalakihan na lang ngayon ang natitira. Bigla ulit bumulagta ang lalaking katabi nito. Napamura ulit ang lalaki at lumapit sa kanya. Itinutok nito ang hawak na baril sa sentido niya. Sobra-sobrang kaba ang nararamdaman niya ng mga oras na yun. Damang-dama niya ang malamig na dulo ng baril sa kanyang ulo.
"Bwisit! Tawagan mo ang iba nating kasamahan!" bulyaw nito sa isang kasama. Napapikit siya nang mas dumiin pa lalo ang baril sa kanyang sintido.
'Diyos ko! Ayoko pa pong mamatay.'
"Lumabas kang gago ka kung ayaw mong pasabugin ko ang ulo ng babaeng 'to!" sigaw nito at palinga-linga rin sa paligid.
Maya-maya pa'y lumabas mula sa kung saan ang estrangherong lalaking kasama niya kanina. May dala itong baril na may nakakabit na itim na bagay sa dulo nito.
"T*ng*na mong gago ka! Pagba---"
Napasigaw siya ng bigla na lang bumulagta ang lalaki sa kanyang harapan. Mabilis din nitong nabaril ang isa pang lalaki.
Agad namang lumapit ang estranghero at mabilis siyang kinalagan. Pagkatapos kalagan ay hinila siya nito at mabilis na tumakbo palabas ng gusaling iyon. Saktong paglabas nila ay nakarinig naman siya ng sunod-sunod na pagputok.
"Shit!" narinig niyang mura ng lalaki. Mariin itong nakapikit. Hawak pa rin nito ang kaliwang kamay niya habang nakikipagpalitan ng putok. Sandaling tumigil ang putukan at mabilis naman silang tumakbo patungo sa masukal na parte sa likod ng gusaling iyon.
"T-teka! Saan tayo pupunta? Ah!!!" natatarantang tanong niya. Hindi sumagot ang lalaki at patuloy lang na tumatakbo habang hila-hila siya. Patuloy rin ang pagsunod sa kanila ng ilang kalalakihan. Nagtago ulit sila sa malaking nakahandusay na puno roon. Muli'y nakipagpalitan ng putok ang estranghero sa mga kalalakihang sumusunod sa kanila. Wala siyang ibang magawa kundi ang pumikit ng mariin at takpan ang tenga mula sa nakabibinging putukan na nangyayari. Ilang beses niya pang narinig na nagmura ang lalaki bago siya nito hinila ulit. Patuloy ang putukan habang palayo sila. Hingal na hingal na siya ng makarating sila sa isang talon. Naalarma siya ng mapansin nyang tuloy-tuloy ang estranghero doon."T-teka! Anong gagawin mo?" hawak pa rin ng lalaki ang isang kamay niya.
"Tatalon tayo." seryosong saad nito.
"Ano!? Ayoko! Hindi ko kaya!" nahihintakutang sabi niya. Hindi siya mapapatay ng mga lalaking naghahabol sa kanila pero mukhang dito sya mamatay sa pagtalon sa napakataas na talon'g iyon.
"Iiwan kita dito---" hindi nito naituloy ang sasabihin ng marinig ulit nila ang sunod-sunod na pagpapaputok sa kanila.
"Tatalon tayo!" pinal na saad ng estranghero. Napakalapit na ng mga armadong kalalakihan sa kanila kaya wala siyang nagawa ng hilain siya nito.
Nalukob ang sigaw niya ng tuluyan silang lumubog sa malalim na tubig. Hindi siya marunong lumangoy! Hindi siya makahinga! Nagkakawag siya at pinipilit na maiahon ang sarili ngunit walang nangyayari. Mas lalo lamang siyang pumapailalim. Nararamdaman rin niya ang mahigpit na hawak sa kanya ng estranghero. Hinihila siya nito pailalim kaya mas lalo siyang kumawag-kawag. Nauubusan na siya lakas at hangin ngunit bago pa tuluyang mawalan ng malay ay naramdaman niya ang malambot na bagay na lumapat sa kanyang labi...
BINABASA MO ANG
Devil's Paradise
Narrativa generaleMahimbing na natutulog si Lianne sa loob ng kanilang kotse nang maalimpungatan siya sa pag-gewang ng sinasakyan. Nagulat na lamang siya nang makitang iba na ang nagmamaneho nito, isang estranghero! At mas lalo pa siyang nagulat ng makarinig ng sunod...