Taong 1995
"Tita, bakit kailangan nating umalis sa Cotabato? Bakit hindi sumama sa 'tin si Lola? Sinong mag-aalaga sa kaniya habang wala tayo ro'n?" may pag-aalalang tanong ko.
"Oscar, ilang beses mo nang itinanong sa 'kin 'yan. Maaari bang magpahinga ka na muna?" sagot ni Tita Hilda.
Siya ang nakababatang kapatid ng yumao kong ina. Hindi ko alam kung bakit wala pa siyang nobyo. Maganda naman siya. Siguro naubos ang panahon niya sa pag-alaga sa akin mula nang pumanaw si Nanay noong dalawang taong gulang pa lamang ako. Siya at si Lola ang nagpalaki sa akin dahil mula nang magkamulat ako ay wala na rin akong nakilalang ama.
"Eh. Tita, hindi mo naman kasi sinasagot nang maayos ang tanong ko," ang pamimilosopong sagot ko.
Bumuntunghininga siya. "Naisip kasi namin ni Nanay na mas maganda ang kinabukasan mo kung nasa Maynila tayo. Naalala mo 'yong lalaking dumalaw sa 'tin no'n? Kaibigan 'yon ng nanay mo. Nag-alok s'ya ng trabaho sa 'kin sa Maynila. Bukod do'n, pag-aaralin ka pa raw n'ya."
"Pero nagagawa naman natin 'yon sa Cotabato, ah. Hindi na natin kailangang lumuwas at iwan si Lola," giit ko.
"Masaya ka ba ro'n sa paaralan mo? 'Di nga ba lagi kang napapaaway?" tanong niya.
"Bakit po? Do'n ba sa bago kung eskuwelahan, wala nang mang-aaway sa 'kin? Wala nang mang-aasar na putok sa buho ako?" Ang himutok ko.
"Maaari dahil walang nakakakilala sa 'tin do'n."
"Paano po kung may nagtanong ng tungkol sa mga magulang ko? Magsisinungaling po ba ako?"
"Hindi naman siguro pagsisinungaling kung iiwas ka na lang sa pagsagot. Sabihin mo, wala ka nang magulang. Ayaw mong magkuwento tungkol sa kanila kasi nalulungkot ka," paliwanag ni Tita. Hinawakan niya ako sa kaliwang balikat. "Sige na! Matulog ka na, para masigla ka pagdaong ng barko sa Maynila."
March 1999
Tama si Tita Hilda. Hindi na ako napaaway, isang bagay kasi ang natutunan ko. Hindi ko kailangang maging totoo sa lahat ng bagay para tanggapin sa mundong ginagalawan ko. Sa madaling salita, nahasa akong umiwas kung ang paksa ay tungkol sa ama ko.
Hindi sa pagyayabang. Sikat ako sa iskul namin. Hindi man ako mayaman pero matalino ako, guwapo at magaling sa basketball. Sa kabila niyon, hindi ko pa ring maiwasang malungkot. Ang hirap din pala kapag may itinatago ka. Tanggap nila ako dahil sa mga achievements ko at sa kung anong nakikita nila sa akin. Marami akong naging kaibigan pero ni isa walang nakakaalam kung ano talaga ako. Maliban sa isang ito.
"Oskay, Oskay! Congratulation! Ang yabang ng kaibigan ko, valedictorian lang naman!" sigaw ng isang batang babae.
Siya si Elle. Two years younger than me. Siya ang naging kaibigan ko mula nang dumating kami rito sa Maynila. Ewan ko kung anong may roon sa kaniya. I just feel I can be myself whenever I am with her. Ganoon ako kakomportable sa kaniya. Mala-anghel kasi ang mukha niya, mababanaag mo sa kaniyang mata ang sinseridad at pagiging tapat. Mayroon din siyang nakakahawang ngiti. Higit sa lahat, napakakulit at napakadaldal.
"Thank you. Eh, ikaw? Kumusta naman ang grades mo? Sigurado ako, lumulutang na naman ang Mommy mo dahil tumaas ang blood pressure n'ya!" pambubuska ko.
"Sobra ka naman. Hindi ako kasing galing mo pero maabilidad ako, ano? Pasado lahat ng subjects ko! Ang taas pa nga ng iba, eh." Mayamaya, humalukipkip siya na parang nag-iisip. Sigurado ako na hindi malalim ang iniisip nito. Ang babaw kaya niya!
"O, ba't natahimik ka?" tanong ko.
"Wala. Naisip ko lang, next year, high school ka na. Hindi na tayo schoolmates," humaba ang ngusong sabi niya.
BINABASA MO ANG
Complete Surrender
General FictionRomance I Humor I Light Drama I'm sorry. Iyon ang salitang matagal nang hinihintay ni Chloe na sabihin ni Oscar sa kaniya, ngunit hindi iyon ang inaasahan niyang maririnig nang unang gabing may namagitan sa kanila. Itinuring niya itong matalik na ka...