Overtime na naman.
Ilang gabi na akong late umuuwi. Ilang gabi na rin akong nagha-hapunan sa Jollibee o kaya sa McDo. Kahit kasi naka-long sleeves at naka-leather shoes ako araw-araw, hindi naman sapat ang suweldo ko para sa luho ko at mga pangangailangan ko. Kaya ayon. Tipid-tipid sa pagkain. Sapat na ang 39ers o kaya 'yong walang kamatayang chicken fillet na parang harina lang naman ang tanging ingredient.
Sawang-sawa na ako.
Minsan, naisip ko, paano kaya kung naging barker na lang ako ng jeep? 'Yong tipong hindi ko na iisipin kung anong susuotin ko 'pag gising ko. Ni hindi ko na kailangang mag-sepilyo o kaya maglagay ng clay doh sa buhok. Hindi ko na rin kailangang magtiis sa init ng polo na suot ko.
Pero hindi. Hindi ako puwedeng maging barker. Hindi naman malakas ang boses ko. Suplado rin ako at siguradong hindi sasakay ang mga pasahero sa jeep na pinagseserbisyuhan ko. Mabilis din akong magsawa at mapagod. Hindi ko rin kaya 'yong usok sa kahabaan ng Commonwealth o kaya Quezon Avenue. Mahirap pala.
Teka. Mali. Kung callboy na lang kaya?
Ay 'wag. Ang baboy. Hindi bagay sa 'kin. Hindi kaya ng sikmura ko. Baka makapatay pa ako.
Kung hindi ako isang alipin ng isang korporasyon, ano kaya ako? May sariling negosyo?
Hindi. Hindi naman Sy, o Lee, o Dy ang apelyido ko. Hindi naman ako mayaman. Hindi ako old rich. Ni wala nga sa ganda ng tunog ng Zobel de Ayala ang apelyido ko.
Ayon. Alipin ng korporasyon. Naninilbihan, kumakayod, nagpapakapagod para sa mga kumpanyang nagpapatakbo ng bansa. Kahit siguro gabi-gabi pa akong mag-overtime, hindi ko kayang kitain ang sapat na pera para makapantay 'yong boss ko. O kahit man lang mahabol 'yong mga ka-klase kong sinuwerte sa trabaho nila at ngayon ay mga boss na rin sa kanilang mga sariling paraan. Buti na lang at konti pa lang sila. Hindi pa masyadong halata kung gaano ako kapalpak.
Sawang-sawa na ako.
Long sleeves, slacks at leather shoes. Ang guwapo ng outfit ko. Pero 'yong totoo, nanlilimahid na ako sa pawis kakapilit na isingit ang payat kong katawan sa punuang bus sa may Ortigas.
Sawang-sawa na ako.
Kadiri.
BINABASA MO ANG
Overtime
RomanceKoleksyon ng ilan sa mga kwentong hindi man lang pinag-isipan. Parang 'yong ilang proyekto ng ilang ahensya ng pamahalaan: May mai-proyekto lang para kunwari may silbi sa bayan.