Takot ako sa elevator

28 1 0
                                    

Takot ako sa elevator.

Hindi lang basta takot. 'Yong tipong minsan, hindi ako makahinga lalo na kung puno ang elevator. 'Yong para bang magtagal ka pa nang ilang minuto, tiyak na hihimatayin ka na lang.

Nagsimula 'to noong high school pa ko. Noong bago pa lang kasi ang Trinoma mall, sumakay kami ng mga kaibigan ko sa bagong elevator na gawa sa glass. Pagsakay namin, siya rin namang dagsa ng iba pang sasakay kaya naman punong-puno kami.

Pababa ang elevator mula sa pinakataas na palapag. Pagdating sa ikatlong level, bigla na lang namatay ang ilaw sa elevetor at nagsimula s'yang bumagsak ng paunti-unti na para bang nagpepreno ng pabigla-bigla. At habang nangyayari 'yon, patay-sindi ang ilaw at sabay-sabay na ring nagkakagulo ang mga nakasakay.

Halos labinlimang minuto rin 'yon. Ang nakakalungkot,wala naman lang sumalubong sa amin mula sa pamunuan para tanungin kung okay lang kami.

At 'yon na. Simula noon, hindi na ako makasakay ng elevator basta-basta. Alaala ko, minsan pumunta kami sa condo ng groupmate namin sa isang subject sa college. Nasa ikawalong palapag ang unit nila. Lahat ng ka-grupo ko, nag-elevator. Ako? Mag-isang naghagdan hanggang sa ikawalong palapag. Mag-isa.

Pag-graduate ko ng college, wala na akong choice kundi malagpasan ang takot na 'to. Kapag nag-a-apply, minsan ang opisina nasa 24th floor pa. Ngayon naman, kailangan kong umakyat araw-araw sa 11th floor ng building namin. 

Medyo nalalagpasan ko naman na. Pero may mga panahon, lalo na kapag puno ang elevator, kinakapos pa rin ako ng hininga at nahihilo.

Tiyak lahat tayo may takot. Nasa atin nga lang kung paano natin s'ya malalagpasan. Pero minsan, kahit anong pilit mo, may mga bagay na hindi mo kayang daanin sa tapang at lakas ng loob lang. 

Ikaw? Anong takot mo?

OvertimeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon