Kakaibang ligaya talaga ang nadarama ko sa tuwing nagbabasa ako ng mga kwento.
"Ate," napalingon ako sa tumawag sa akin. Si kuya lang pala. Hindi ko na pinansin ang kanyang pagtawag at nagpatuloy ako sa pagbabasa.
"Anong ginagawa mo?" Bahala ka riyan nasa magandang parte na ako ng kwento.
"Hoy! Wala ka bang naririnig? Anong ginagawa mo?" kababakasan ng pagkairita ang boses nito. Kaya naman kahit labag sa loob ko nilingon ko ito at inirapan bago sumagot. "Ano pa nga ba? Edi nagbabasa nakita mo namang hawak ko itong cellphone ko. Utak naman kuya oh!"
"Hindi lahat ng may hawak ng cellphone ay nagbabasa." Makahulugang sabi nito.
"Share mo lang?" Pang-aalaska ko rito. Hindi ko na pinatulan pa ang sinabing ito ni kuya at baka kung saan pa mapunta ang aming usapan.
Istorbo naman itong si kuya marami pa akong entry na babasahin eh. Ang ingay!
Biglang lumapit ito sa pwesto ko at inagaw ang cellphone ko. "Ano ba kasi itong binabasa mo at tila ata ayaw mong magpaistorbo?" May pagka-mausisa talaga itong kuya ko.
"Kilala mo ako at alam kong alam mong ayaw ko ng may nangiistorbo sa akin kapag nagbabasa ako," naiiritang tugon ko rito. Nabitin ako sa pagbabasa ko. "Akin na nga iyang cellphone ko at marami pa akong babasahing entry."
"Teka lang." Itinago ni kuya sa kanyang likuran yung cellphone nung akmang kukunin ko na ito. "Anong konek niyan sa tanong ko? Kailangan ko pa bang ulitin yung tinatanong ko sa 'yo upang sumagot ka ng maayos?"
"Chismoso ka talaga alam mo yun? Mga maiikling kwento lang iyan. Isa kasi ako sa mga hurado kaya naman sinisimulan ko na ang pagbabasa ng mga entry." Pagmamayabang ko kay kuya.
"Chismoso agad? Hindi ba pwedeng curious lang?" Nakangiting tugon nito.
"Kawawa naman yung mga kalahok sa Wricon na 'yan. No choice siguro yung kumuha sa 'yo bilang isang hurado," Pang-aasar nito sa 'kin.
"Paano naman sila naging kawawa? Maayos naman akong kumilatis ng kwentong binabasa ko." Nakita kong umiling si kuya kaya naman napakunot noo ako dito.
"Anong maayos? Tignan mo nga itong puna mo sa naunang entry, parang nilalait mo yung writer eh! Puna bang matatawag iyan?" Agad kong kinuha sa kanya ang aking cellphone upang basahin yung punang sinasabi niya. "Wala namang mali dito ah?"
"Anong wala? Meron kaya. Hay naku! Nagbago ka na talaga kapatid, tuluyan ka na nga bang nilamon ng pait ng iyong nakaraan?" Malungkot na saad nito.
Hindi ko alam kung bakit kailangan pang banggitin ni kuya yung tungkol sa nakaraan.
"Kuya, walang mali sa puna ko." Hindi ako makatingin ng diretso dito. Hindi ko alam pero feeling ko maiiyak ako. Heto na naman siya at pinapaalala yung nakaraan. "Ano bang mali sa puna kong.... Nasayang lang yung oras ko sa pagbabasa nitong entry mo but nice try. Keep on writing baka sakaling mahasa pa ang iyong abilidad sa pagsusulat.
"Tama wala ngang mali diyan. Alam mo kung nasaan yung mali? Nasayo. Ikaw ang may mali," wala na tuluyan ng nasira ni kuya yung mood ko.
"Hindi ko naman kailangan ng opinyon mo. Kung may mali, eh di meron na. Sana pala ikaw na lang ang naging hurado tutal naman magaling ka." Narinig ko ang pagbuntong hininga ni kuya.
"Huwag mo naman sanang damdamin itong mga sinasabi ko sa 'yo. Palawakin mo naman ang iyong pang-unawa. Wala ka na sa nakaraan. Panahon na siguro upang gumising ka, huwag kang makuntento na lang sa pagbabasa ng mga gawa ng iba. Nasaan na ba yung dating ikaw?" Ang sakit. Sumasakit yung ulo ko hindi ko lubos maintindihan yung mga sinasabi ni kuya. Bakit?
Ayaw ko....
Ayaw ko ng maalala pa ang nakaraan. Matagal ko ng pilit ibinabaon sa limot ito. Pero sa tuwing nagkakausap kami ni kuya at lumalabas mula sa bibig niya ang tungkol doon bumabalik iyong kirot sa aking dibdib.
"Umalis ka na kung wala ka namang kailangan sa akin," hindi ko alam kung narinig ba ito ni kuya dahil halos pabulong ko itong sinabi.
"Hindi ka talaga makakausad kung magpapalamon ka lang sa nakaraan." Lagi na lang talagang tumatagos sa puso ang mga katagang binibigkas ni kuya.
"Umalis ka na. Iwan mo na muna ako," ayaw ko na munang marinig ang iba pang sasabihin ni kuya.
"Matuto kang tumanggap, tanggapin mo ng buong puso ang iyong nakaraan. Gawin mo itong isang magandang aral ng buhay. Huwag kang magpapalamon dito. Matuto kang tumayo sa iyong pagkakadapa. Ikaw at ikaw lang din ang makakatulong sa iyong sarili," aniya.
"Lumabas ka na. Pakiusap lang." Tuluyan ng bumuhos ang mga luha sa aking mga mata. "Hindi mo alam ang pinagdadaan ko kuya, hindi mo alam kung gaano kasakit iyong ma-reject ng paulit-ulit. Bawat mga salita nila noon sa akin katumbas ay patalim na unti-unting sumasaksak sa aking dibdib. Huwag kang magsalita na parang napagdaan mo na rin ang ganitong sitwasyon. Pero alam mo ba na kahit anong paglimot ang gawin ko dito hindi ko magawa, kasi lagi mo itong pinapaalala sa akin."
"Marahil tama ka nga wala akong alam sa iyong pinagdadaanan. Hindi porket nareject ka na ng ilang beses ay tuluyan ka ng susuko. Mahina ka kung ganun. Para mo na ring ipinamukha sa mga taong nagreject sa 'yo na tama nga sila. Pero kapatid lagi mong tatandaan na laging nandito si Kuya upang pakinggan at intindihin ang mga sasabihin mo. Wala akong masamang intensyon sa tuwing pinapaalala ko sa 'yo ang nakaraan. Gusto ko lang bumalik ang dating ikaw," hindi ko magawang lingunin si kuya dahil sa mga narinig kong salita sa kanya. "Huwag na huwag kang matatakot na sumubok ulit marami ang naghihintay sa iyong pagbabalik," pahabol pa nito bago ako tuluyang iniwan.
Hindi pa rin talaga ako handa. Feeling ko parang kahapon lang nangyari ang lahat. Mahirap pala talagang tumakas sa nakaraan dahil kahit anong pilit mong limutin ito darating ka sa puntong maalala at maaalala mo ito. Malaki ang pagpapasalamat ko kay kuya dahil kahit ilang beses ko siyang ipagtabuyan sa tuwing babanggitin niya ang tungkol sa nakaraan hindi siya nagsasawang pangaralan ako. Ipaintindi sa akin ang lahat.
Tama nga siguro si kuya may mali sa akin.
BINABASA MO ANG
A Broken Pen
Short StoryIto ay kwento ng isang manunulat na minsan ng nadapa ngunit muling bumangon upang pangarap niya'y kanyang makamtan.