KABANATA 18: KOMPRONTASYON

4.8K 186 0
                                    

KABANATA 18: KOMPRONTASYON

SARAP na sarap sina Bundaki, Ewi, at Uye sa kanilang kinakain sa ibinigay na matamis na pagkain ni Liliw habang kausap niya ang mga ito sa hardin ng Sibol Encantada.

“Oo, mahal na Diyosa, itong si Ibalong Saryo ay hangang-hanga kay Moymoy. Isa raw siyang magaling na tibaro at magaling sa anapaya,” masayang balita ni Bundaki.

            “Nasa hitsura naman na magaling si Moymoy,” sabad ni Uye.

            “Uy, kunwari ka pa, alam ko ang takbo ng utak mo,” kinikilig na sabi ni Ewi. “Matalik kitang kaibigan kaya alam ko kung ano ang nararamdaman mo.”

            “Ewi, tumigil ka nga diyan, nakakahiya ka!”

            “Totoo naman, ah,” sagot ni Ewi. “Kung makatitig ka kay Moymoy…”

            “Masama bang humanga?”

            “Hindi.”

            “Ikaw rin yata, naguguwapuhan ka kay Moymoy, eh,” sagot ni Uye.

            “Guwapo naman talaga. Alangan naman sabihin kong pangit, e guwapo naman talaga,” nakapamaywang  na sagot ni Ewi, sabay inirapan pa ang kaibigan.

            “Hindi ba nagtaka sa inyo si Moymoy at bigla na lamang kayong nagtungo sa kanya at nagpakilalang mga kaibigan?” nakangiting tanong ni Liliw.

            “Noong una, natakot siya,” sagot ni Bundaki.

            “Sa iyo lang!” sabay na sagot nina Ewi at Uye.

            “Pangit ako? Ganoon ba ang ibig n’yong sabihin?”

            “Wala kaming sinabing gano’n,” sabay uling sagot nina Ewi at Uye.

            Natawa si Liliw sa mga duwende. “O, huwag kayong mag-away.”

            “Pero nang ipaliwanag namin na mga kaibigan kami at naging mabait naman kami sa kanya,” pagpapatuloy ni Bundaki, “at sinabi namin na kaya kami nagpunta roon ay naghahanap kami ng kalaro, naging mabait din siya sa amin. Tingin ko, at nararamdaman ko, na likas na mabait na bata iyang si Moymoy.”

            Lalong napangiti si Liliw sa kanyang narinig—sa kaibuturan ng kanyang damdamin ay  kasiyahang malaman na ang kanyang anak ay isang mabait na bata.

            “Diyosa, kaano-ano mo ba talaga si Moymoy?” inosenteng tanong ni Uye habang patuloy na kinakain ang matamis na pagkain.

            “A, isang – isang kaibigan.”

            “'Di ba, tiga-Amalao 'yon dati? Paano nangyari 'yon?” tanong uli ni Uye.

            “Mahabang kuwento.”

            “Totoo bang—?” Naputol ang tanong na iyon ni Bundaki nang may namalayan silang dumarating.

            “Liliw, totoo ba ang mga narinig ko? Sino’ng Moymoy ang sinasabi nila?” Malaki ang dominanteng boses na iyon ni Marino.

            Nagulat ang tatlong duwende sa pagdating ni Marino. Lumapit ang mga ito sa kanya at yumuko upang magbigay-galang.

            “Sino si Moymoy?” muling tanong ni Marino kay Liliw.

            May saglit na katahimikan bago nakasagot si Liliw. Humugot siya ng hangin sa kanyang dibdib, nilakasan ang loob bago nagsalita. “Marino, palagay ko ay hindi ito ang tamang panahon para pag-usapan ito.”

            “Kung gayon, Liliw, sabihin mo lamang at kailangan naming malaman. Kahit walang kakayahan ang iyong kapwa Apo na malaman ang iyong mga kilos ay maaari naming malaman kung naririto nga ang iyong anak kung ito’y gusto naming alamin, hindi ba?” Nanatiling matigas ang tinig ni Marino.

            At dumating din ang ilang mga Apo. Nagbigay-galang sina Bundaki, Ewi, at Uye sa mga ito.

            “Mga duwende, umalis muna kayo rito at may pag-uusapan kami,” pag-uutos ni Amihan.

            Dagling umalis ang tatlong duwende, nagsumiksik ang mga ito sa palumpong ng halaman.

            “Liliw, narito ba sa Gabun ang iyong anak?” May diin ang huling salita ni Marino.

Moymoy Lulumboy Ang Batang Aswang (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon