KABANATA 19: SENYALES NG GABI NG DUGON

4.9K 190 1
                                    

KABANATA 19: SENYALES NG GABI NG DUGON

SA TUKTOK ng isang  bundok ay kausap ni Ibalong Saryo si Moymoy. Dama ni Moymoy ang malamig na simoy ng hangin na nagmumula sa karagatan. At sa di-kalayuan ay naroon ang isang isla na sa tingin niya’y kalahati lamang ang liit kung ikukumpara sa Malasimbo.

            “Nariyan ba si Anino? Ang sinasabi ninyong halimaw ng Dalumdum?”

            Nakatingin din si Ibalong Saryo sa Dalumdum. “Oo, Moymoy. Nariyan si Anino at ang iba pang mga rebelde.”

            “Bakit tayo nagpunta rito, Ibalong?” Hindi maiwasan ni Moymoy ang hindi tumingin kay Ibalong Saryo dahil may kakaiba siyang nararamdaman sa sandaling iyon. Iniisip niya, bakit nga ba siya inaya ng matandang ibalong sa bundok na iyon?

            “Magsisimula na tayo sa pagsasanay.” May pag-uutos ang mga salitang iyon ni Ibalong Saryo.

            “Ibalong… Hindi ako tagarito. Iniisip ko na aalis na lamang ako dito. Nami-miss ko na ang mommy ko.”

            “Hindi mo puwedeng iwan ang Gabun. Isa kang tibaro at hindi ka nababagay sa Amalao.”

            “Sumama ako rito dahil lagi akong sinasaktan ni Tiya Bella. Nang mabalitaan kong narito ang tunay kong ina, naisip kong gusto ko siyang makita.”

            Nakakadama na ng pagkalito si Moymoy.

“Eh, kung hindi raw puwede na makita ko ang totoo kong nanay, gusto ko munang umuwi, baka bumalik na ang Mommy  ko. Nami-miss ko siya. Nami-miss ko ang yakap ng Mommy ko. Lagot si Tiya Bella sa kanya kapag sinabi ko lahat nang ginagawa niya sa akin.”

            Hindi nagawang tumugon ni Ibalong Saryo nang bigla siyang natigilan sa kanyang nakikita sa kalawakan. Napanganga ito, nagkaroon ng takot ang kanyang mukha. “Gabi ng dugon…mamayang gabi ay gabi ng dugon…”

            Biglang nagliparan ang iba’t ibang ibong itim sa kalawakan.

            Nalungkot at napayuko ang matandang ibalong. “Gabi ng dugon…ang gabing kinatatakutan ng lahat.”

            “Gabi ng dugon? Paano n’yo nalaman?”

            “'Ayan ang mga senyales. Ang mga itim na ibon. At ang araw na biglang nagtago sa mga ulap.”

SA HIMPABULAN, kinausap ni Liliw ang mga kapatid niyang mga Apo. Lahat sila ay nakaupo sa kanya-kanyang mga trono.

            “Oo, nilabag ko ang Liya nating mga Apo, pero pinagdusahan ko na ang lahat ng 'yon,” pangangatwiran ni Liliw.

            “Hindi iyon ang pinag-uusapan natin ngayon, Liliw.” Halos dumagundong sa bulwagan ang boses ni Marino. “Bakit at papaano nakarating dito ang iyong anak?”

            Biglang tumayo si Liliw sa kanyang trono. May galit ang kanyang pananalitang lumapit kay Marino.  “Inutusan ko si Montar, ang mensahero. Nalaman ko sa kanyang pinaghahahanap ni Buhawan ang aking anak! Nanganganib ang buhay niya sa Amalao kaya ko siya pinakuha roon.”

            “Bakit hindi mo sinabi sa amin?” tanong ni Amihan.

            “Mapapapayag ko ba kayo?”

            Walang sagot na narinig mula sa mga Apo.

            “Sinabi sa akin ni Montar na natunton ni Buhawan ang aking anak at gusto niyang dukutin.”

            “Bakit?” tanong ni Marino.

            “Nang ipanganak ko siya, nasa dibdib niya ang kalahati ng mapa ng Panalturan.”

            Nagtinginan ang mga Apo—magkahalong pagtataka at pagkagulat ang nakabakas sa kanilang mga mukha.

            “Anak ko siya. Lumabas siya sa aking katawan. Mayroon din siya ng iba kong katangian. Hindi ba’t palatandaan 'yon na siya nga ay anak ko? May lahi siyang Apo. Pinagkalooban ko siya ng diwani.”

            “Binigyan mo siya ng diwani?” tanong ni Ilawi.

            “May dugo siyang Apo, bakit hindi?” may tigas na sabi ni Liliw.

            Huminga nang malalim si Liliw at muling magsalita. “Nanganganib ang buhay ng aking anak sa mga kamay ni Buhawan. Iniisip niya na si Moymoy ang susi para matunton at muling pasukin ang Panalturan.”

            Humakbang si Liliw palapit sa mga Apo.

“Nang magkasala ako at lumabag sa mga Liya, maluwag kong tinanggap ang hatol ninyo. Umibig ako sa isang tibaro—ang aswang na si Ronado. Ipinagbabawal sa isang Apo ang umibig sa isang tibaro. Pero hindi ko iyon pinagsisihan dahil natutunan kong ibigin si Ronado—ang mandirigmang tagabantay ng Panalturan.

             “Biniyayaan ako ng supling. Pinili ko ang pag-ibig ko kay Ronado at ng aming anak kapalit ng parusang ibinigay ninyo sa akin na hindi ko gagamitin ang aking diwani. Namuhay ako bilang isang ordinaryong nilalang—wala kahit na anong kapangyarihan.”

            Napayuko si Liliw, nagbabadya na ang kanyang pag-iyak pero nagawa niya iyong pigilan at nilakasan ang kalooban. “Ngayong wala na si Ronado, parang may nabuhay sa akin nang makita ko ang aking anak—si Moymoy.”

            “Liliw, baka nakakalimutan mo ang mangyayari kapag tuluyan kang makikipag-ugnayan sa iyong anak,” babala ni Amihan.

            “Ang Liya ng Apo ay higit na mataas sa alin mang batas. Mamamatay ang anak mo sa ginagawa mong 'yan,” babala ni Marino.

            Napayuko si Liliw. Nararamdaman niyang hindi lamang umiiyak ang kanyang puso kundi nagdurugo rin.

            “Ang pagkakamali ko lamang…” pinilit na magsalita ni Liliw. “Ang pagkakamali ko lamang ay umibig ako kay Ronado, pero ang pagkakaroon ng isang anak na kagaya ni Moymoy ay hindi ko pinagsisisihan. Nang makita ko siya, nabura ang lahat ng lungkot ko sa pagkawala ni Ronado.”

            “Pero, Liliw, mamamatay siya kung makikipagkita ka sa kanya, kapag nagtama ang inyong mga mata at kapag nahawakan mo siya.” Nag-aaalala ang tinig ni Amihan. “Gusto mo ba siyang mamatay?”

            “Bilang isang ina, hindi ko magagawa iyon. Mahal ko ang aking anak at hindi ko siya ipapahamak.”

            Natigilan ang lahat nang sa bintana ng bulwagan ay nakita nilang dahan-dahang dumidilim ang kalawakan. Nakita nila ang buwan na mistulang dambuhalang bolang nakadikit sa kalangitan. At doon ay nakita ang tuldok na kulay pula sa gitna ng buwan na unti-unting lumalaki, kumakalat.

            “Gabi ng dugon,” marahang sambit ni Liliw.

            At nagtinginan ang lahat ng mga Apo.

Moymoy Lulumboy Ang Batang Aswang (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon