KABANATA 12: SA PANAGINIP MALALAMAN ANG LIHIM

7.3K 228 6
                                    

KABANATA 12: SA PANAGINIP MALALAMAN ANG LIHIM

NANG bumalik sa Sibol si Liliw, matagal bago siya nakatulog sa kanyang silid; iniisip niya ang kanyang anak na si Moymoy. Sa kanyang pagninilay-nilay ay hindi niya namalayang nakatulog siya. Pero pagkaraan ng ilang sandali, mula sa bintana ay dumampi ang malamig na hangin kaya biglang nagmulat ang kanyang mga mata. Napaisip siyang muli sa mga nangyayari... ang pagdating ng anak na si  Moymoy sa Gabun. Napangiti siya saglit at hindi naiwasang manariwa ang nakaraan.

            “Ronado…” hindi namalayang bulong ni Liliw.

            Muling ipinikit ni Liliw ang kanyang mga mata at nanariwa ang nakalipas…

HANGOS na lumalabas ng palasyo si Liliw, naririnig niya sa kanyang isipan ang pagbulong na iyon ni Ronado—mga daing. Sa hardin ay hinanap niya kung nasaan ang pinakamamahal na si Ronado kahit na sinasabi ng kanyang dibdib at isipan na wala naman ito roon.

            “Ronado?” naibulong ni Liliw. Marahan niyang ipinikit ang mga mata at narinig sa kanyang isipan ang tinig ni Ronado.

            “Liliw! Liliw...”

            “Ronado, mahal ko. Ano’ng nangyayari sa 'yo?”

            “Tulungan mo ako, mahal ko…”

            Nag-aalalang binuksan ni Liliw ang kanyang mga mata. Pumikit siyang muli at bigla ay nagbago ang kanyang kulay—nabalutan ang kanyang katawan ng puting-puting usok. Sa kanyang isipan ay nakita niya na nag-aagaw-buhay si Ronado sa pinto ng Panalturan. Bigla niyang iminulat ang kanyang mga mata at kasabay niyon ay naglaho ang usok na bumabalot  sa kanyang katawan.

            Biglang lumitaw ang puting pakpak ni Liliw sa kanyang likuran at lumipad siya patungo sa Panalturan.

            Pagdating ni Liliw sa Panalturan ay natagpuan niya si Ronado na nag-aagaw-buhay habang pinalilibutan ng mga pangkat niyang tibaro na hindi malaman ang gagawin sa nangyayari sa kanilang pinunong mandirigma. Hangos na dumalo si Liliw sa kasintahan.

 “Ronado!”

            Hindi makapagsalita si Ronado dahil nagdurugo ang kanyang leeg. Sa isipan ni Liliw ay nalalaman niya ang gustong sabihin ni Ronado.

            “Liliw, mamamatay na 'ko…”

            “Hindi, Ronado, hindi maaari. Isa kang mahusay at malakas na mandirigma.”

            “Mahal ko, totoong mamamatay na 'ko… Kamagong…”

            Nanlaki ang mga mata ni Liliw. “Kamagong?!”

            “Oo, si Buhawan, muling nilusob ang Panalturan. Tinarakan niya ng kamagong ang aking leeg. Natitiyak kong mamamatay na 'ko…” Pilit pinalalabas ni Ronado ang mga salita sa kanyang bibig pero walang lumalabas doon.

“Uubusin niya ang mga Ginto ng Buhay. Mahal ko…kailangan mong ilayo ang Panalturan sa kanila. Kailangan…”

            Tumingin si Ronado sa napakalaking pinto ng Panalturan na nanatiling nakapinid. “Hindi siya nakapasok, mahal ko…hindi nagawang pasukin ni Buhawan ang pinto. Umalis siyang sugatan.” Ipinakita ni Ronado ang kanyang espada. Marahan ay inilabas ni Ronado ang susi ng pinto ng Panalturan mula sa kasuotan. “Tunawin mo ito. Tunawin mo…”

Moymoy Lulumboy Ang Batang Aswang (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon