Contest Entry - The Voice of Wattpad (Performance Round 1)
Footprints
Be yourself. Set your own mark.
“I heard you took the entrance exam in St. Claire, how was it?”
Napatigil ang gagawin ko sanang pagsubo nang marinig ko ang tanong na iyon. Nag-angat ako ng tingin at nakita ko ang seryoso at mapanuri niyang mga mata.
Nginitian ko siya kahit na nilulukob ng matinding kaba ang puso ko. “Ahm… okay naman po, Tito Vince,”
“She’s in the 8th place,” nakangiting pagmamalaki sa akin ni Papa.
Nakita ko ang ginawang pag-ismid ni Tito. “Top 8 lang? Red got the first place during his time,” walang ganang sabi niya.
Nasaktan ako dahil sa sinabi niyang iyon. Akala ko matutuwa siya kapag pumasa ako sa State University na iyon, hindi pa rin pala. Nand’yan pa rin ang comparison between me and kuya Red. Nadudurog ang puso ko tuwing mangyayari iyon—na madalas namang mangyari. Parang ibig mag-unahang pumatak ng mga luha sa mata ko, pero pinigilan kong mangyari ang bagay na iyon. Hindi nila puwedeng makita na nasasaktan ako. Dapat maging matatag ako sa harap nilang lahat.
“Ano ka ba naman, tol. Malaking achievement na rin ang nagawa ni Purple. Isa pa, magkaiba sila ni Red,” salag naman kaagad ni Papa.
“Okay,” simpleng sagot ni Tito Vince at itinuloy na ang pagkain.
Nasa bahay kami ni Lola para sa Sunday-family day namin na nakasanayan na ng buong pamilya mula pa sa pagkabata namin. Hindi ko inaasahan na ang masayang pagsasalu-salo kanina’y magiging tahimik na kainan na lang ngayon dahil sa isang tanong na iyon.
***
Kasalukuyan akong nakaupo sa sala habang nag-iisip nang malalim. Ang totoo ay natatakot ako sa maaaring mangyari. Pa’no kung hindi ako magtagumpay? Pa’no kung mahirapan at sumuko ako? Tama nga kaya ang desisyon ko na pumasok sa Unibersidad na pinasukan din ni Kuya Red noon, at kuhanin ang kursong gusto para sa akin ni Tito Vince?
Sa lalim ng iniisip ko ay hindi ko namalayang dumating na pala si Papa. Nakaupo siya sa sofang kaharap ng sa akin at mukhang may itinatanong.
“Ha? Ano po ‘yun, ‘Pa?” Hindi ko kasi naintindihan ang sinabi niya dahil naglalayag ang isip ko.
“Tinatanong ko kung excited ka na ba para bukas. May problema ba, anak?” nakakunot-noong tanong niya sa akin.
Tumayo ako para tumabi sa sofa na inuupuan niya. Ipinalupot ko ang mga kamay ko sa kanang braso niya.
“Kasi, Papa, natatakot po ako.”
“Natatakot saan?” malumay na tanong niya.
“Natatakot po ako sa puwedeng mangyari. Hindi ko po kasi alam kung ano’ng dapat kong sundin. Natatakot po akong may ma-disappoint sa akin.”
Hinagod niya ang buhok ko gamit ang kaliwang kamay niya. “Basta sundin mo kung ano ang nasa puso mo. You cannot please everybody or rather—you should not please anybody but yourself. Kasi, anak, kaligayahan mo ang nakataya sa bawat gagawin mong desisyon—hindi sa iba. Don’t let anyone dictate you what to do or how to handle your life.”
“Hindi po ba kayo madi-disappoint sa akin ni Mama kung sakaling ‘yong maging desisyon ko, eh, hindi ang gusto ninyong mangyari?”
Hinawakan niya ang mukha ko. “No, anak. Never. Susuportahan namin ang magiging desisyon mo. Basta masaya ka, masaya na rin kami.”
![](https://img.wattpad.com/cover/13778406-288-k23389.jpg)