Contest Entry - The Voice Wattpad (Blind Audition)
Love is a Sacrifice (A Father's Love)
“Wow, congrats anak! Ang galing mo talaga!” masayang bati sa akin ni Mama matapos kong sabihin sa kanya ang magandang balita na isa ako sa tatlong running for Cum Laude sa block na kinabibilangan ko.
“Salamat, ‘Ma! Mas pagbubutihan ko pa ngayong finals. Malay mo, masungkit ko pa ang Magna Cum Laude,” nakangiti kong sagot sa kanya matapos ko siyang yakapin at halikan sa kanang pisngi. Hindi man naging madali para sa akin na makarating sa kalagayang ito, sulit naman ang lahat ng hirap na naranasan ko dahil sa nakikita kong saya sa mukha at mga mata ni Mama.
“Sige anak, alam kong kaya mo ‘yan. We are so proud of you! Panigurado uuwi ang Papa—”
Agad na umasim ang mukha ko. “Tama na po, ‘Ma. Mas mainam po kung hindi na lang ako aasa,” putol ko agad sa mga sasabihin pa niya.
“Good night po.” Isang mabilis na halik sa pisngi ang iginawad ko sa kanya at pagkatapos noon ay nagmamadali na akong tumalikod para tunguhin ang kuwarto kong nasa ikalawang palapag ng bahay namin.
**
Walang tao sa bahay nang dumating ako isang hapon galing sa 7am-3pm duty shift sa isang pampublikong ospital sa probinsya namin. Dahil napagod ako sa walong oras na pagdu-duty, naisipan ko na lamang na magpahinga. Matapos kong isara ang mga pintuan ay dali-dali na akong umakyat sa aking kuwarto at nahiga sa malambot na kama.
Pasado alas-sais na ng gabi nang magising ako dahil sa sunod-sunod na pagkatok at pagtawag na nagmumula sa labas ng bahay namin. Nakatulog pala ako nang hindi man lamang nakakapagpalit ng damit kaya naman ay nakaputing uniporme pa rin ako nang buksan ko ang pintuan.
Bumungad sa akin ang masayang mukha ni Krizette, ang nag-iisa kong kapatid, kasama si Mama.
“Hello, Ate! Kanina ka pa ba nakauwi?” tanong niya sa akin habang nakatayo pa rin sa labas ng bahay namin. Binuksan ko nang maluwang ang pintuan bilang hudyat na pumasok na sila, pero hindi pa rin sila natinag sa kinatatayuan nila.
“Oo, mga alas-kwatro pa. Nakatulog na nga ako, eh. Saan ba kayo galing?” balik-tanong ko na lamang sa kanya.
“Halata nga Ate, humulas na ‘yang eyeliner at mascara mo, oh. Mukha ka na namang multo,” tumatawa niyang sabi, sabay turo pa sa mga mata kong panigurado ay nangingitim ang paligid.
“Hay naku! Tigilan mo nga ako, Krizette. Eh, sa napagod ako kaya nakatulog agad,” matabang kong sagot sa kanya. “Wala ba kayong balak na pumasok? Saan po ba kayo galing at ginabi yata kayo ng uwi, ‘Ma?” baling ko kay Mama nang mapansin kong pati siya ay hindi rin umaalis sa pagkakatayo sa labas ng pintuan.
“Hindi mo ba alam, Ate?” tanong ni Krizette sa akin pagkatapos ay tumingin nang naguguluhan kay Mama. “Hindi mo nasabi sa kanya, ‘Ma?”
“Ha? Pinapakaba n’yo naman ako, eh . Ano ba ‘yon?” Siguro ay mas pumutla pa ang likas kong maputlang mukha dahil sa kaba sa kung ano ba ang hindi nasabi sa akin ni Mama.
“Nabanggit ko sa ‘yo, anak, noong isang araw kaso parang hindi mo yata masyadong naintindihan.”
Lalo naman akong naguluhan. Pilit kong inaalala ang mga napag-usapan namin noong nakalipas na mga araw, pero wala talaga. Wala akong matandaan na may nabanggit siya sa akin na may lakad at gagabihin sila ng uwi ngayong araw.
Hindi pa man naaapuhap ng aking isipan ang mga sagot sa tanong ko ay may isang bulto na ng tao ang lumabas mula sa likuran nina Mama at Krizette. Mabilis siyang lumapit sa kinarorooan ko. Gaya rin ng mabilis niyang mga hakbang ay mabilis din niya akong niyakap nang mahigpit.
