Contest Entry - The Voice Wattpad (Battle Round)
Eternity
The saddest thing in the world is loving someone who used to love you.
“Kasi naman, eh. Ang daya mo talaga!”
“Ano’ng madaya dun? Talo naman talaga ng papel ang bato,” puno ng kumpiyansang sagot ni James. “Oh, dali na. Dito uli sa kabila,” dugtong pa niya habang itinuturo ang kanang pisngi.
Namula ang mukha ni Queenie. “Nakakarami ka na sa akin.”
“Sa pisngi na nga lang, eh! Dapat nga sa lips ‘yun. Dali na,” pamimilit ni James.
“Basta ayoko na!” sigaw ni Queenie at mabilis na tumakbo palayo.
“Ikaw ang madaya!” Nagsimula na ring tumakbo si James. “Kapag ikaw nahuli ko, unlimited kiss ang mangyayari!”
Nagpatuloy sila sa masayang paghahabulan habang ako ay nakamasid lang sa kanila.
Ito ang paborito kong lugar kaya hinding-hindi ko malilimutan kung nasaan ang hilera ng mga upuang yari sa bato, ang see-saw, at ang padulasan. Maraming nakapalibot na puno sa parkeng ito, pero pinaka-espesyal sa akin ang matandang puno ng acacia na ngayo’y lumililim sa akin. Nakaukit pa rin sa katawan ng punong iyon ang mga alaala… ang mga alaala kung paanong ang isang hindi inaasahang pagkakakilala ay nauwi sa isang masayang pag-iibigang ngayo’y nabaon na sa limot.
Nabalik ang atensyon ko kina James na masayang nagsusubuan ng ice cream. Parang tinusok ng mumunting karayom ang puso ko. Parang kailan lang, kami ang magkasamang gumagawa niyan. Ang saya-saya ng mga araw na iyon. Hindi pumasok sa isip ko na maaari palang magbago ang lahat, kaya hindi ko napaghandaan ang sakit na ngayo’y nararamdaman ko.
“Babe, may dumi ka.”
Dali-daling kinapa ni Queenie ang sariling pisngi. “Wala naman, ah.”
“Hindi ko naman sinabing sa pisngi. Pero dahil mabait ako, ako nang mag-aalis.” Mabilis pa sa alas-kuwatrong hinalikan ni James si Queenie sa labi.
Napangiti ako nang mapait. Hindi pa rin siya nagbabago... Ilang ulit din niyang nagawa ang taktikang ‘yan sa akin noon.
Nanlaki ang mga mata ni Queenie dahil sa pagkagulat pero makalipas lang ang ilang segundo, napapikit na rin siya.
Naghiwalay lang sila nang dumating ang grupo ng mga kabataang nagsasayaw sa saliw ng isang musika habang nagsasabog ng rose petals.
Agad akong kinabahan sa nakita ko, kaya mabilis akong tumayo para lumapit sa kinaroroonan nila.
“Babe, I love you so much. You are my only happiness and I can’t live without you anymore…”
Dahil sa mga sinabing ‘yon ni James habang nakaluhod sa harapan ni Queenie ay napaiyak ako. Ganyang-ganyan ang mga salitang tuwina’y sinasabi niya sa akin noon. Noong mga araw na ako pa ang mahal at kaligayahan niya. Ang sakit palang marinig uli ang mga salitang ‘yon lalo na at hindi na ako ang sinasabihan niya.
“Will you take the honor of marrying me?” tanong niya sa nagulat na si Queenie na ginantihan naman nito ng isang malakas na “Yes!”
Kagaya ng mabilis na pagsusuot ni James ng singsing sa daliri ni Queenie, mabilis din siyang tumayo para yakapin ang nobya na ngayon ay soon-to-be-wife na. Pagkatapos ng mainit na yakap ay nagtitigan silang dalawa. Nakikita ko ang nag-uumapaw na pagmamahal sa mga mata ni James. I remember way back when, he used to look at me that way. Kaso ngayo’y parang hangin na lang ako sa paningin niya.
