After ten years...
"Honey, I'm really sorry. Kailangan ko pang mag-cover dito sa Bulacan kaya hindi kita mahahatid sa trabaho mo. Mahirap matiyempuhan si doktora, eh."
Napabuntong hininga na lang si Wenggay sa sinabi ng boyfriend na si Sadeek. Napaka-workaholic talaga nito bilang medical representative ng isang malaking pharmaceutical company. Gayunpaman ay naiintindihan niya dahil ganoon naman talaga ang ilang doktor na kailangan nitong i-cover. Busy din ang mga iyon at kahit may schedule para sa mga med rep ay hirap pa rin nitong matiyempuhan dahil madalas tawagin sa ospital.
"It's okay, hon. Mag-co-commute na lang ako. Kailangan ko na talagang bumili ng sasakyan para hindi na kita naaabala," nakakaunawang sagot ni Wenggay.
Magiisang taon pa lang na nakakalipat sa condo si Wenggay at wala pa siyang sariling sasakyan. Isang taon din niyang kasama si Architect Manansala noon sa Dubai bilang apprentice. Matandang dalaga ito na siyang dean at professor ng eswelahang pinapasukan niya noong college.
Hindi ito nagdalawang isip na kuhanin siya dahil maganda at matataas ang grades niya. Aktibo siyang estudyante at consistent dean's lister noon. She graduated with flying color too. Nag-trabaho siya bilang draftsman nito. Nang matapos niya iyon ay agad siya nitong sinabihang mag-board exam. Kapag nakapasa siya ay muli siya nitong pinababalik para ipasok na sa main office nito sa Makati.
Magmula ng mangyari ang insidente sa gym sampung taon ng nakararaan ay maraming nagbago kay Wenggay. Hinding-hindi niya makakalimutan ang leksyon na natutunan dahil nagalit sa kanya ang halos lahat ng tao.
Nagalit ang mga magulang ni Wenggay lalong-lao na ang kanyang ama. Madalas raw makarating dito ang mga ginagawa niya at pinalampas lang iyon sa pagaakalang isang simple lang iyong paghanga. Hindi daw nito akalain na aabot raw siya sa ganoon. Hindi na niya magawang pumasok sa eskwelahan dahil sobra siyang nahihiya at nagsisi. Wala siyang ibang ginawa kundi ang umiyak dahil na rin sa unang kabiguan niya sa pag-ibig.
Gayunpaman, sa kabila ng lahat ay nanaig pa rin ang pagiging magulang nila at inintindi si Wenggay. Ipinaliwanag ng mga ito ang kinahinatnan ng ginawa niya dahil na-ospital pa si Trina. Nagkaroon ng matinding reaksyon sa balat nito ang mababang uri ng mighty bond na dumikit dito at pinagamot nila.
Inusig ng konsensya si Wenggay. Sa kabila ng mga sinabi nito, hindi pa rin niya gugustuhing makapanakit ng tao. Nang sabihin ng mga magulang na humingi siya ng sorry ay agad siyang tumango. Pinuntahan nila ito sa ospital at nagpapakumbabang humingi ng tawad sa harap ng mga magulang nito. Sa huli ay nagkapatawaran sila.
Nang matapos iyon ay umiiyak si Wenggay na nagpaliwanag sa mga magulang kung bakit iyon nagawa. Ipinagtapat niya ang lahat-lahat maging ang naging damdamin kay Zeke. Sa huli'y nakiusap siyang huwag nang pumasok sa eskwelahan dahil nawalan na siya ng focus. Ayaw na rin niyang harapin ang mga nanlilibak na tingin ng mga estudyante doon. Si Jenny naman ay nabalitaan na rin niyang agad na lumipat sa Mindoro kasama ang buong pamilya nang hindi pa natatapos ang huli nilang exam sa taong iyon.
Nang maipagtapat ni Wenggay ang lahat ay hindi naman nagalit ang mga magulang. Nanaig ang pagiging magulang ng ama niya. Nakiusap ito sa ilang teacher nila na mag-exam siya kapag wala ng estudyante at ipinaliwanag ang kalagayan niya. Mabuti na lang ay pumayag sila.
Sa loob ng ilang linggo ay nanatili lang siya sa loob ng bahay dahil nahihiya rin siyang lumabas. Sobra siyang naapektuhan sa nangyari at madalas niyang maisip si Zeke. Alam niyang galit ito dahil sa nagawa niya. She would never forget how he looked at her, like she was a bad news.
BINABASA MO ANG
ZEKE, ANG LALAKI SA MAY BINTANA (UNEDITED VERSION)
HumorSTATUS: COMPLETED(/^-^(^ ^*)/ THIS STORY WAS PUBLISHED UNDER PRECIOUS HEARTS ROMANCES. COPYRIGHT YEAR 2013, month OF DECEMBER ZEKE, ANG LALAKI SA MAY BINTANA IS A STORY OF WENGGAY WHO INSTANTLY FELL IN LOVE WITH ZEKE AT VERY YOUNG AGE. THIS STORY IS...