Hating Jonathan

10.8K 181 5
                                    


CHAPTER 2

AWANG-AWA si Jonathan sa bunsong kapatid ni Aster na nalaman niyang Rose May ang pangalan. Nakaupo ito sa itaas ng gutter sa driveway at patuloy sa pag-iyak. Daig pa nito ang namatayan ng kaanak sa tindi ng paghihinagpis. Sising-sisi siya na naatrasan niya kanina ang alaga nitong tuta. Aksidente lang ang nangyari - bigla na lang tumakbo sa likuran ng sasakyan ang tuta habang nagmamaniobra siya - ngunit ngayon ay labis ang guilt na nararamdaman niya.
Mula pa kaninang kunin nito sa kamay niya ang tuta ay hindi na ito huminto sa pag-iyak. Hindi niya malaman kung ano ang dapat gawin, kung aaluin ito o lalayo rito.
Galit na galit si Rose May nang malamang siya ang nakasagasa sa alaga nito. Pinagbabayo nito ang dibdib niya at braso. Hinayaan lang niya ito, hindi niya sinalag. Doon man lang ay mabawasan ang sobrang galit nito sa kanya. Si Bruce ang pumigil kay Rose May sa ginagawa nitong pananakit sa kanya, at lalo pang napaiyak ito.
Ayaw nitong magpaalo kahit sa mga kapatid. Sa tingin ni Jonathan ay nauubusan na ng pasensiya rito si Bruce. Si Aster na lang ang matiyagang umaalo rito, ngunit kahit si Aster ay nilalayuan din ng kapatid.
Nang makita niyang sumisigok na lang si Rose May ay muli niyang nilapitan ito. "As I said, I'm really truly sorry for your pet, Rose May. Aksidente ang nangyari. Hindi ko talaga sinasadya. Sana mapatawad mo ako sa pagkamatay ng pet mo at-"
"Squash ang pangalan niya!" marahas at nanlilisik ang mga mata na putol nito sa sinasabi niya.
Tumango lang siya. Parang pinipiga ang puso niya sa ayos nitong umaagos ang luha, mapula ang mga mata, basa ng luha ang pisngi at basa rin ng pawis ang gilid ng mukha at leeg. Wala itong ipinagkaiba sa isang batang paslit ng mga sandaling iyon.
Her innocence, mad as she was, tugged at his heartstrings.
Maganda si Aster pero kakaiba ang ganda ni Rose May. Parang gusto niyang yakapin ito at aluin sa pamamagitan ng magagaang na halik sa noo at mukha nito.
"At wala akong pakialam kung aksidente ang nangyari. The fact still remains na pinatay mo siya!" mariing sabi nito.
"Kung makakabawas ng sakit ng loob mo," sabi ni Jonathan, "handa akong palitan ang puppy -er si Squash pala, ng isang Pomeranian din na kagaya niya."
Hindi ito umimik. Ipinaling lang ang mukha palayo sa kanya.
"I'm sorry, Rose May. Tumahan ka na sana, o. Baka kung mapaano ka." Nagpaalam na siya rito. Hindi man lang ito tumingin. Sinenyasan niya ang kasambahay ng mga ito na magdala roon ng inuming tubig para kay Rose May.
Nagpaalam na rin si Jonathan kina Aster. Habang iniiikot niya ang pickup truck sa driveway ay pabalik-balik ang tingin niya kay Rose May. Kitang-kita niya nang tila magulat ito at tumayo pa. Titig na titig ito sa likuran ng sasakyan niya.

LALONG sumulak ang galit ni Rose May sa lalaking pumatay kay Squash nang makita ang likuran ng papalayong Ford F150 nito. Ganoong-ganoon ang likuran ng F150 pickup truck na nagsaboy ng putik kanina sa kanya nang dumaan ito sa lubak. May nakadikit sa salamin noon na sticker ng national flag ng bansang France. Hah! At siya rin pala ang salarin kaya naputikan ako at ang project namin ng grupo ko. Grrr!
"Rose May, husayan mo na ang sarili mo," sabi sa kanya ng lumapit na si Ate Aster. "Any minute darating na si Daddy at ang bisita niya. Baka abutan ka pa nila sa ganyang ayos."
"Alam mo ba, Ate, kung ano pa ang kasalanan sa akin ng kriminal na 'yon?"
"Rose May, aksidente ang nangyari. Hindi mo dapat tawaging kriminal si Jonathan."
So, Jonathan pala ang pangalan ng lalaking pumatay kay Squash. Tatandaan kita, Jonathan. "Pinutikan niya ang project ko kaya humanda siya kapag hindi nakaabot sa oras ng pagpapasa ang book report ng grupo ko."
"Halika na," sabi ng ate niya na parang hindi narinig ang sinabi niya, "pumasok na tayo sa loob."
"Si Squash... kung alam ko lang na papatayin siya ng manliligaw mong 'yon, isinama ko na lang sana siya sa pag-alis ko kanina..." Naramdaman ni Rose May ang pag-akbay ng ate niya.
"Inilibing na siya ni Kuya sa likod-bahay. Kaya sana tumahan ka na."
Kumalas siya sa pagkakaakbay nito. Parang hindi nito nauunawaan ang lalim ng sakit na nararamdaman niya. Imbes na pumanhik sa loob ng bahay ay lumigid siya patungo sa likod. Nakita niyang tinatabunan na ng Kuya Bruce niya ang munting puntod. Napaiyak na naman siya.
Gamit ang shovel, pinatag ng kuya niya ang lupa sa ibabaw ng puntod at pagkatapos ay nilapitan siya nito. "Rose May, nangyayari talaga ang mga ganitong bagay minsan. Malaki ka na. You should learn how to accept it gracefully. That's part of life."
Tumingin siya rito. "Kagaya ba ng pag-iwan sa 'tin ni Mommy? Bakit, Kuya, natanggap mo na ba 'yon?"
Hindi kaagad ito nakasagot. Saksi silang magkakapatid kung gaano nila iniyakan ang biglaang paglayas ng mommy nila nang walang paalam, tangay ang kalahati sa savings na nasa joint account nito at ng daddy niya. Wala itong iniwang bakas liban sa kapirasong impersonal na note na nagsasabing huwag na nilang hanapin ito at ituring na lang nilang patay.
Namasa na naman ang sulok ng mga mata niya. "Sinong anak ang hindi mahihirapang tanggapin ang ginawa niya sa 'tin, Kuya?"
Inakbayan siya nito at hinapit. "Naniniwala pa rin ako na may valid reason siya kung bakit niya ginawa 'yon. Hindi nga lang natin alam kung ano. Pero kahit kailan, hindi ako huminto na umasa, Rose May. Isa sa araw na ito, babalikan din tayo ni Mommy."
"Huminto na akong umasa, Kuya."
"Rose May, huwag mong sabihin 'yan. Mahal tayo ni Mommy. At kung may magagawa lang siya, alam ko, mas gugustuhin pa rin niyang makasama tayo sa bahay na ito."
Hindi na lang siya umimik. Malalim ang hinanakit niya sa sariling ina at hindi niya alam kung mawawala pa iyon kahit bumalik ito sa tahanan nila.
Pumasok na sila sa kabahayan. Nagtungo sa banyo si Rose May para hilamusan ang mukha niya. Ngunit tuwing pipikit siya, nakikita niya sa imahinasyon ang duguang ayos ng kanyang alaga. Hindi niya ma-imagine kung gaanong sakit muna ang tiniis ni Squash bago malagutan ng hininga.
Nagsusuklay siya ng buhok nang marinig ang busina ng Ford Everest ng daddy niya.
Nagbuntong-hininga si Rose May. Wala siya sa mood para humarap sa bisita ngunit ayaw niyang ma-disappoint ang daddy niya. Mula nang layasan sila ng mommy niya, sinikap niyang hindi madulutan ng sama ng loob ang kanyang ama. Iyon na lang ang maitutulong niya rito matapos na iwan ito ng kanyang ina.
Lagi nilang isinasaalang-alang na magkakapatid ang kanilang ama. Alam nilang lahat na kinakaya nito, kahit napakahirap, ang sabay na maging ilaw at haligi ng tahanan.
"Rose May!" tawag ng Ate Aster niya. "Bumaba ka na. Nand'yan na si Daddy."
Ibinaba niya ang hawak na suklay at lumabas na ng silid. Naghihintay sa pintuan ang ate niya.
"Cheer up, sis," sabi nito. "Mamaya mo na ituloy ang pag-i-emo. May bisita si Daddy."
Pinilit niyang magplasta ng ngiti sa mga labi, na nabura naman agad nang makababa na sila at mabuksan ang front door. Dahil naroon, kasama ng daddy nila, ang kanilang mommy.

To Get Back At Love COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon