Just The Two Of Us

8.7K 169 6
                                    

CHAPTER 8

NAPABALIKWAS ng tayo si Rose May. Isang nakangiting Jonathan ang nakita niya sa likuran ng sofa. Kung smug lang ang pagkakangiti nito ay tiyak na pinagtarayan na niya. Ngunit ang ngiti nito ngayon na nagpalitaw sa dalawang dimples nito sa magkabilang sulok ng bibig ay ngiti lang ng labis na kasiyahan. Nakakakilig talaga ang ka-cute-an ng lalaking ito.
“Hello, Rose May,” bati nito. “Huwag ka sanang magalit. Gusto ko lang makatulong. I thought you looked really tired and I just want to do something about it. Isa pa pagod na rin si Myrtle sa pagmamasahe sa noo mo.” Umikot ito para makaharap niya. “Bumalik ka na sa sofa, para makapagpahinga ka pa. Pasensiya ka na kung naistorbo ko ang pamamahinga mo.”
“Okay lang. Medyo nakapahinga na ako.” Bumalik nga siya sa sofa. Ito naman ay naupo sa katapat na single-seater sofa. He still looked as sexy as sin. Lumapit na uli si Myrtle sa kanya at sumiksik sa tabi niya. “Bakit ka nga pala nandito? May kailangan ka ba?”
“Wala naman. Kasi kahapon, nabitin ako do’n sa kuwentuhan natin. Tapos hindi man lang kita naihatid. Buong magdamag tuloy gising ako…”
Napangiti siya. Pinakikilig na ba siya ng lalaking ito?
“Iniisip ko ‘yong sinabi sa akin ni Gammy.”
“Bakit, ano ba’ng sinabi sa iyo ng bayaw ko?”
“Na single at available ka rin pala kagaya ko. Hindi mo naman kasi itinama ‘yong akala ko na may boyfriend ka na.”
Umayos ng upo si Rose May. Para kasing gumaganda na ang usapan. “Hindi ka naman kasi nagtanong, nag-assume ka na agad.”
Pumalatak ito. “Sana pala ako na lang ang naghatid sa iyo kahapon.”
“Ikaw ang nagsabi na hindi ka puwede, remember? Sabi mo pa nga may imi-meet kang client.”
“Na puwede ko naman sanang i-cancel na lang.”
Napapangiting pinagalaw lang niya ang mga balikat.
“Uyy, you like my Tita Memey,” biglang banat ni Myrtle na nakalukot pa ang ilong at labas ang mga ngipin sa pagkakangiti.
Tumawa sila ni Jonathan. “Sigurado ka bang three years old lang ‘tong pamangkin mo?” tanong tuloy sa kanya ng binata pagkaraan.
“Ganito talaga ‘to, sanay kasi sa kikay na yaya niya at kapag nandito naman sa amin, kay Ate Bingbing.”
“Myrtle, hindi ko lang ‘like’ ang tita mo, I really, really like her a lot.”
My gas! Panaginip ba ito? Mabuti pa si Myrtle, puwedeng ipakita kay Jonathan ang gilagid sa luwang ng pagkakangiti. Samantalang siya, pigil na pigil ipakita ang kilig. Ang totoo, panay ang bangga ng puso ni Rose May sa kanyang rib cage na kulang na lang ay magkaboses at sabihing napakasaya nito ngayon.
“And I hope na hindi bawal ipakita sa kanya kung gaano ko siya ka-like.”
Tumingin sa kanya si Myrtle, nakangiti pa rin ngunit tila hindi gaanong naintindihan ang sinabi ni Jonathan. Tinawag na ang bata ng yaya kaya sila na lang ng binata ang naiwan doon.
“Malaki na ang ipinagbago mo, Rose May,” sabi nito sa kanya nang sila na lang ang naroon. “Hindi na virus ang tingin mo sa akin. At least ngayon, mukhang hindi ka na nasusuklam sa akin. Hindi gaya noon.”
Natawa siya. “Sabi ko nga kahapon, matagal nang nangyari ‘yon. Nakalimutan ko na.”
“So now, can we be more than friends?”
Natawa uli si Rose May. Kiniliti ang puso niya. Tama nga ang  palagay niya na may interes sa kanya si Jonathan. “At ikaw naman, mas palabiro na lang ngayon, hindi na mapang-asar lang gaya noon.”
“Sino ba’ng may sabi sa iyo na nagbibiro lang ako? I’m not kidding…” sabi nitong itinutok pa ang tingin sa mga mata niya. Parang hinihigop siya ng mga iyon, lalong nagpapakilig, nagpapakabog ng dibdib niya. “Matagal kong hinintay ang araw na ‘to.”
Pinili muna ni Rose May na makipaglaro dito. Malapit na kasi siyang mawalan ng poise, o mawala sa sarili at baka bigla na lang niyang mayapos ito nang mahigpit. Kailangan na maging hinay-hinay muna ang mga bagay na tungkol sa kanila. “Kaya ba parang sa pagkakatanda ko, si Ate Aster ang nililigawan mo noon?”
“Hindi ko niligawan kahit kailan si Aster. Itanong mo pa sa kanya.”
“Pero noon kasi parang siya ang nililigawan mo. O baka naman umatras ka lang kasi una siyang niligawan ni Kuya Gamaliel?”
Lumitaw ang smug na ngiti sa mukha nito. Parang gusto na niyang mainis. “Alam mo, hindi dahil sa nililigawan ko ang ate mo kaya lagi kaming magkausap noon ni Aster. Ako lang ang tagapag-ayos ng tampuhan nila ni Gammy.”
“Pero parang sa tono ng bayaw ko, inagaw lang niya si Ate sa iyo.”
“Biro lang ‘yon sa ‘kin ni Gammy dahil hanggang ngayon wala pa rin akong girlfriend. Inaasar niya ako na kaya raw gano’n kasi nga dahil kay Aster. Pero ang tatoo, sa kapatid ni Aster niya ako inirereto.”
Huh! ‘Kapatid’ meaning… ako. Iiih! Pigil na pigil ang ngiti niya. “Well, ikaw lang ang nakakaalam kung ano ang totoo.”
“Are you accusing me of not telling the truth?”
“Hindi naman sa gano’n. Pero kung ikaw ba ako, maniniwala ka agad sa lahat ng sasabihin ko?”
“Oo, Rose May…” sabi nito with matching titig sa kanyang mga mata.
Naman, eh. Tigilan muna kasi ang pagpapakilig. Nakakaturete kaya.
“Siguro kahit kasinungalingan pa ang sabihin mo, kung iyon ang gusto mong paniwalaan ko, pipiliin ko pa rin na paniwalaan.”
“Mali naman yata ‘yon.”
“Pero ganon kasi ang nararamdaman ko sa ‘yo.”
Tinawanan na lang niya ito dahil nagiging intense na ang sitwasyon. Ang hitsura pa naman nito ay parang nagpapahayag na ng unrequited love sa kanya. Pero siyempre, kung love na nga ang ipinaparamdam ng lalaking ito sa akin, hindi iyon magiging unrequited.    
“Nahihirapan pa rin akong paniwalaan na gusto mo lang mawala ang  galit ko sa iyo kaya hindi ka nagpakita rito sa loob ng limang taon.”
Unti-unting nawala ang ngiti nito at medyo lumamlam ang mga mata. “Totoong gusto kong mawala ang galit mo sa akin noon kaya hindi muna ako nagpakita sa iyo. Pero may iba pang dahilan.”
“Anong dahilan?”
Nagbuntong-hininga ito. “Napakabata mo pa noon, Rose May… Natakot ako na hindi ko makontrol ang feelings ko sa iyo kaya ako lumayo. Magagalit sa akin ang parents mo, pati sina Bruce, kung liligawan kita noon. At hindi pa talaga panahon. Kaya naisip ko na pabayaan ka na lang muna.”
Napamata siya rito. “H-hindi pala biro lang ‘yong sinabi mo noon sa ‘kin na pinag-isipan mo akong ligawan noon?”
“Yeah. Hindi joke ‘yon. Itinatago ko nga ‘yon. Para sa akin na lang sana. Kaso matunog si Aster. At malamang sinasabi rin niya kay Gammy ‘yong palagay niya kaya gano’n na lang kung tuksuhin ako ng isang ‘yon.”
Hindi siya makahinga. Confirmed na may gusto rin sa kanya ang lalaking ito. Ngayon lang nasagot sa kanya ang puzzle ng sinabi nito noong magkita sila sa bahay ng bayaw at ate niya. “May hinihintay kasi ako, ehSiya nga ang tinutukoy nito. Parang gustong mag-twerking at mag-Zumba ng puso at lahat ng mga laman-loob niya sa nalaman. “At ngayon…?”
“At ngayon…” Tumayo si Jonathan, lumigid hanggang sa likuran ng inuupuan niyang sofa. May niyuko ito roon. Pag-unat nito ay nakatago na ang mga  kamay sa likuran. “Siguro naman wala nang kahit na sino at kahit na anong kokontra para ligawan kita.” Nang tumayo ito sa harapan niya at ilitaw ang mga nakatagong kamay, isang bouquet ng long stemmed red roses at isang basket ng fresh strawberries ang dala nito.
Pasimpleng kinurot ni Rose May ang braso niya. Nasaktan siya.
“Tama ka,” sabi nito, smug na uli ang pagkakangiti at gumagalaw-galaw pa ang mga kilay. “Hindi ka nananaginip lang. Nililigawan ka na ng hindi man pinaka-cute, pero pinaka-lovable namang guy sa buong universe.”

KAUSAP ni Rose May ang daddy niya sa veranda nang umakyat doon si Ate Bingbing. Nariyan na daw si Sean. Nagpaalam siya sa daddy niya.
“Anak, hanggang kailan ba kayo magiging ganyan ni Sean?”
“Hmm, Dad, napag-usapan na natin ‘to, di po ba?”
Umiling-iling na lang ito. “O siya, mag-iingat ka.”
Bumaba na siya. Nakita niyang nakatayo si Sean sa tabi ng flower stand sa gitna ng hall, nakatingin sa suot nitong relo.
Nang makita siya nito ay disimuladong ipinamulsa nito ang kamay at ngumiti sa kanya. “Ready?”
“Yup. Tayo na. Baka mainip sina Tita.” Sa Manila Hotel sila patungo. Kasama ang mga magulang nito ay manonood sila ng concert ni Cecil Licad kasama ng Philharmonoc Orchestra at ilang premyadong musician na nagmula pa sa Russia at Romania.
“They won’t. Pagdating sa iyo, mahaba ang pasensiya ng parents ko.” Iniumang nito sa kanya ang braso at walang anumang kumapit siya roon.
Nagulat si Rose May na isang white limo ang naghihintay sa kanila sa labas ng gate nila. Napatingin siya kay Sean. “Nand’yan sila?”
Tumango ito at ngumiti bago siya ipagbukas ng pinto.
Malalapad ang pagkakangiti ng mga magulang ni Sean nang makapasok siya sa loob ng sasakyan. Alam niyang extra effort ng mga ito na magrenta pa ng limo para lang ipakita kung gaano siya kaespesyal. Nakaramdam tuloy siya ng guilt.

“WOW! Nakakakita ka na nga, Baby Gammy,” natutuwang bulalas ni Rose May nang makitang sinundan ng mga mata ng sanggol ang red grip ball na hawak niya. Dinalaw niya ang pamangkin. Naroon siya sa nursery matapos magpaalam ng Ate Aster niya na sasamahan munang maligo si Myrtle sa kiddie pool sa labas. “Ang galing naman. Impressed ang tita mo, bunso, ah. Two weeks old ka pa lang pero nakakakita ka na.” Dumalaw siya sa bahay ng mga ito sa Pasig. Paglabas niya sa hotel ay doon na siya tumuloy. 
“Pagkapanganak pa lang ng bata, kapag bukas na ang mga mata niya, may blurry vision nang nakikita.”
Mula sa pagkakadukwang sa crib ng pamangkin niya ay napaunat si Rose May. Lumapad ang pagkakangiti niya nang makita ang taong nagsalita. “Jonathan, ikaw pala. Paano mo nalaman ‘yon?”
“Sinabi noon ng kuya at hipag ko nang lumabas ang niece ko. Sabi pa nila, ngayon daw, ang mga bata, three months pa lang nakakakita na ng malinaw.”
Hands on tito siguro ito. Magandang katangian iyon ng lalaki, may pakialam sa mga bagay na pampamilya. “Akala ko nasa Cavite ka pa.” Nang  huli silang mag-usap, nasabi nito sa kanya na bibisita ito sa site ng bagong project nito sa Cavite.
Nakatingin ito sa kanya na parang nasisiyahan sa nakikita. “Hindi kasi ako mapalagay doon.”
“Ha? Bakit naman?”
“Magkalayo kasi tayo.”
“Cheesy!” tukso niya rito bagama’t kinikilig naman siya.
“Hindi ako nagbibiro, Rose May. Gano’n ang eksaktong nararamdaman ko. Mabuti pa nga noong limang taon tayong hindi nagkita, nakaya ko. Pero ngayon, parang hindi ko na kaya.” Humawak ito sa gilid ng crib na hinahawakan niya. Nang humawak ang kamay nitong katabi ng kamay niya ay mismong sa likod ng palad niya naglanding ang palad nito.
My gas! Hindi niya hinila ang kamay niya. Wala siyang ginawa kundi ang namnamin ang masarap na kilabot na gumapang mula roon patungo sa iba’t ibang parte ng balat niya.
Napatingin si Rose May kay Jonathan sa eksaktong segundo na tumingin din ito sa kanya. Uminit-lumamig ang pakiramdam niya. Naglabu-labi ang kaba, ang kilig at ang masarap na pakiramdam na sumapuso niya. Parang gusto niyang ipabalot ang sarili sa katawan nito. Parang gusto niyang yakapin ito nang mahigpit at magpakulong sa yakap din nito.
Ganito ang lagi niyang nararamdaman tuwing magkakalapit sila ni Jonathan. At ewan niya kung paano niya nalaman. Basta’t pakiramdam niya ay pareho lang ang mga nararamdaman nila ng mga sandaling iyon.
Iniangat ni Jonathan ang kamay ni Rose May at marahan siyang hinatak nito hanggang sa maramdaman na lang niyang bilanggo na siya sa yakap nito.
Oh… Heaven nga pala ang pakiramdam ng mayakap ng taong mahal mo, ngayon lang niya napatunayan. Para siyang umaakyat sa langit, ngayong naranasan na niyang mahalin din ng taong mahal niya.
Matagal sila sa ganoong ayos. Wala isa man sa kanila ang gustong bumitiw kahit ilang minuto na ang dumaan. Wala silang sinasabi ngunit nag-uusap ang kanilang mga puso, malinaw ang sinasabi. Sapat na iyon para sa kanya. Hindi na kailangan ng mga salita.
Nang sa wakas ay luwagan na ni Jonathan ang pagkakayakap sa kanya ay hindi naman para siya bitiwan. Tumitig ang namamanghang mga mata nito sa mga mata niya.
Ng mga sandaling iyon, para silang dalawang nilalang na humiwalay sa mundo at lumikha ng sarili nilang mundo. Isang mundo na malaya. Malaya nilang maipakikita at maipadarama kung ano ang laman ng puso at isip, at ng kailaliman ng kanilang mga kaluluwa.
Tumingala rito si Rose May. Napapikit siya nang unti-unting bumaba ang mga labi nito sa sabik na mga labi niya.

To Get Back At Love COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon