Cherished

8.2K 141 0
                                    


CHAPTER 9

NAPAKATAMIS nga pala ng halik. It was sweet and addictive. Napaluha si Rose May sa hindi maipaliwanag na tuwa. Puno ng suyo ang bawat dantay ng mga labi ni Jonathan sa kanya. She felt cherished and loved.
“Oh, Rose May…”
Limang taon. Ganito pala ang magiging epekto sa kanila ng matagal na hindi pagkikita, na kung tutuusin, dapat sanang nakalimutan na nila ang isa’t isa sa tagal ng lumampas na panahon.
Parang dam na naalisan ng harang ang damdamin nila ngayon ni Jonathan. Hindi na itinatago. At wala nang dahilan para hindi magpakatotoo.
“Ay siomai!”
Parang napasong bigla silang nagkalas ni Jonathan. Pagtingin ni Rose May sa pinto ay nakatalikod na ang Ate Aster niya. Hindi na ito tumuloy sa pagpasok sa nursery.
Nahaplos ni Jonathan ang batok, napapangiti. “Siguradong alaskado na naman ako sa ate at sa bayaw mo.”
“Would you mind?”
“Of course not. Medyo mahihiya siguro ako pero mas lamang doon ‘yong matutuwa ako. ‘Yong kung sa inyong mga babae, kilig ang tawag.”
Napangiti siya. “Huu, kinikilig ka rin ba?”
“Hindi lang kilig. Kung alam mo lang…” Hinawakan nito ang mga kamay niya at iniyakap sa baywang nito bago hawakan ang magkabilang gilid ng mukha niya. Nakatutok ang nagniningning na mga mata nito sa mukha niya. “I love you, Rose May…”
Naharangan ng kakaibang emosyon ang lalamunan niya. Hindi siya makapagsalita. Binabaha ng tuwa ang dibdib niya. Nag-iinit ang sulok ng mga mata niya.
“I have loved you from the very minute I saw you crying so hard for a lost pet. I’ve waited patiently for five long years to let you know… Hoping… praying that in the passing of time, you’d stop hating me.”
Napaluha siya sa sidhi ng emosyong nakamarka sa mga mata at sa buong mukha nito. “P-pero paano mo ako mamahalin noon? You barely saw me. At sigurado ako, ang sagwa ng hitsura ko noon habang umiiyak.”
“Ewan ko. I guess, we couldn’t really grasp the power and the mystery of love. Sabi nga doon sa isang narinig ko, ‘People could live an entire lifetime in one look.’ Siguro sapat na sa akin na makita kang umiiyak noon para may maramdaman ako, na later on, na-realize ko na lang na pagmamahal pala. At dahil doon handa akong maghintay hanggang sa mawala na ang galit mo sa akin.” 
“Noon pa lang puntahan kita para humingi ng sorry na na-spray paint ko ang pickup truck mo, nabawasan na ang galit ko sa iyo. Siguro nag-enjoy na lang ako noon sa kulitan natin kaya pinangatawanan ko ang pagtataray.” Nanlaki ang mga mata ni Rose May nang may maalala. “A-at may sinabi ka noon, sabi mo dadating ang panahon na sisingilin mo ako.”
Tumawa ito at dinampian ng halik ang tuktok ng ilong niya. “Kaya nga naningil na ako kanina. Kaso naistorbo kaagad tayo ng ate mo.” Tinuyo ng halik nito ang mga luha niya. “Rose May… tayo na, di ba? Hindi mo na ako pahihirapan pa?”
Umiling siya at ngumiti rin. “Hindi na, Jonathan. Kasi mahal na rin kita… kahit nagugulat ako na ganito kabilis kitang minahal. O baka noon pa kita minahal at hindi ko lang agad na-realize. Baka naging dormant lang ‘yon sa mga taon na hindi na tayo nagkikita.”
Singlapad ng airport runway ang naging ngiti nito bago siya niyakap nang mahigpit. “Ang sarap naman ng ganito… na nadito ka lang sa harapan ko… nayayakap… puwedeng halikan, nangingitian… Thank you for making me happy, really happy, mahal ko.” Nagkalas lang sila nang umingit ang sanggol.

“SABIHIN na natin sa daddy mo na boyfriend mo na ako,” pangungulit ni Jonathan kay Rose May. Naroroon sila sa Intramuros, nakasakay sa kalesa. Tinanong siya ni Jonathan kung gusto niyang dalhin siya nito roon sa pangatlong date nila. Pumayag siya. Bata pa siya nang huli siyang makarating doon. At parang bago uli ang experience na makarating doon ngayong kasama niya ang lalaking mahal niya.
Sweet ng date nila. Nakahilig siya sa dibdib ni Jonathan at akbay siya nito habang kumakain sila ng sorbetes.
Tuwing magkasama sila, parang ayaw na niyang mapahiwalay rito. Laging kulang ang oras. Laging gusto niyang marinig ang boses nito, ang mga pagbibiro, ang tawa at halakhak.
“Mahal…” untag nito sa pananahimik niya.
“Eh kasi, baka mabigla si Daddy. Kailan ka lang niya nakitang dumadalaw sa akin sa bahay tapos malalaman niya na boyfriend na agad kita.” Naipakilala na siya nito sa mga magulang at kapatid nito sa France sa pamamagitan ng Skype. Nasabi na rin nila sa mga ito ang tungkol sa kanilang relasyon. Sa pagtatapos pa raw ng spring season doon uuwi ng Pilipinas ang ama’t ina ni Jonathan.
Sandaling natahimik ang binata. Tiningala niya ito. “Nagtatampo ka?”
Umiling ito. “Hindi ako magtatampo sa iyo sa gano’n lang kaliit na bagay. Nakapaghintay nga ako ng limang taon sa ‘yo. I’m willing to wait longer.”
“Salamat, naiintindihan mo ako.”
“Siyempre naman, mahal yata kita. And I’ll always be greatful for our love. Napakalaki na ng ipinagbago mo dahil dito. Hindi ka na mapagduda. Hindi ka na rin mataray ngayon,” tukso nito.
Nalampasan na niya ang bahaging iyon ng buhay niya. “Siguro kaya gano’n ako noon kasi maraming isinikreto sa amin si Mommy. Marami rin akong pagdududa at galit na naipon sa dibdib ko dahil sa pag-iwan niya sa amin. Pero nang ipagtapat na niya ang lahat ng mga sekreto niya sa amin, napahiya ako. Pahiyang-pahiya ako. I didn’t realize na ginawa pala ni Mommy iyon para i-spare kami sa napakalaking problema ng pamilya. Ang pagkakamali lang niya, hindi niya naisip na mas gusto pa naming harapin ang problema na kasama siya kaysa magpatuloy kami sa maling akala.”
“Sayang na maigsi lang ang buhay niya,” sabi ni Jonathan. “Mas nakilala ko pa sana siya. Alam mo ba na ang mommy mo ang nagsabi sa akin noon na dinala mo sa park ang aso na ipinalit ko sa pet mo.”
Napatingala siya rito. “Really?”
“Oo. Sabi pa nga niya, umuwi ka raw na hindi mo dala ang aso. Sa palagay raw niya, iniwan mo ‘yon sa park. Kaya doon ko unang hinanap si Squash II. Mabuti na lang na wala pang nakakuha sa kanya.”
“Kapag naiisip ko ang mga pambubuwisit na nagawa ko sa iyo noon,” sabi  ni Rose May, “nahihiya ako sa sarili ko.”
“Quits lang naman tayo. Ang dami ko ring nagawang atraso sa iyo. Di bale, willing naman akong bumawi. Ilang halik at ilang yakap ba ang gusto mo?” sabi ni Jonathan na pinagalaw pa ang mga kilay habang pilyong nakatunghay sa kanya.
“Ahm, iisipin ko pa… How about, one hundred million times?”
“Ang tagal mo palang mag-isip, ‘no?” biro sa kanya ni Jonathan. Pupupugin sana siya nito ng halik nang lingunin sila ng ngingiti-ngiting kutsero. Naghagikhikan tuloy sila ng boyfriend niya. “Mahal, kapag nasabi mo na sa daddy mo ang tungkol sa relasyon natin, payag ka ba na magpakasal tayo agad?” sabi ni Jonathan mayamaya.
Pinapungay niya ang mga mata at demure na tiningnan ito. “Are you asking me to marry you?”
Kay lakas ng tawa nito. Bigla tuloy siyang ninakawan nito ng halik sa mga labi. Mabuti na lang at hindi na lumingon sa kanila ang kutsero. “Anytime, love…” bulong nito, “Anytime when you’re ready.”
Tumawa siya at kuntentong niyakap ito sa tiyan. “Handa na ako, mahal ko. Anytime. Pero dapat ko munang masabi kay Daddy ang tungkol sa ‘tin.”
“That’s my girl.” Hinapit siya nito at kuntentong idinikit ang pisngi sa noo niya. “Mahal…”
“Hmm?”
“Sa susunod na Saturday doon naman tayo sa beach resort namin sa Subic.”
Nakahanda na ang pagpayag niya nang maalalang may usapan nga pala sila ni Sean at ng mga magulang nito. “Hindi ako puwede sa Saturday, eh.”
“Bakit naman?”
“Nakapayag na ako doon sa Isang friend ko na pupunta kami sa isang mountain resort sa Bataan.”
“Eh di isama mo na lang ako na chaperone mo.”
Nahindik siya. Imposibleng pumayag siya na isama ito roon. Mabilis na nag-isip siya ng alibi. “Hindi puwede kasi… kasi problemado  ‘yong friend ko at kailangan niya ng mapaghihingahan ng problema. Saka g-girls talk lang ang gagawin namin doon. Mao-OP ka lang.”
“Matitiis mo ba akong malungkot buong araw?” parang bata na nagpapaawa kunwari ito.
“Ano ka ba? Isang araw lang naman ‘yon. Magkikita naman tayo sa Linggo.”
“Mami-miss kasi kita.”
“Ako rin naman, ah.” Nagbigay ng alalahanin kay Rose May ang araw ng Sabado. Hindi pa niya nasasabi kay Jonathan ang sitwasyon niya kay Sean. Kahit ang pangalan ni Sean ay hindi pa niya nababanggit dito. Natatakot siya na baka hindi siya nito maunawaan kapag ipinagtapat niya rito ang tungkol sa commitment niya kay Sean. Pero habang maaga, dapat na siguro niyang sabihin dito ang tungkol doon.    

“KAILANGAN kong mag-extend ng duty dito sa hotel, mahal. Kaya huwag mo na akong sunduin. May dala naman akong kotse.”
Umaalingawngaw pa sa tainga ni Jonathan ang tawag na iyon ni Rose May kanina. Pang-apat na iyon sa pagtanggi nito sa date man o sa pagsundo niya rito.
Madalas naman nitong pagbigyan ang pagyayaya niya ng date, ngunit may mga pagkakataon na may mga pinupuntahan ito na ayaw siyang isama kahit anong pilit niya. May mga pagyayaya siya na anuman ang sabihin niyang pangungumbinsi ay hindi ito pumapayag. Sa mga pagkakataong iyon, nararamdaman niya na mayroon itong hindi sinasabi sa kanya. Parang may itinatago ito.
Wala siyang duda sa pagmamahal nito sa kanya. Nararamdaman niyang mahal siya ni Rose May. At habang dumaraan ang mga araw, lalo pa niyang nararamdaman kung gaano siya kamahal nito. Kaya nagtataka siya kung bakit pumapasok ang pagdududa sa isip niya tuwing tinatanggihan siya ng girlfriend niya.
Hindi tama na pagdudahan niya ang babaeng mahal niya, ngunit ayaw siyang hiwalayan ng kutob niya.
Marami siyang trabahong nakabinbin ngunit mas mahalagang magkaroon sila ng bonding time ni Rose May, na sa kasamaang palad nga ay tinanggihan nito.
Naisip niyang sorpresahin na lang ito. Hihintayin niya ang paglabas nito sa hotel.
Dapat ay alas sais ng hapon ang labas ni Rose May sa New World Renaissance Hotel, ngunit nasabi nga nito na mag-o-overtime ito. Sa Palagay niya ay aabutin ito ng alas otso o alas nuwebe roon. Kaya bago mag-alas otso ay naroon na siya.
“Engineer Sunico?”
Nilingon niya ang taong tumawag sa lobby ng hotel. Isa palang dating kliyente. “Mr. Li, good to see you,” masayang bati niya ritong nakipagkamay pa sa may edad na ginoo. Isa itong Filipino-Chinese businessman na nagpagawa sa kanya ng commercial building bilang kapalit ng nasunog nitong property sa Paco.
“Good to see you, too, Engineer. Mukhang may date ka?” Parang guhit na lang sa pagkakangiti ang mga mata nitong chinito.
“Ah, wala po. Susunduin ko lang ang girlfriend ko.”
“O, good, good. She’s one lucky girl, young man.”
Tinawanan lang niya ang pambobola nito. “Kayo po, may date ba kayo ni Madam?”
“Oo, pero hindi kami lang, kasama namin ang only son ko at ang girlfriend nita. Very nice couple. O, ayan na pala sila. Halika, Engineer, ipapakilala ko sila sa ‘yo.”
Pagpihit niya sa hinahayon ng tingin nito ay muntik na niyang nalulon ang kanyang dila.
Jonathan was shocked. Dahil ang kasama ng asawa ni Mr. Li ay isang couple na magkaabrisyete, kung saan ang babaeng nakangiti habang nakahawak sa braso ng lalaki ay walang iba kundi si Rose May.

To Get Back At Love COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon