Isa sa mga pinakamagagandang pwedeng maranasan ng isang bente uno anyos na lalaki eh yung magkaroon ng napakagandang girlfriend. Yung girlfriend na hindi mo maikukumpara sa iba. Yung girlfriend na nag-iisa lang sa mundo. Yung girlfriend na mamahalin ka ng totoo.
Yung girlfriend na aantayin ka sa harap ng university na pinapasukan mo.
===
“Dae Woong! Dae Woong! Woong! Dae Woong!”
Nandito na naman sya! Paano ba nya ako nahanap?! Oo nga pala, bakit ko pa natanong. Argh! Nakakaasar! Paano na to? Anong gagawin ko? Ah, alam ko na.
Binunot ko ang cellphone ko at nagkunwaring may kausap.
“Oh? Oh? Sige. Oh? Di kita masyadong marinig. Oh, ahhh.” Sabay karipas ng takbo palayo. Sana hindi nya ako mahanap. Sana hindi nya rin malaman na wala naman ako talagang kausap sa cellphone nun.
Akala ko nakatakas na ako. Hindi pala.
“Woong!” Nakita ko na lang na nasa harap ko na sya. Grabe ang bilis nya talaga.
“Oh. Du-dumating ka.” Medyo ninenerbyos pa ako. Sino bang hindi nenerbyosin at matatakot?
“Di mo ako nakita kanina? Tinatawag kita e. Hindi mo ako naririnig?” Wala nga talaga syang alam na tinatakasan ko lang sya. Phew.
“Di-di kita nakita. May kausap kasi ako eh.” Deny pa Woong, kaya mo yan.
“Ah ganun pala. Di ka naman magkukunwaring hindi mo ako nakita o narinig kung ayaw mo mamatay, di ba?” Ngiting ngiti pa sya habang nananakot. Hindi mo alam kung seryoso o…sobrang seryoso.
“Sye-syempre hindi. Gusto ko pang mabuhay.” Waaah! Paano ko ba napasok to’ng sitwasyong ‘to?
“Halika samahan mo ako. May nakita akong nakakatuwa!” sabay hila sa akin, nagmamadali sya. Ano na naman kaya ang nakita nito? Sana hindi na naman….
Hila hila nya, o mas mabuting sabihing habang kinakaladkad, nakikita ko ang mga lalaki sa paligid na tumitigil sa mga ginagawa nila para masilayan lang sya. Ang iba tumititig talaga. May mga mangilan ngilang sumusunod. Karamihan, binabaliko ang leeg makita lang ang kagandahan nya.
Eto ang girlfriend ko. Ang aking girlfriend na may kakaibang ganda na nagiging dahilan ng pagkainggit ng ibang kalalakihan sa akin.
“Dalian mo.” Hanggang magkabilaang tenga ang ngiti nya.
“Ano naman ngayon? San naman tayo pupunta?”
“Espesyal na araw ngayon.”
“Espesyal na araw?”
===
“Woong, dyan sa kainan na yan kakahuli lang nila ng baka.” Sinasabi ko na nga ba eh. Pinaghawak nya ang dalawa nyang kamay na parang batang nakikiusap. “Ngayon, gusto kong kumain ng bagong huling baka.”
“Baka na naman?! Hindi pwede! Mi Ho, wala na talaga akong pera. Hindi pwedeng magbaka ngayon.”
“Hindi?” Kumipot na yung kaninang malalaking mata nya. May pilyang ngiti na rin sa labi nya. Hindi na maganda to.
“Edi,” humihina na yung boses nya habang tumatapat sya sa tenga ko habang ako nanglalambot sa takot “ikaw na lang ang kakainin ko.”
Sinundot nya yung pisngi ko ng parang ulam na titikman. “Mmmm, malasa!” Hindi lang basta simpleng pananakot to.
“♫Lobo, lobo, anong ginagawa mo?
Kumakain. Anong pagkain?
Si Dae Woong.
Patay ba o buhay?♫.....
Buhay!! Dae Woong, kailangan kong kumain ng baka para hindi ikaw ang kainin ko!” Nakuha pa nyang pumalakpak at maglulukso ng parang batang tuwang tuwa pagkatapos manakot habang ako mukhang maiihi na sa pantalon ko.
Yan ang girlfriend ko, na gusto akong kainin. Ang girlfriend kong Gumiho.