Bumili ako ng chocolate na paborito kong pinapapak sa tindahan. Matamis at lasang pinatuyong peanut butter lang naman. Mula pa noon gusto ko na ng chocnut, ewan ko nga ba kung bakit naaadik ako sa pagkaing to'. Sabi ng bestfriend kong si Jelai, ang chocnut daw ay gawa sa rejected na peanut butter. Nagtatrabaho daw sa factory ng chocnut ang tatay niya at naguuwi daw to' ng isang garapon ng paborito kong chocnut araw-araw. Pero alam ko na nagyayabang lang siya, hindi ko naman puwedeng paniwalaan ang lahat ng sinasabi niya, at dahil sa mag bestfriend kami, alam ko kung kelan siya nagsasabi ng totoo o napapasobra ng kuwento.
May isang tanghali na naisipan kong yayain si Jelai na magswimming sa ilog, pero hindi ko siya naabutan sa bahay nila.
"Saan po si Jelai?" tanong ko.
"Naku hindi mo na siya naabutan,
hindi ba nagpaalam sa'yo?"
sagot ng tatay niyang si Mang lupito habang nagtutupi ng mga basahan na ibebenta sa palengke. Matanda na ang tatay ni Jelai, dating factory worker, natanggal sa trabaho dahil nalaman ng mayari ng kumpanya na positive sa TB. At ng gumaling sa sakit ay pinilit niyang makabalik sa trabaho pero wala nang gustong tumanggap sa edad niyang 68, kaya naglalako na lang siya ng kung anu-anong puwedeng itinda sa palengke. Mula sa paminta, bawang at sibuyas, pangkuskos sa kaldero hanggang sa basahan kaya niyang i-alok sa costumer, parang magic nabibili at nasisimot naman ang lahat ng paninda niya bago lumubog ang araw. Nagulat ako sa sagot niya, dahil wala akong alam na pupuntahan ni Jelai, wala siyang nabanggit. Lumapit ako kay Mang Lupito at humila ng kulay pulang stool na tila nagtatago sa ilalim ng maugang katre, hinihintay na maupuan ng aking puwet.
"Wala naman po siyang sinabi na may pupuntahan siya?"
"Baka kasi ayaw ng anak kong magpaalam sa'yo.."
"Bakit naman po? Hindi naman kami nagaway.."
"Malulungkot yun pag pinigilan mo siyang umalis" Umubo ang matanda
"Saan ba talaga siya pupunta?" malungkot kong usisa.
"Malalaman mo rin balang araw." May inabot sa aking paper bag.
"Ano po to'?? Chocnut?? Anong konek nito sa pagalis ni Jelai??"
"Paborito mo daw yan eh' Nagbilin siya na ibigay ko daw sayo.."
"Para saan?"
"Pis opering daw sa hindi niya pagpapaalam sa'yo.."
"Pagamit po ng kubeta Mang Lupito.. Natae ako bigla."
Madali akong tumayo at padabog akong tumakbo sa kubeta, kinawit ang alambre sa pako na nagsisilbing lock sa pinto. Dahil sa malakas na pagsara ko ng pinto, nahulog pa mula sa maliit na estante ang bote ng langis na pinampapahid yata ng matandang si Lupito sa paang madalas namamanas. Napaupo ako sa nanlilimahid na inidoro nina Jelai. Wala akong ibang pakiramdam sa mga oras na iyon kundi pagiisa. Hinahanap-hanap ko ang matabang pisngi at namumutok na bilbil ng aking bestfriend. Madalas kong dinededma ang mga kuwento niya sa akin pero nagiisa siyang pinakamatalik na kaibigan ko, at kung mawawala siya alam kong hindi na ako magiging buo gaya ng dati. Tumakbo ako sa masangsang na lugar na ito hindi dahil nadudumi ako, kundi, ito lang ang lugar na puwede kong pagbuhusan ng mga luha ko ng mga sandaling iyon. Hindi ko maipaliwanag pero may pakiramdam akong hindi ko na makikita pa si Jelai, na tuluyan na niya akong iniwan. Umiyak ako at humagulgol ngunit walang marinig maging ang hangin maging ako ay bingi sa sarili kong hikbi. Mas marami na rin ang bilang ng luha ko kesa sa pawis. Alam kong, matindi ang emosyon na dinadala ng bawat patak ng luha ko, dahil napunit nito ang paper bag na pinambalot sa 24 pieces na chocnut. Nalilito kong, ineksamin ang chocnut na inabot sa akin ni Mang Lupito, nakabukas na ang plastic nito ngunit alam kong kumpleto pa ang bilang ng paborito kong chocolate, 24 pa rin ito. Ganun pa man, tila wala akong ganang kainin ang mga iyon, ni magbukas ng isang piraso. Imbes na pagpiyestahan ang laman ng plastic, niyakap ko ng mahigpit ang huling ala-ala sa akin ni Jelai, na para bang ang chocnut at ang aking bestfriend ay iisa. alam kong mahigpit ang pagyakap ko dahil naramdaman kong nadurog ang marami sa piraso ng chocnut. Nahulog rin sa madilim, mamasa-masa at malumot na sahig ng kubeta ni Mang Lupito ang ilang piraso ng nahulog na chocnut. Dinampot ko isa-isa hanggang sa inabot ko ng aking kamay ang natitirang piraso sa may sulok, nang akmang maabot ko na ay tila natigilan ako ng maramdaman ng aking mga daliri ang madulas at malagkit na bagay na mabilis na yumakap sa aking kamay. Naaninag ko mula sa gasinulid na liwanag ang kulay ng malagkit at madulas na ito, manilaw-nilaw at malapit sa matingkad na berde ang kulay nito. Habang pinagmamasdan ay narinig ko ng malinaw ang dumadagundong na pagdahak ni Mang Lupito, isang makapangyarihang dura ang pinakawalan nito na lumusot sa butas na patungo sa sulok ng pinagligtasan ko ng ika-24 na piraso ng chocnut. Noon ko napatunayan na ang malagkit at madulas na pumupulupot sa aking kanang kamay sa mga sandaling iyon at ang plema't laway na pinalaya ni Mang Lupito sa pamamagitan ng mapagmalaking dahak ay iisa. Masamang kapalaran ang malamang walang tubig na maaring maghugas sa hindi sinasadyang kasalanan sa aking kamay, wala ring anumang tela ang maaring mapag-punasan ng malapot na sapot sa aking mga daliri. Akmang babaliktad na sana ang sikmura ko kasabay ng isang kapanapanabik na pagduwal bilang sagot sa mga pangyayari ng mga sandaling iyon, napatigil ako ng makapa mula sa kadiliman ang isang sobre na nakaipit pala sa plastic ng chocnut. Higit akong nasabik mabuksan ang laman ng sobre, Hindi ko na rin namamalayan na mabilis na natutuyo ang plema ni Mang Lupito sa kamay ko. Binuksan ko ang sobre, nakapa ko ang laman nito. Magaspang ang papel, mula sa dilim ay pinilit kong basahin ang nakasulat sa papel.
Dear Bhezt,
....
Yan lang nakayang basahin ng mga mata ko sa dilim.
Gusto ko pang magbasa pero kumatok na sa pinto si Mang Lupito.
"Tulungan mo'ko hindi ako makahinga!"