Ako si Eman, bestfriend ko si Jelai. Simula pa pagkabata magkasama na kami ni Jelai. Sabay kami ng birthday ng pinaka matalik kong kaibigan. Sa loob ng 16 na taon, naitali na ng panahon ang buhay naming dalawa. Kaya ang malamang umalis siya papuntang kung saan, Maraming tanong ang nabuo sa isip ko. Bakit siya umalis? Saan siya pupunta? Bakit hindi nito sinama ang tatay niya? Kailan kami ulit magkikita?
Ako si Eman, Emmanuel Macarena ang buo kong pangalan. Sanay na akong mapagtawanan sa apelyido ko. Tunog disco daw, kapag dumadaan nga ako sa harap ng mga sunog bagang tambay sa kanto namin, sabay-sabay silang tumatayo at sumasayaw ng "Macarena". Pero anumang effort ang gawin nila para galitin ako, hindi sila kailanman nagtagumpay. Kasalanan ko ba kung "Macarena" ang surname ko.
"One latutut parabia macarena, tutupwe supo bway malari kosabuena, one latutut parabia macarena Hey macarena! Hay!"
Sinasabayan pa nila ng kanta habang sumasayaw, mali-mali naman ang lyrics. "Mukhang tangang mga gago!" pabulong koong sinasabi parati sa sarili ko.
Ako si Eman, sabi ng tiyahin ng umampon sa akin, na siya na ring nagbigay sa akin ng pangalang Emmanual at apelyidong "Macarena" Napulot daw nila ako sa ilalim ng tulay. Tila kapapanganak pa lamang daw sa akin noong matagpuan nila akong nakabalot sa duguang kumot, sariwa pa nga raw ang pagkakaputol ng pusod ko. Napakalusog na bata ko raw noon, mukha nga daw akong anak mayaman. Kung sa bagay maganda naman ang pangangatawan ko, kulay gatas ang balat ko at kahit nabibilad sa araw-araw sa pagtitinda sa palengke, hindi nagbabago ang lambot, kinis at puti ng balat ko. Matangos din ang ilong ko, at kahit na disi-sais palang ako, alam kong hindi ako nababagay sa mundo ko ngayon, mas bagay kasi sa akin ang naka porma. Pormang mayaman. Pero anong magagawa ko? Grade 6 lang ang natapos ko. Wala na daw kasing pera ang tiyahin kong sugarol. Kung gusto ko raw magaral mag TIKATIK boy daw ako, yung nagbebenta ng sigarilyo at kendi sa kalsada. Kaya nga sa umaga pagkatapos kong tulungan si Tiyang Letty sa palengke, kinakalaban ko na ang init ng tanghaling tapat at nagaalok ng yosi at kendi sa mga drayber. At sa bawat nabibili sa pagtitikatik ko, parang nahahawakan ko na rin ang pisngi ng kinabukasan ko. Bawat pawis na lumalabas sa katawan ko, alam kong kabayaran yun para makatapak ang mga paa ko sa hayskul.
Naalala ko ang unang araw ng paglalako ko sa kalsada. Masayang masaya ako dahil hindi pa gumagabi, nabili na ang halos kalahati ng paninda ko.
"Isa ngang Malboro (marlboro)"
"Dalawang Hop (hope)"
"Magkano Pilip (philip)"
Hindi lang yosi ko ang mabili noong araw na yun, pati ang mga kendi ko ay nasimot din. Tatlong pirasong kendi na nga lang ang natitira sa kahon ko, 3 Snow Bear. Ilang sandali pa ay sampu hanggang limang sasakyan na ang dumaan sa paningin ko, may trak, may kotse, may owner at may drayber sa jeep na sumisenyas ng "Pabiling kendi". Tumingin ako sa kaliwa, sa kanan, sa kaliwa at sa kanan ulit, hnakbang ang isang paa para tumawid, malinaw ang daan, maaliwalas ang paligid, galut na galit na tumitirik ang higanteng araw, inihakbang ko ang ikalawang paa, tatlong hakbang, lima.. anim.. tatlong hakbang patungo sa drayber. Habang papalapit, natatanaw ko ang drayber na dumudukot mula sa isang kahon na puno ng barya. Dumukot ang manong ng 2 piso at isa pang 5 piso. Akmang inabot ng drayber ang mga barya nang isang mabilis na puwersa ang humagip sa kamalayan ko. Parang nabuwal ang mga buto ko nang sa isang iglap sinalubong ang aking tagiliran ng rumaragasang van, naramdaman ko ang paghampas ng side mirror sa kaliwang bahagi ng aking mukha. Nadama ko rin ang pag-alog ng aking paningin habang nakabulagta sa lupa ang aking katawan mula sa pagkakatilapon. Nakasubsob ang namamaga kong mukha sa lupa at pinipilit ng kaluluwa kong bumangon ngunit hindi makakilos. Higit sa sakit ng katawan ay naramdaman ko na magisa ako sa mga sandaling iyon, hinanap ko sa unang pagkakataon ang aking Nanay, umasa na mabawasan ang sakit kung sakali't naroon siya at yakapin ako. Nakaramdam ako ang matinding lungkot habang nalalasahan ko ang dumi sa lupa na kinasusubsuban ko. Pero walang nanay na naroon, walang sinuman ang tutulong, walang mata ang gustong tumingin, walang tenga ang nais makinig, walang puso ang kayang maawa. Nadurog ang natitirang piraso ng snow bear, bumaon na parang bubuog sa aking sugatang noo. Umagos ang pulang likido sa aking namamagang mukha, humalo sa dugo ang luha. At sa mga sandaling iyon narinig kong umiiyak rin ang lupa.