“kailangan dalhin ang matandang ito sa Maynila.. Hindi siya kayang gamutin kahit na ba dumating ang mga duktor ngayon. Walang sapat na gamit sa lugar na’to” Wika ng lalake habang nakapamewang na nakatingin kay Mang Lupito
“Puwede po ba nating gawin yan ngayon? Nangingitim na at naninigas na ang katawan ni Mang Lupito!” Wala akong ibang masabi sa lahat ng mga pangyayaring ito.
“Ito ang susi, ibigay mo kay kuya Ramon, nasa likod siya ng kapilya, nakaparada doon ang sasakyan ko, nakaabang siya’t hinihintay ako. Sabihin mong ilapit ang sasakyan dito ng madala natin to’ agad sa Maynila” Inabot sa akin ng lalake ang susi at madaling itinaboy ako palayo.
Bitbit ang susi, mabilis akong tumakbo papuntang kapilya, nalimutan ko na rin na magkaibang pares ng tsinelas ang suot ko, isang dilaw na Rambo sa kaliwa at sa kanan ay kulay pink na bulaklaking tsinelas na may tatak na BENCH naman. Mabilis ang takbo ko kung kaya’t naramdaman ng aking balat na unti-unting dumadampi ang malamig na ambon na kumukurot sa bawat patak nito. Hindi ko malaman kung bakit biglang bumilis ang takbo ng aking dugo, nakaramdam ako ng kakaibang lakas at parang kung anu-anong letra at numero ang pumapasok sa isip ko. Alam kong madilim at palubog na ang halos buong katawan ng haring araw ng mga sandaling iyon, ngunit ang hindi ko maintindihan ay kung bakit ang bawat madilim na sulok ng baku-bakong daan na tinatakbo ko ay naaninag ko ng maliwanag! Kahit dumating na ang gabi ay para akong pusang kabisado ang bawat liko at pasikot-sikot ng masukal na daan. Malinaw ang ala-ala ng mga sandaling iyon. Malinaw ang bawat korte ng dahon na paulit ulit na sumasampal sa aking mukha. Malinaw ang tunog ng kuliglig habang patuloy na lumalakas ang ambon na tuluyan na ngang naging ulan. Hindi ko napigilan ang mga salitang biglang lumabas sa aking bibig.
“87,780,556 na patak ng ulan...”
Hindi ko mapaniwalaaan ang nangyayari sa akin sa mga sandaling iyon. Nabilang ko ang ulan? At patuloy ko pang binibilang? Paano ako nakakapagbilang ng ganito kalaking numero kung hanggang 100 lang ang natutunan ko sa eskuwela? Ni hindi ko nga alam ang sagot sa ONE dibaydibay FOUR! Nababaliw na ba ako?!
“234,567,908,890 basang basa na ako!” Huling salita ko bago ko napansing nakarating na ako sa kapilya.
Humanap ako ng masisilungan. Nakita ko ang mataas na yero malapit sa pulang krus. Basang basa ako habang tinatanaw ang paligid. Parang notebook ang utak ko na malinaw na inililista ang bawat makita ng mata ko. Limang traysikel, tatlong itim, dalawang brown, ang dalawang itim ay magkasunod na nakaparada na sinundan ng isang brown, dalawang itim at magkasabay na umalis ang isang itim na may pasaherong matabang babaeng walang bra at ang isang brown na nagangkas ng dalawang magsyota na nagaaway, hinampas pa ng lalake ang babae ng plastic envelope nitong dala. Nakakapagod din palang maging matalino.
“Basang basa ka na pogi, silong dito sa payong..” Nagulat ako sa biglang paglitaw ng lalakeng naka sando sa kalagitnaan ng maladelubyong ulan.
“May hinahanap po akong kotse na nakaparada sa likod ng kapilya.. hindi ko na po Makita.. ” nanginginig kong sabi.
“Aah! Sasakyan ko yun! Hahahaha nilipat ko muna baka kasi maputikan, mahirap na bagong bili ko pa naman yun, Mahal din ang brand new nun ah! Ayos ang sasakyan ko no? Bakit mo nga pala hinahanap? Baklas kotse gang ka no?” Mayabang na kuwento ng matanda.
Dinukot ko ang susi na nasa bulsa ko. Pinunasan ko ng tuyong parte ng damit ko, yung bandang kili-kili ang hindi nabasa ng ulan. Inabot sa hambog na matandang payatot.
“Mang Ramon, Dalhin niyo na daw po ang kotse agad-agad. Hinihintay na po kayo ni Mr. Chan”
Ang mayabang, Nagkamot ng ulo.
Namutla.
Napahiya.
Kupal.