Perpekto

11 0 0
                                    

Minsan aakalain mong perpekto na ang lahat. Mula sa pagsimula ng araw, sa timpla ng mainit mong kape, pagkain mo sa umaga hanggang sa unan mo sa gabi. Minsan takot tayo na maalis ang isang bagay sa dati nang perpektong kwadrado. Nahuli ka ng gising sa umaga, hindi ka nakainom ng paborito mong kape, nalipasan ka ng gutom sa hapon o di kaya'y hindi nakatulog sa gabi.

Minsan akala natin ang ulap at ang bughaw na langit ang nagpapaganda sa umaga, ngunit ang araw ang pinakamahalaga. Ito ang nagbabalanse sa kulay at sa ganda ng umaga. Minsan akala natin yung mismong butil ng kape ang nagpapasarap sa timpla. Pero hindi pa rin mawawala ang init ng tubig at tamis ng gatas na bumabalanse sa pait ng timpla. Akala ko narito ako at nariyan ka, pero perpekto pa ba?

Minsan sa pagbagtas natin sa mga bulwagan na pamilyar na sa bigat ng ating mga paa at sa lakas ng ating boses tuwing magkasama, nangako ako sayo na balang araw mananatili kang masaya at narito lang ako sa tabi mo para suportahan ka. Pinangako ko sayong ang pinakamasayang araw ng buhay mo ay kapag nasa kalagitnaan ka ng karamihan na kasabay mo sa pagdiriwang ng ika-labingwalong kaarawan mo sa mundo. Pinangako kong naroon ako nasa tabi upang suportahan ang kasiyahan mo. Nangako akong hahawak ng bulaklak at iaabot sayo kasabay ng tugtuging halaw sa kwento ng pagmamahal ko. Nangako ako sa bawat pasilyo at sa mga pundasyon ng bulwagang ito.

Natapos ang mga panahon. Dumating ang mga taon na unti-unting nawala ang pamilyar na bigat ng mga paa, ang mga alingawngaw ng mga tawa. Tila nawalan ng memorya ang gusaling dati-rati ay pinamumugaran ng kaluluwa ng pagmamahal mo. SA aking pagbabalik maraming multong nanumbalik sa akin, ipinaalala na may pangako pa akong tutuparin. Kaya't hinanap kita sa bawat lupain na kayang abutin ng mga paang ito.

Mahal, narito na ako. Tinupad ang aking pangako. Nanatili kang masaya sa tagal ng pagkakawala ko, at narito ako sa tabi, hindi mo man alintana ngunit may nangingilid na luha kasama ng aking mga ngiti. Hawak ko ang iyong kaliwang kamay habang ang rosas ay dumudulas sa aking kanang kamay, isinayaw kita sa mga dating awiting binigyang buhay ng bawat kumpas ng iyong kamay. Hindi ko naririnig ang kanta, ni ang mga tao ay hindi ko makita. Ang alam ko lang sa mga oras na iyon tayo ang hari at reyna. Sabi nila, ang mga kwento ng prinsesa ay natatapos sa isang prinsipeng kanilang mamahalin sa ika labingwalong kaarawan. Mahal, ito ang kwento mo, ngayon nahanap mo ang prinsipeng iyong ikaliligaya.

Humintoang kanta, napalitan ng panibagong plaka, nandun ako sa tabi mo alam kong hindimo napapansin ang bawat patak ng luhang humahalo sa dilim ng kalangitan. Ngayonsa paghahalo ng dilim at ng ulan, natapos ko ang ating sumpaan. Ngayon alamkong naabot mo ang rurok ng iyong kaligayahan. Mahal, ngayon handa na kitang bitawan. Tanggap ko nang hindi ang kamay na ito ang magsusuot ng ginto sa iyongpalasingsingan. Tanggap ko nang ang lugar kung saan dati isinisigaw ang atingpagmamahalan ay isang mapait na alaala na lamang.    

UnSpoken Words: FilipinoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon