KATATAPOS lang ng huling klase ni Mariel nang araw na iyon nang biglang bumuhos ang malakas na ulan. Dalawang oras na ang nakalipas nang nagsimulang dumilim ang kalangitan.
Bumaba siya mula sa ikalawang palapag ng building at tumungo sa faculty room upang kunin ang bag niya. Nagpaalam siya sa mga co-teachers niyang nandoon bago lumabas.
Tumigil siya sa labas ng building. Paano siya makakaalis roon? Wala naman siyang dalang payong. Naisip niyang i-text si Andrei pero baka abala naman iyon. Pero magbabakasakali siya.
Ngunit akmang isi-send na niya ang message nang may nagsalita mula sa likuran niya. "Wala ka bang dalang payong, Ms. Mariel Torres?"
Napalingon siya rito. "Mr. Gabriel Pineda, right?"
"Just call me Gab." Bagong MAPEH teacher ito sa school nila. Iniangat nito ang kamay nito.
Tumangu-tango siya at nakipagkamay rito. Hindi nakapagtatakang MAPEH teacher ito dahil nakasuot ito ng PE uniform. Pero kung hindi niya ito kilala, malamang napagkamalan niya itong estudyante. Mukhang bata pa ito. Baby-face lang siguro.
Ito ang pumalit sa nag-resign na teacher sa subject na iyon. Mukhang tahimik kasi ito kaya hindi rin niya ito kinakausap.
"P-pauwi ka na ba?"
"Oo, sana. Tama ka, wala akong dalang payong."
"Kung gano'n sabay na tayo." Kinuha nito ang payong sa knapsack na nakasabit sa balikat nito. Binuksan nito ang payong. "Tara na?"
"Tara." Hindi na niya s-in-end ang text niya kay Andrei. Pinindot na lang niya ang Cancel button at sumama kay Gab.
KANINA pa tinatawagan ni Andrei si Mariel pero hindi nito sinasagot ang tawag niya.
"Damn it!" Gusto na niyang itapon ang cell phone niya sa sobrang inis.
Nasa daan siya pauwi galing sa isang branch ng Music Prince nang biglang bumuhos ang malakas na ulan.
Susunduin niya sana ang kaibigan niya pero hindi naman ito sumasagot. Tini-text din niya ito kapag humihinto ang mga sasakyan dahil sa traffic. Hindi rin ito nagre-reply. Malay ba niya kung may dala naman itong payong at nakauwi na.
Pero tumungo pa rin siya sa malapit na mall upang bumili ng payong. Tumakbo pa siya mula sa car park papasok sa mall dahil hindi tumitigil ang ulan. Nabasa siya dahil lalong lumalakas ang ulan. Gininaw tuloy siya nang makapasok sa mall.
Pagkabili ng payong ay kaagad siyang lumabas sa mall upang tumungo sa high school na pinagtuturuan ni Mariel.
Pagdating sa labas ng school ay muli niyang tinawagan si Mariel pero hindi pa rin nito sinasagot ang tawag niya. Nag-text din siya rito pero hindi pa rin ito nagre-reply.
Nahampas niya ng dalawa niyang kamay ang manibela ng kotse niya. "Anak ng pusa naman, o! 'Asan na kaya ang babaeng 'yon?"
Tumigil siya sandali na waring nag-isip. Kapagkuwan ay bumaba siya at pumasok sa school.
"Ano ho'ng kailangan n'yo, Sir?" tanong ng guard.
"Susunduin ko si Ms. Torres."
"Ah, kayo ho ang sumusundo sa kanya paminsan-minsan, 'di ba?" Natatandaan pa siya nito kahit minsan lang siya pumupunta roon.
"Ako nga ho. Napansin n'yo ho ba siyang lumabas?"
BINABASA MO ANG
My Heart Is Filled With You [PUBLISHED under PHR]
Teen FictionSi Andrei lang yata ang kilala ni Mariel na isang certified playboy na certified one hundred percent virgin. Kakaiba talaga ang best friend niya. Isusuko lang daw nito ang sarili sa babaeng gusto nitong makasama habang-buhay. Isang araw ay ibinalita...