5

6.6K 101 2
                                    

TUMUTULO ang mga luha ni Mariel habang naaawang nakatingin sa natutulog na si Andrei. May nakakabit na dextrose sa katawan nito. Dinala niya ito sa malapit na ospital. Humingi siya ng tulong sa katulong ng kapitbahay na siyang tumawag ng taxi.

Sabi ng doktora, ang sakit ng kaibigan niya ay trangkaso na may kasamang hyperacidity. Mabuti at naagapan daw kaagad.

Umupo siya sa gilid ng hospital bed. "Dre, sorry, ha? Ako ang may kasalanan kung bakit nangyari sa 'yo 'to," aniya habang pinupunasan ang mga luha.

Mayamaya ay gumalaw ito.

"Dre?"

Dahan-dahang nagmulat ito. "Hindi pa nga ako patay, iniiyakan mo na ako," nakangiting sabi nito. "At malayo naman sa kamatayan ang sakit ko, ah."

Mahinang hinampas niya ito sa braso. Masaya siya dahil sa tono ng pananalita nito ay hindi na nito pinipilit na magmukhang okay. May kaunting ubo at sipon pa ito.

"Aray naman!" reklamo nito.

"Nakuha mo pang magbiro. Worried na worried na nga ako sa 'yo."

"Naks naman, nag-aalala siya sa 'kin."

"Oo naman, 'no. Bakit ikaw, hindi ka nag-aalala sa 'kin?"

Ngumiti lang ito. "Yel..." malambing na tawag nito sa kanya kapagkuwan.

"Ano?"

"Hi, Yel," nakangiting bati nito.

"Heh!" singhal niya rito.

Hinawakan nito ang kamay niya.

"Huwag mo nga akong hawakan." Inirapan niya ito.

"Ang taray naman nito. Suplada."

"Bakit hindi mo ako tinawagan? Kung hindi pa pala kita pinuntahan, hindi ko pa malalaman kung ano'ng nangyari sa 'yo."

"Bakit mo kasi ako pinuntahan? 'Tapos magrereklamo ka riyan," seryosong sabi nito.

"Aba, ikaw pa ang may ganang magalit?"

Ngumiti ito. "Joke lang."

"Sira ka talaga. Kanina kasi, parang narinig kong tinatawag mo ako."

"Parang tinawag nga kita."

Hindi niya pinansin ang sinabi nito. That was, surely, a joke. "'Tapos bigla na lang akong nag-alala. Tinawagan kita. Hindi mo sinasagot."

"Sorry. Narinig ko rin pero parang wala akong ganang sagutin dahil sa sobrang sama ng pakiramdam ko."

"Okay lang. Tumawag din ako sa opisina mo, wala ka rin doon. Naisip kong baka may masamang nangyari sa 'yo. Kaya pinuntahan kita."

"Salamat."

"Salamat ka riyan."

"Nagpapasalamat na nga, eh." Bigla itong bumangon at hinalikan siya sa pisngi. "O, 'ayan, ayos na ba 'yan?"

Parang natuka ng ahas na napatingin siya rito. Okay lang sana kung sa pisngi siya nito hinalikan. Sanay na siya roon. Pero... well... sa pisngi nga naman iyon pero muntik nang maabot ang mga labi niya!

Tinulak niya ito.

"O, bakit?" natatawang tanong nito. Mukhang sinadya talaga nitong doon sa bahaging iyon ng mukha niya siya hahalikan.

My Heart Is Filled With You [PUBLISHED under PHR]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon