4

6.4K 104 2
                                    

NAGLALAKAD palabas ng faculty room si Mariel patungo sa unang klase niya nang umagang iyon nang pumasok naman si Gab.

"Hi, Ms. Torres," nakangiting bati nito sa kanya.

"Hello, Sir Gab. Ay, oo nga pala." Bumalik siya sa mesa niya at may kinuha roon. Nang muli siyang lumapit dito ay iniabot niya rito ang payong. "Thanks."

Kinuha nito iyon. "You're welcome. Hindi ka ba nabasa kahapon?"

"Hindi. Salamat na lang sa payong mo. Dinala ko na nga ang payong ko dahil baka umulan na naman mamaya."

Ngumiti ito. "Papasok ka na ba sa unang klase mo? Sabay na tayo. Arts ako ngayon." Naka-teacher's uniform ito.

Hinintay niya ito. Kinuha nito sa kanya ang hawak niyang libro at lesson plan dahil ito na raw ang magdadala ng mga iyon. Tumanggi siya. Pero nang tinukso sila ng mga co-teachers nila ay hinayaan na niya ito. Naglakad na sila patungo sa room kung saan nandoon ang una niyang klase.

Pagdating doon ay ang mga estudyante naman ang nanukso sa kanila. Sinaway niya ang mga estudyante habang nakangiti lang si Gab na tila nagugustuhan ang ginawa ng mga bata.

Ibinigay nito sa kanya ang mga gamit niya.

"Salamat. At salamat din sa paghatid, Gab."

"You're welcome. Sabay tayong mag-lunch mamaya, ha?"

Hindi na siya nakapagsalita dahil bigla na lang itong umalis.


NAGISING si Andrei nang umagang iyon na masama ang pakiramdam niya. Parang hindi kaya ng katawan niyang bumangon sa kama. Masakit ang ulo niya at sinisipon siya.

Nilalamig siya pero mainit naman ang pakiramdam niya. Pinilit niya ang sariling bumangon upang patayin ang aircon. Nilalamig pa rin siya kaya bumalik na lang siya sa higaan at nagtalukbong ng kumot. Tinamad na siyang kumuha ng damit sa drawer. Naka-boxer shorts lang kasi siya kapag natutulog.

Nabasa kasi siya ng ulan kahapon at pag-uwi niya ay nagbihis lang siya, kumain at natulog. Tinamad na rin kasi siyang maligo dahil kagabi pa lang ay nakaramdam na siya ng pagkahilo at panay ang bahin niya.

Mga sintomas na pala iyon na magkakasakit siya.

Nanginginig siya kaya niyakap niya ang isang unan. Sa bibig na lang siya humihinga dahil sa baradong ilong.

Naisip niya i-text o tawagan si Mariel. Inabot niya ang cell phone na nakapatong sa bedside table. Nang napasakamay na niya iyon ay saka niya naisip na may klase pala ngayon ang kaibigan niya.

Tinawagan niya si Hazel, ang natitira niyang girlfriend ngayon. Hindi pa kasi siya nakahanap ng iba. Kailan ba siya titigil sa bisyo niyang iyon? Anong klaseng babae ba talaga ang hinahanap niya?

Hindi sinasagot ni Hazel ang phone nito. Ring lang nang ring iyon. Baka may importante itong ginagawa. Admin staff ito sa isang malaking kompanya. Kinansela na lang niya ang tawag at nilagay na lang sa tabi niya ang cell phone at muling nagtalukbong ng kumot.

Pero kung si Mariel kanina ang tinawagan niya ay sigurado siyang kaagad siya nitong pupuntahan, anuman ang ginagawa nito, galit man ito sa kanya o hindi. Ayaw lang niya itong istorbohin. Ayaw rin niyang mag-alala ito sa kanya. Tiyak kasi siyang matataranta ito.

Hiling niya na sana ay puntahan siya nito mamaya.

"Yel..." bulong niya, saka ipinikit ang mga mata niya. Itutulog na lang niya ang nararamdaman niyang sakit sa katawan.

My Heart Is Filled With You [PUBLISHED under PHR]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon