NAGSIMULANG magkuwento si Nina. "Mabait ang batang inalagaan ko. 'Di ba nasabi ko na sa'yo dati na mahal na mahal ko 'yun. Malikot siya, siyempre bata kasi. Pero malambing din siya. Magkasundo kami. Malapit na malapit siya sa akin. 'Yung tatay ng alaga ko, madalas na umuuwing lasing. Madalas din silang mag-away ng asawa niya. Nung minsang nag-away sila, lumayas 'yung babae. Dadalhin sana niya ang alaga ko, pero hindi pumayag 'yung amo kong lalaki. Kaya naiwan sa bahay 'yung bata. Siyempre andun din ako dahil naroon ang alaga ko...
...Isang gabi, umuwing lasing na naman ang amo kong lalaki. Nang buksan ko ang pinto, nagsimula siyang bastusin ako. Hinipuan niya ako sa lahat ng parte ng katawan ko. Tumatanggi ako, umiiwas... pero sinampal niya ako. Sinuntok rin niya ako sa sikmura kaya napasigaw ako sa sobrang sakit. Narinig ang alaga ko ang sigaw ko kaya lumabas siya ng kuwarto."
"Ayah!" sigaw ng alaga ko. "Tidak menyakiti pengasuh saya!"
Pero parang walang narinig ang amo ko. Pinagsasampal na naman niya ako.
"Don't hurt me. Please have mercy!" pagmamakaawa ko sa aking amo.
Nakita ko ang amo ko na tumawa lang at tila baliw na nagsisigaw. Muli siyang lumapit sa akin at hinawakan ang aking dibdib.
"Huwaaagg! Maawa ka sa akin!"
"Tidak menyakiti pengasuh saya!" Tumakbo ang alaga ko at kinagat sa hita ang tatay niya.
Napasigaw sa sakit ang amo ko at bigla niyang tinabig ang anak na kagat-kagat pa rin ang hita niya.
Sa lakas ng pagkakatabig niya sa bata ay tumilapon ang alaga ko at nauntog ito sa konkretong dingding. Kitang-kita ko nang walang malay na bumagsak sa sahig ang batang inaalagaan ko.
"Dwi!!!" Binalot ng panghihilakbot ang buong katauhan ko.
Tila nawala naman ang kalasingan ng amo kong lalaki nang makita niyang walang malay na nakabulagta sa sahig ang kanyang anak.
Patakbong nilapitan ng amo ko si Dwi. "Dwi! Anak-anak, bangun!"
Hindi kumikilos ang bata. Laking gulat ng amo ko nang makita niya ang umaagos na dugo mula sa ulo ni Dwi.
Pinakiramdaman ng amo ko ang pulso ni Dwi. Pilit din niyang pinakinggan ang tibok ng puso ng bata.
Maya-maya'y nag-angat ng ulo ang amo ko at galit na galit ang tinging ipinukol sa akin.
"Anda membunuh anak saya! You killed my son!" sigaw sa akin ng amo ko. Bakas sa mukha niya ang di maipaliwanag na poot.
Natakot ako. Bumakas ang kilabot sa aking mukha. "Hindi... No, I did not kill your son! You killed him!"
Tumayo ang amo ko at lumapit sa akin. Hindi ako nakailag nang padapuin niya ang isang malakas na sampal sa aking pisngi. Para akong nabingi sa lakas ng pagkakasampal niya sa akin.
"Anda akan membayar untuk ini! You'll pay for this! I'll make sure you'll be jailed for killing my son!" Nagmukhang demonyo sa paningin ko ang aking amo.
"No... I did not kill Dwi. You killed him!"
"Kau membunuh Dwi. You killed Dwi."
"Naghalo-halo na ang takot at pisikal na sakit na aking nararamdaman. Namalayan ko na lang na may dumating na mga pulis at dinala ako para ikulong at imbestigahan. Wala na akong nagawa, best. Pinalabas ng tatay ni Dwi na ako ang nakapatay sa anak niya."
"Napakasama ng amo mo. Hayup siya!" dama ni Nina ang simpatya sa kanya ni Patty. Pero ang awa at simpatya ay tila wala nang halaga. Ilang araw na lang at igagawad na sa kanya ang parusang kamatayan sa isang kasalanan na kailan man ay hindi niya ginawa.
Tanggap na niya ang kapalaran niya. Wala na siyang magagawa. Mas iniisip niya ngayon ang magiging kalagayan ng nanay niya kapag wala na siya. Buti na lang at nandiyan ang best friend niyang si Patty. Alam niyang hindi nito pababayan ang kanyang ina.
"Time is up!" sabi ng pulis kay Patty. Kinuha nito ang telepono mula sa dalaga. Wala nang nagawa si Patty kundi tanawin na lang si Nina mula sa seldang kinaroroonan nito. Nakita niyang nakatingin rin ito sa kanila ni nanay Lita. Malungkot na kinawayan ni Patty si Nina. Alam niya, maaaring iyon na ang huling araw na makikita niyang buhay ang kanyang best friend.
NANG SUMUNOD na araw ay bumiyahe na pabalik ng Maynila sina Patty at nanay Lita. Sa Pilipinas na nila hihintayin ang ano mang kahihinatnan ng kapalaran ni Nina. Umaasa pa rin sila na may magagawa pang paraan ang pamahalaan ng Pilipinas para hindi matuloy ang hatol na kamatayan sa kanyang matalik na kaibigan. Iyon na lang ang pwede nilang gawin ngayon. Umasa.
NANG SUMAPIT ang takdang araw ng paggawad ng hatol na kamatayan kay Nina ay nasa kalsadang muli si Patty kasama ang iba't-ibang grupo na kumokondena sa mabagal na pagkilos ng gobyerno para bigyang ayuda ang mga kinakaharap na problema ng mga OFW. Ang dala nilang mga placard ay sumisigaw ng mga dasal na sana ay huwag matuloy ang firing squad kay Nina, pati na rin ang paghingi ng hustisya para sa mga inosenteng OFW na nahahatulan para sa kung anu-anong mga kaso sa ibang bansa.
Sino nga ba namang tao ang dadayo pa sa ibang lupain para lang gumawa ng krimen? Wala naman, di ba?
Nagtrabaho sila sa ibang bansa dala ang pangarap na mabigyan ng magandang buhay ang pamilyang naiwan nila sa Pilipinas.
Pinili nilang mapalayo sa kanilang mga mahal sa buhay upang pagdating ng panahon ay masaya silang magsasama at pagsasaluhan ang bunga ng lahat ng kanilang mga sakripisyo.
Hindi kailan man kasama sa mga plano ang pagkakaroon ng kaso sa banyagang lupain dahil kapag ganun ang nangyari, sira lahat ang mga nabuong pangarap para sa sarili at sa pamilya.
TUMATAKBONG lumapit si Migs kay Patty.
"Patty!"
"Migs, ano'ng balita?" kinakabahang tanong ni Patty.
Malungkot ang mukha ni Migs.
Hindi na kailangang magsalita ng binata. Tila nahulaan na ni Patty ang sasabihin nito.
Hindi namalayan ni Patty na naglandas na ang luha mula sa kanyang mga mata patungo sa kanyang mga pisngi.
DALAWANG araw mula ngayon ay darating na sa Pilipinas si Nina. Uuwi na siya. Ang kaibahan nga lang, walang masasayang mukhang sasalubong sa kanyang pagdating. Wala rin ang nakahahawang mga ngiti ni Nina na babati sa mga taong mag-aabang sa kanya sa airport. Uuwi siyang wala man lang ni isang salita na mamumutawi sa kanyang mga labi.
Tapos na ang paghihirap ni Nina sa loob ng kulungan.
Uuwi na nga ang best friend ni Patty. Darating na si Nina... na payapang nakahimlay sa isang malaking kahon. Wala nang buhay.
Uuwi siyang sira ang lahat ng kanyang mga pangarap.
Uuwi siyang bigo at talunan.
Uuwi siya nang hindi man lang nakakamit ang hustisyang dapat na ibinigay sa kanya...
The End
BINABASA MO ANG
Sa Pag-uwi ni Best (Self-Published)
Short StoryPaano kung ang iyong buhay ay malagay sa peligro? Paano na ang taong umaasa sa'yo? Paano kung ang iyong pangarap ay maging bangungot? Makauuwi ka pa ba nang ligtas at buo? Ang kuwentong ito ay kasama sa published book na Literary Drops, isang akla...