Chapter 2

59 16 1
                                    

"DIYOS ko!" mangiyak-ngiyak na si Patty. "Gawin n'yo po lahat ng paraan para mapapayag ang gobyerno ng Indonesia na pabuksan muli ang kaso ni Nina. Gawin n'yo po lahat ng paraan para matulungan ang best friend ko. Siya ang biktima rito. Biktima ng human trafficking. Biktima ng maling akusasyon."

"Hinahanap na rin namin ang recruiter ni Nina," sabi nito. "Malaki ang pananagutan niya sa batas sa pagpapalabas ng bansa kay Nina gamit ang mga pineke at ilegal na dokumento. Basta, umasa kayo na hindi naman kami nagpapabaya. Tinututukan namin ang kasong ito," paniniguro pa nito sa kanila.

"Maraming salamat po, sir. Sana po may maging positibong tugon ang mga aksyon na ginagawa ng ahensya n'yo," sabi ni Migs.

"We'll keep you posted sa mga kaganapan, maasahan n'yo 'yan."

Tumango si Migs. "Sige po, sir. Magpapaalam na po kami."

NANGINGINIG ang katawan ni nanay Lita, ang ina ni Nina habang bumababa ng eroplanong nagdala sa kanila sa Indonesia. Kasama niya si Patty. Solong anak niya si Nina at matagal ng patay ang asawa niya kaya si Patty ang pinakiusapan niyang sumama sa kanya sa pagdalaw kay Nina. Si Patty na kaibigang matalik ng anak niyang si Nina mula pagkabata. Saksi si nanay Lita sa pagkakaibigan nina Nina at Patty. Parang magkapatid na ang turingan ng dalawa. Magkakampi sa lahat ng bagay. Ang kaaway ni Nina, kaaway na rin ni Patty. Ganun din naman si Patty kay Nina. Ano pa't talagang tila pinagdugtong na ang mga pusod ng dalawang babae. Mas naging close pa sila habang nagdadalaga. Magkasundo sa halos lahat ng bagay. Ni minsan ay hindi nakita ni nanay Lita na nagbangayan ang dalawang dalaga. Ang totoo, ayaw ni Patty na mag-abroad si Nina. Kahit malakas ang loob ni Patty at tila laging palaban, ito pa mismo ang unang tumanggi sa plano ni Nina na mangibang-bansa. Pero dahil gusto rin niyang suportahan ang pangarap ng kaibigan ay hindi naman pinigilian ni Patty si Nina sa desisyon nito. Lagi lang nitong paalala kay Nina na laging mag-iingat at huwag kalilimutang magdasal.

Paglabas ng airport ay bumiyahe na sina Patty at ang nanay ni Nina patungo sa isang high security jail sa malayong isla ng Nusakambangan na matatagpuan sa Central Java. Dito dinadala ang mga bilanggong nahatulan ng kamatayan sa pamamagitan ng firing squad. Kasama nila ang dalawang staff ng Philippine Embassy sa Indonesia. Medyo mahaba rin ang naging biyahe. Kalmado lang si Patty habang ang nanay ni Nina naman ay walang tigil sa pagrorosaryo.

Sa wakas ay narating nila ang lugar kung saan nakakulong si Nina. Akala ni Patty ay makakausap nila nang malapitan si Nina pero hindi pala. Dinala lang sila sa isang silid na kung saan may isang mesa at telepono. May bahagi ng silid na puro salamin at sa tapat niyon ay nakikita nila si Nina na nakakulong sa isang isolation cell. Medyo may kalayuan ang puwesto nila sa lugar ni Nina kaya hindi nila alam kung nakikita sila nito.

Inangat ng isang bantay na pulis ang telepono at pagkatapos pindutin ang apat na numero ay inabot iyon kay Patty.

"Hello?" Nakita ni Patty nang angatin ni Nina ang telepono sa silid na kinalalagyan nito. "Hello, best. Si Patty ito. Andito kami sa katapat na silid ng selda mo. Tingnan mo, kasama ko ang nanay mo."

Nakita ni Patty na nagpalinga-linga si Nina hanggang makita niyang kumaway ito sa kanila. "Kumusta ang nanay," sabi ni Nina.

Gustong maiyak ni Patty. Heto ang best friend niya, nahatulang mamatay sa pamamagitan ng firing squad, pero ang nanay pa rin nito ang kanyang iniisip. Parang katulad din ng dahilan kung bakit ginusto nitong mag-abroad, para mabigyan ng maalwan na buhay ang ina na siyang nag-iisang pamilya ni Nina.

"Eto siya, best. Kausapin mo..." Ibinigay ko kay Nanay Lita ang telepono.

"Nanay..." garalgal ang boses ni Nina. "Kumusta ka po? Umaatake pa po ba ang sakit mo? Kumakain ka po ba sa oras?" sunod-sunod ang tanong ni Nina, kitang-kita kung gaano nito kamahal ang kanyang ina.

"Oo, anak. 'Wag mo akong alalahanin, lagi naman akong binibisita ni Patty. Ikaw, anak kumusta ka?" Hindi na napigilan ni nanay Lita ang pagdaloy ng luha sa kanyang mata. Tuloy-tuloy itong umagos sa kanyang pisngi.

Napahagulgol si Nina. "Hindi ko po alam, nanay. Tanggap ko na ang kapalaran ko, pero ang hindi ko matanggap ay 'yung iiwan ko na kayo. Sino pang mag-aalaga sa inyo, nanay? Lalo na maysakit kayo. Paano na po kayo 'pag wala na ako?"

"Huwag mo akong isipin. Matanda na ako. Mas ikaw ang inaalala ko. Napakabata mo pa para maharap sa ganitong problema."

"Wala po akong kasalanan, 'nay. Hindi ko magagawa 'yung ibinibintang nila sa akin. Mahal na mahal ko 'yung batang inalagaan ko. Hindi ko siya kayang patayin o kahit na sino pang bata."

"Naniniwala ako sa'yo anak. Kilala kita. Napakabuti mo. Hinding-hindi ko maiisip na magagawa mong pumatay ng tao." Nanginginig ang boses ni Nanay Lita habang nagsasalita. Hindi talaga matanggap ng kalooban niya na isasalang sa firing squad ang anak.

"Nanay, basta lagi mo pong tatandaan na mahal na mahal kita. Ano man ang mangyari, ingatan mo lagi ang sarili mo. Ibinilin kita kay Patty. Alam kong, hindi ka niya pababayaan."

"Gusto mo ba siyang makausap?"

"Sige po..."

Ibinigay ni Nanay Lita ang telepono kay Patty.

"Hello, best..."

"Patty, best... Ikaw na ang bahala sa nanay. Sana kahit mag-asawa ka na, huwag mo siyang pababayaan. Wala na kasing maiiwan para tumingin-tingin sa kanya. baka ito na ang huling pagkakataon na makakausap ko kayong dalawa. Ang hirap, best. Wala akong kasalanan pero ganito pa ang nangyari sa akin."

"May awa ang Diyos. Huwag kang mawalan ng pag-asa," pagpapalakas ng loob ni Patty kay Nina. "Ano ba talaga ang nangyari? Bakit namatay 'yung batang inaalagaan mo?"

"Makinig ka, best. Ikukuwento ko sa'yo. Kinuwento ko na rin ito sa mga pulis at kahit dun sa abogadong ibinigay sa akin, pero wala pa ring nangyari. Hindi sila naniniwala sa akin. Mas pinapaniwalaan nila 'yung tatay ng alaga ko."

"Sige, best... makikinig ako," nangingilid ang luhang sabi niya.

Sa Pag-uwi ni Best (Self-Published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon