III. Love Songs, Isaw, At Siyempre, Ikaw

1.6K 64 14
                                    

CHAPTER THREE

"WALA ka bang balak lumabas ngayong gabi?" tanong ko kay Darlene. Katatapos ko lang tawagan si Janice para yayaing lumabas para sana magpunta sa bar. Busy raw siya kaya umaasa akong masasamahan ni Darlene.

"Walang performance ang Tough Love ngayon kaya wala akong rason para lumabas," sagot naman sa 'kin ni Darlene.

"Wala?" hindi makapaniwalang ulit ko. Pero iyon ang sabi sa 'kin ni Bob Earvin. Pumunta raw ako para manood ng performance nila. "P-pero malay mo naman, meron silang special performance ngayon?"

"Hay, naku, Donna. Matagal na kaming fan ng Tough Love. Kabisado na namin ni Janice ang schedule ng performance nila. Sorry talaga, pinsan. Hindi kita masasamahan ngayon, ha. Kailangan ko ring mag-beauty rest, eh."

Mukhang wala na rin akong ibang choice kundi ang pumunta nang mag-isa. At siguraduhin lang ng Bob Earvin na iyon na merong performance ang Tough Love dahil susumpain ko rin siyang mabaog.

"Aalis ka?"

Nalingunan ko si Nanay habang nag-aayos ako sa harap ng salamin.

"Lalabas ako at iinom, 'Nay," nakangiting sagot ko.

"Maniwala ako."

"Oo nga po. Hindi kasi ako sinamahan nina Darlene kaya ako na lang ang lalakad mag-isa. Iinom ako hanggang sa makalimutan ko nang nanay kita."

Isang malakas na palo sa pwet ang nakuha ko mula kay nanay.

"'Nay, naman. Para sa'n 'yon? Tingin mo ba talaga, gagawin ko 'yon?" nakangiwing reklamo ko habang sapo ang pwet ko.

"Hindi, siyempre. Wala lang. Na-miss ko lang paluin ka," natawang pakli naman niya. "Sigurado ka na ba sa desisyon mo?" pag-iiba niya.

Alam ko na kung ano ang tinutukoy niya. Iyon ay ang pag-alis ko para magtrabaho sa business ni Tita Mocha. Nakababatang kapatid naman ito ni Nanay.

"Oo naman, 'Nay. Para lang naman akong nagbakasyon nito, eh. Saka nakakasawa na rin ang routine ko sa city hall. Babalik din naman ako once naging okay uli ako. Pagagalingin ko lang ang sugat dito sa puso ko dahil na rin sa kagagawan ng Jestoni na iyon. Saka bata pa naman ako. At maganda pa."

Napaigik na naman ako nang paluin ako uli ni Nanay.

"Para saan naman 'yon, 'Nay?"

"Baka sakaling gabihin ka mamaya sa pag-uwi. Ina-advance ko lang ang parusa mo." At pagkatapos ay niyakap niya ako. "I love you, 'Nak!"

"I love you, too, 'Nay." Napangiti ako habang nakatingin sa repleksiyon namin sa salamin.

PATINGIN-tingin ako sa kabuuan ng bar nang makarating na ako. Dapat pala ay kinuha ko na lang ang number ni Bob Earvin para alam ko kung saan ako unang pupunta at kung ano ang una kong gagawin. Paano kami ngayon magkikita nito?

"Miss Donna?"

Nakahinga ako nang maluwag nang makita ko ang manager na si Ador na papalapit sa akin.

"Hi! U-uhm, meron bang performance ang Tough Love ngayon?"

"Wala po. Three times a week lang po sila nagpe-perform sa bar ni Sir Gino."

"Ha?" Nalaglag ang mga balikat ko. Sana pala naniwala na lang ako kay Darlene kanina.

"Pero hinihintay na kayo ni Sir sa taas."

"S-sinong 'Sir'?" naguluhang tanong ko.

"Si Sir Bob Earvin po. May usapan daw po kayong magkikita ngayong gabi."

Harana,  Isaw, Tamang Tiyempo, At Ikaw(Tough Love #1) [Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon