Dear Pa,
NAKAKAINIS KA! Alam mo po ba 'yon? NAIINIS po talaga ko sa 'yo! Sana maintindihan mo rin po ako kung bakit ako naiinis sa 'yo. Pasensya ka na po kung ito agad ang pambungad sa sulat ko para sa’yo. Eto kasi ang nararamdaman ko sa 'yo ngayon! Pagpasensyahan mo na po ako pero sana tatandaan ninyo palagi na kahit naiinis man ako sa inyo nangingibabaw pa rin ang pagmamahal ko sa inyo bilang isang anak.
Nagtataka po siguro kayo kung bakit ko kayo sinulatan, 'no? Ako nga rin nagtataka at tinatanong ang sarili ko kung bakit ba naisipan kong gawan kayo ng sulat. Ah, basta! Dito ko na lang idadaan ang lahat ng himutok ko sa inyo. Unawain n’yo na lang po sana ang nagda-drama ninyong anak.
NAIINIS po ako sa inyo kasi…
…simula pagkabata ko hanggang sa nagkolehiyo ako, hindi tayo naging close. Alam n’yo po minsan naiinggit ako sa iba kasi close sila sa tatay nila samantalang ako pakiramdam ko ang layo-layo ninyo sa akin kahit na lagi naman tayong nagkakasama.
…pag tatanungin kita, sinasagot mo ako ng pabalang habang nakabusangot ang iyong mukha na animo’y nagagalit ka sa 'kin. Alam n’yo po iyon lang ang ginagawa kong paraan para magkausap tayo. Bihira naman kasi tayong mag-usap. Kapag nga nakakapanood ako sa telebisyon na pinapayuhan ng tatay ang kanyang anak, hindi ko maiwasang sabihin sa sarili ko na sana gano’n din tayo.
…hindi ka man lang uma-attend ni isang beses sa school ko kapag nagpapatawag ng parents’ meeting. Alam ko naman po na may trabaho kayo kaya lang minsan naman pag nagpapameeting sila, nati-tiyempuhan na wala kang pasok. Lagi na lang si lola ang uma-attend. Alam n’yo po kapag isinasama ako ni lola sa parents’ meeting pinagmamasdan ko 'yong ibang tatay na uma-attend. Natutuwa kasi ako sa kanila.
…kahit anong gawin kong pagpupursigi sa pag-aaral, hindi ka pa rin kuntento sa mga marka kong pinapakita sa’yo tuwing bigayan ng kard namin. Alam n’yo po nag-aaral akong mabuti para sa inyo. Gusto ko maging proud ka sa 'kin. Pero pakiramdam ko, nakukulangan ka pa rin. Minsan nga tinatanong ko ang sarili ko, bakit kaya 'yong ibang tatay malaman lang nila na nakapasa ang anak nila, masaya na sila. Okay lang kung palakol man ang grado basta pasado ang anak nila. Samantalang ako, kulang pa rin.
Naalala ko pa nga nung graduating na ko, nag-deliberation ng honors n’on. Hindi ako nakasama sa Top. Nalaglag ako. Mabigat man sa loob ko pero kinailangan kong tanggapin 'yon dahil wala na rin naman akong magagawa. ‘Yon ang kinalabasan eh! Nang sabihin ko sa inyo pag-uwi ng bahay ang naging resulta ng deliberation, umasa ako na maiintindihan ninyo ako pero ang natanggap ko lang mula sa inyo ay ang mga katagang sobrang nakapagpaiyak sa’kin. Sabi mo, “Baka naman may boyfriend ka lang kaya ka nawala sa honors. Kung anu-ano siguro ang inaatupag mo.” Hindi ko alam kung natatandaan mo pa iyan pero hanggang ngayon hindi ko ‘yan malimut-limutan. Sobra ang iniiyak ko pagkatapos kong marinig iyan mula sa iyo. Kasi po, sa lahat ng ayaw ko ay ang mapagbintangan sa kasalanang hindi ko naman ginawa and what worst sa inyo ko pa naranasan iyan. Mababaw man pero sa 'kin ang lalim ng tama. Dala-dala ko iyan hanggang sa magkolehiyo na ako.
Humiling pa nga ako kay God that time na sana makapasok ako sa honors kahit alam kong imposible. Gusto ko kasi makatanggap ng plake at ialay para sa inyo. Hindi ko man masabi kung ito’y isang himala o pinagpala lang talaga ako, pero dininig ni God ang panalangin ko. Nakapasok ako sa honors. Sobrang saya ko n’on!
Nung graduation ko, pinaakyat ang mga magulang ng honors dahil tatanggap kayo ng plake dahil sa nakamit naming karangalan. Sobrang saya ko n’on dahil sa wakas, magiging proud ka na rin sa’kin. Pero nung makita kong hawak mo ang plake, bigla akong nanlumo. Kasi halos lahat ng mga magulang nakataas sa may bandang dibdib nila ang plake na natanggap nila at masayang masaya pa samantalang ikaw, nakababa lang na parang may bitbit ka lang na kung ano. Nakita ko pa nga si mama n’on na sinabihan ka na itaas, kung hindi pa niya sinabi hindi mo gagawin.
…ang hirap ninyong pagsabihan! Ito ang pinaghihimutok ko talaga. Bakit? Sinabihan na namin kayo ni mama na iwasan na ang pag-inom ng alak, ikaw pa itong nagagalit. Sino ba namang hindi maiinis kapag gano’n? Araw-arawin ba! Sinong matutuwa sa inyo n’on? Tapos sasabihin n’yo lang, “Maswerte pa nga kayo’t mabait ako pag nalalasing.” Oo, may point kayo do’n! Hindi kayo kagaya ng iba na nambubugbog at kung anu-anong may lumalabas na mura sa bibig. Hindi kayo gano’n! Ang sa akin lang naman, ingatan ninyo ang sarili ninyo. Di bale sana kung wala kayong iniindang sakit kaya lang meron eh tapos diretso pa rin kayo sa pag-inom. Tingnan nyo nga ang sarili ninyo sa salamin, ang payat-payat n’yo na! Hindi na kayo kagaya ng dati. Sasabihin mo, nagkakasiyahan lang at may nag-birthday lang! Aah! Lintik na kasiyahan at birthday-an 'yan at hindi na natapos-tapos. Tinantanan n’yo nga paninigarilyo n’yo pero balewala rin naman dahil masyado naman kayong alcoholic. NAKAKAINIS KA! Alam n’yo po ‘yong uuwi ka ng lasing tapos pasuray-suray pa, kami ang nahihirapan sa inyo kung alam n’yo lang sana. Dalawa na kaming nanenermon sa 'yo, diretso ka pa rin. Nag-aalala lang kami pero parang balewala lang sa 'yo.
Sinabihan ka namin ni mama na kapag ganyan ka ng ganyan baka kung mapaano ka pa. Pero, parang wala kang narinig. Kung hindi lang siguro kita tatay, matagal na kitang dinagukan at iniumpog sa pader. Baka sakaling matauhan ka!
Pa, hindi ko man masabi sa 'yo pero mahal na mahal kita, mahal ka namin. Kaya sana naman, pahalagahan mo ang buhay mo. Alagaan mo ang katawan mo. Gusto kong dumating ‘yong panahon na nasa tabi pa rin kita habang inaakay mo ako sa aisle papunta sa harap ng altar upang ipagkatiwala sa taong makakasama ko habang buhay. Gusto kong maranasan mo na may tatawag sa 'yo na “lolo” at may matatawag kang “apo”. At alam ko na ang panahong iyan ay matagal-tagal pa, kaya sana huwag mong pababayaan ang sarili mo dahil malulungkot ako kapag nangyari 'yan.
Sa kabila ng INIS na nararamdaman ko sa 'yo, gusto kitang pasalamatan sa lahat-lahat ng ginawa mong sakripisyo sa 'kin. Ginawa mo ang lahat ng makakaya mo, maipagpatuloy ko lang ang pag-aaral ko. Hirap na hirap ka na pero ginagawa mo pa rin ang lahat para sa 'min. Alam ko naman na kahit 'di mo sabihin at 'di mo rin iparamdam sa 'min na mahal mo kami ay naipapakita mo naman ‘yon withyour actions. You’re a man with few words but a lot of actions.
Masaya ako, kasi after my college graduation, ramdam ko na naging proud ka sa 'kin. Hindi man madalas pero nakakapag-usap na rin tayo kahit papaano.
Pa, sana lang matuto kang makinig sa 'min paminsan-minsan. Para din naman sa 'yo ang ginagawa namin kasi concerned kami sa 'yo at mahal ka namin. Pasensya ka na po sa pagkukulang ko bilang anak. Alam ko namang inirereklamo mo ang katamaran at minsan ay kawalan ko ng respeto sa'yo. Masakit ‘yon para sa 'yo. Pasensya na po talaga kasi hindi ko mapigilan minsan ang sarili ko sa pagkainis ko sa inyo. Ngayon, napagtanto kong ang dami ko palang nagawang pagkakamali sa inyo. Salamat sa pang-unawa, Pa. Ingatan mo po ang sarili mo. Nandito lang ako para sa 'yo.
Hindi ko po masabi sa 'yo kaya idinaan ko na lang sa sulat kaya lang hindi ko naman alam kung kailan ko ito maiaabot sa 'yo kasi nahihiya ako. Hehe.
Love,
Ineng