Tago

137 5 0
                                    

Tago
01/07/18
Sa panulat ni Jc Magtalas

Suot ang itim na gomang tsinelas, sandong puti at shorts na pinagliitan, sa ilalim ng maliwanag na buwan ay hindi magkandamayaw si Ronan sa pagtakbo. Pasikot-sikot sa bawat eskinita at patago-tago sa kung saang sulok. Madumi man o mabaho ay hindi na alintana sa kaniya. Ang tanging mahalaga para sa binatilyo ay ang hindi makita at manatiling buhay sa sistemang ito.

Pagkatapos ng sampung segundo ay halos busalan ng binata ang bibig ng kaniyang nakababatang kapatid. Takot na mag-ingay ito at mawala ang kanilang pag-asa kung matanaw sila mula sa ibaba ng puno ng bayabas na kanilang pinagsabitan.

Mula sa kabilang eskinita ay umalingaw-ngaw ang tawanan. Nandiyan na rin ang sigawan ng kaniyang mga kaibigan.

"Nene, huwag kang maingay huh? Shh,"bigkas ni Ronan at inilagay ang kaniyang kamay sa bibig ng kapatid.

Nadinig na ni Ronan ang maingay na yapak, palabas sa eskinitang katabi nitong puno ng Bayabas. Halos mawala na sa posisyon ang puso ni Ronan dulot ng kaba. Madalas niya itong maramdaman sa tuwing bibilog ang buwan at sasapit na ang dapit hapon.

"Ronan, lumabas ka na!" Sigaw ni Erald.

Nanatiling tahimik si Ronan kasama ang kapatid. Laking pasalamat pa nito at matibay ang sanga na tinutungtungan nila. Narating ni Erald ang ilalim ng puno ng Bayabas. Sandali pa itong naupo.

"Makikita ko din kayo!" Natatawang ani nito.

Nang nakaalis si Erald at napansin ni Ronan na malaki na ang distansya nito sa kanila ay agad niyang inalalayan ang kaniyang kapatid pababa ng puno.

Dali-dali silang nagtungo sa pinagdaanang eskinita kanina at tumagos pabalik sa unang lugar na pinag-usapan nila ng kaniyang mga  kaibigan.
Patuloy ang paghabol ni Ronan sa kaniyang hininga ng maramdaman niya ang mabilis na takbuhan ng kaniyang mga kaibigan at presensya ng mga ito. Kapwa nagtatago, takot na mahuli't madampian ng sa kanila'y mabigat na kamay.

May ilang mga sumiksik sa ilalim ng nakaparadang sasakyan. Nagkukubli sa madilim na loob ng sidecar at tagong haligi ng bahagyang magkakadikit ng bahay.

"Ronan! Dito!" Tawag sa kaniya ni Sherly.

Kaunting kurba sa bibig ang ginawad sa kaniya ng dalaga at agad niyang tinanggap ang alok nito na makisamang sumandal sa likod ng mahabang pader.

Magkakatabi ang tatlo. Si Sherly, Nene at Ronan. Mula sa posisyon ni Sherly malapit sa kanto ng pader na nagsilbi nilang kuta ay sinilip ng dalaga kung paparating na ang bagot sa kahahanap na si Erald.

"Dito ang bagsak niya," aniya.

"Shhh..." pabulong na senyas muli ni Ronan.

Ang nanginginig na sistema muli ang bumalot sa kanila. Kaba. Pag-aalala na baka sila ay nasa likod pala ng pwesto ni Erald o maaring kaharap na nila ito.

Pinagdikit ng binata ang kaniyang hintuturo at gitnang daliri habang iniisip na hindi mapapadpad ang mga paa ng tila lobo sa gabing ito.

"Tago? Tago? Tago?" Paulit-ulit na bigkas ni Nene. Nanlaki ng sabay ang mata nila at sabay-sabay tumakbo.
Ngunit sa kasamaang palad ay sumabit ang malaking himulmol ng  bughaw na pang-ibaba ni Ronan sa isang pakong nakausli sa kahoy na pader.

Nauna pa sa alas-kwatro ang  pagkawala ng kaniyang mga kasama.

"Huli ka!" Bulalas ni Erald at nagpakawala ng hagikhik.

Naglabasan ang bawat batang nagtatago. Sa ilalim ng maliwanag na buwan na ito.

"Ok lang, Isport ako," panimula niya atsaka ngumiti at nagsimulang kumanta. "Tagu-taguan maliwanag ang buwan wala sa likod, wala sa harap. Pagkabilang kong sampu nakatago na kayo. Isa, dalawa, tatlo..."

What A Bedtime Story (Short Stories)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon