Suko

70 4 0
                                    

Suko
Sa panulat ni: Jejeng Makata

Madaming nagsasabi sa akin na tanging sa kaniya raw ako nahuhumaling, kasi palaging ako at siya lamang ang magkasama. Hindi nila alam, kabaliktaran lahat ng iniisip nila sa kung anong nararamdaman ko.

Gusto ko na siyang pakawalan. Kung may magtuturo nga sa'kin kung paano, willing akong magbayad ng milyon o isanla ang kaluluwa ko. 

Taon na ang lumipas at pakiramdam ko ay hindi ako karapat-dapat para makita pa siya.

Sa katunayan, may kung ano kasing bagay na nakatago sa kaniya. Ang mata niya, parang may kung anong lungkot.  Sa oras na sinusubukan kong lumangoy sa lalim, hindi ko pa rin maintindihan. Parang naghahanap ito ng saya na hindi ko maibigay; animo'y lobong pilit lamang na umamo dahil sa mga taling ibinigkis ko sa mga braso namin.

Gusto niyang kumawala, ngunit hindi ko alam kung paano siyang papayagan. Natatakot ako. Matagal na panahon na rin simula no'ng una ko itong naramdaman mula sa kaniya. Hanggang ngayon, dinadala ko pa rin. 

"Tama na," bigkas ko sa harap niya. Tumawa pa ako—yung pilit, yung mapait at malayo sa tunog ng kasiyahan. Dahan-dahan kong inilabas ang kanina ko pang hawak na kutsilyo mula sa aking likuran. 

Hindi ko agad siya narinig na pigilan ako. Tumulo lamang ang luha niya. Samantalang, hindi ko maipagkaila na kaunti na lamang ay maaaring bumagsak na ang aking mga tuhod sa sobrang panginginig nito. Malamig pa ang paligid na siyang mas nagpabigat sa nararamdaman ko. Hindi magkandamayaw ang aking kamay, patuloy ang pag-alog habang dahan-dahang itinutok ang patalim sa kaniya. 

"Matagal na dapat natin 'tong ginawa," sambit ko. 

"S-Sigurado ka ba? Pwede mo pang pigilan ang sarili mo, kaya mo ba na mawala na ako?" Nauutal pa siya. 

Napahalakhak ako sa sinabi niya pero agad napalitan ng galit. Sarkastiko. 

"Gusto ko nang tapusin ang lahat sa atin, gusto na kitang mawala. Nasasaktan tayong parehas sa mga nangyayari at kapag ginawa ko 'to sayo, matitigil na ang sakit!"

"E papaano ang pamilya ko? Masasaktan mo sila...saka kaya mo ba akong saktan?" Aniya. Nanginginig na ang labi nito. Ramdam kong takot siya. Bakas na bakas sa kabuuan niya ang kaba.

"Hindi mo ba naiintindihan? Ang pamilya mo, ako—matagal na tayong nasasaktan!" Bulyaw ko. Dinamplisan ko ang braso niya at umagos ang malapot at may kaitimang dugo mula rito.

Napahawak ang dalaga sa kaniyang sugat at napangiwi.

"Sabihin mo, anong mas masakit?"

"H-Hindi ko maramdaman," singhal niya. "Nabigla lang ako pero kaya kong indahin."

"E yung sa'tin?" Humakbang ako paharap at ipinadulas ang kutsilyo nang marahan sa kaniyang pisngi. "Sa tingin mo kaya ko pang indahin?" tanong ko. 

Huminga siya nang malalim at bumulong. 

"Gawin mo na, gawin mo na ang gusto mo. Paalala lang na hindi ito ang tama. Alam mo sa sarili mo iyan!"

Sandali akong napatahimik habang iprinoproseso sa utak ko ang mga salitang iniusal niya.

"H-Huli na para baguhin ang desisyon ko. Pasensiya, pero tingin ko...ito ang tama."

Tiningnan ko siya nang maigi. Lingid kong ito na ang aking huling pagnamnam sa mga boses niya. Ang huling pagsipat ko sa kaniyang mapagkunwari't puno ng kamaliang pigura.

Maya-maya'y segundo ang dumaan. Napanood ko pa kung paanong kumukupas ang aking itsura
mula sa salamin. Sinabayan pa ito ng pagtalsik ng likido sa aking leeg. 

Bumukas ang pintuan sa hindi kalayuan at papatak-patak na humina ang paligid.  

What A Bedtime Story (Short Stories)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon