ISLA DIABLO 01

3.7K 104 21
                                    


HABOL ni Assandra ang kanyang hininga nang umahon na siya mula sa pagkakasisid sa tubig. Pagtaas niya ng kamay na may hawak na sibat ay merong isang isda na tama lamang ang laki ang nasa dulo niyon. Pumapalag pa iyon noong una pero tumigil din nang mawalan na ng buhay. Kaylapad ng nakapaskil na ngiti sa kanyang labi na akala mo ay isang ginto ang kanyang nakuha. Lumangoy siya sa pampang at inilagay ang nahuling isda sa isang lumang basket. Meron na siyang apat na isda. Masaya na siya dahil meron na silang pang-ulam ng asawa niyang si Luis.

Bago siya bumalik sa kanilang kubo ay naupo muna siya sa buhangin upang magpahinga. Sadyang nakakapagod din kasi ang pagsisid at paghuli ng isda gamit lamang ang sibat na yari sa kawayan. Pinagmasdan niya ang malawak at asul na dagat. Pinuno niya ang kanyang dibdib ng sariwang hangin at napangiti. Nakaramdam siya ng ginhawa sa kanyang ginawa. Para sa kanya ay paraiso ang isla kung saan sila nakatira ni Luis—silang dalawa lamang ni Luis. Kahit kailan ay hindi pa siya nakakaalis doon. Tanging si Luis lamang ang umaalis gamit ang bangka upang bumili ng mga pangangailangan nila.

Hinawi ni Assandra ang medyo kulot, mahaba at matigas niyang buhok nang tumakip iyon sa mukha niya gawa ng malakas na hangin. Sa edad niyang dalawampu ay masasabi niyang isa na siyang ganap na babae. Palaging sinasabi ni Luis na maganda siya. Kayumanggi ang kanyang balat na tuwing natatamaan ng sikat ng araw ay bahagyang kumikinang. Ganoon ang kulay niya dahil palagi siyang nakabilad sa initan. Balingkinitan ang kanyang katawan at ang taas niya ay tama lamang.

Kuntento na si Assandra sa buhay niya sa isla kasama si Luis. Hindi siya namulat sa mga makaluhong bagay kaya wala na siyang hinahangad pang kahit ano. Ang nais lamang niya ay ang mabuntis upang magkaroon na sila ni Luis ng supling.

Wala sa sarili na nahaplos niya ang kanyang tiyan.

Nang mawala na ang pagod ni Assandra ay tumayo na siya at nagpunta sa kubo nila ni Luis. Wala doon ang asawa niya. Nasa kasukalan ito at naghahanap ng panggatong nila.

Nilinisan niya sa batalan ang isda at nilagyan ng asin. Pumunta siya sa banyo nila na nasa likod ng kubo. Ang banyo nila ay yari sa pinagtagpi-tagping tuyong dahon ng niyog. Wala iyong bubong kaya kita ang ulo niya. Nagbuhos siya ng tubig na tabang na nakukuha nila sa sapa na naroon lang din sa isla. Pagkatapos niyang magbanlaw ay tinuyo niya ang kanyang sarili gamit ang butas-butas at lumang tuwalya. Nagpalit siya ng damit. Isang manipis na t-shirt at palda na umaabot sa ilalim ng kanyang tuhod.

Binalikan niya ang isda upang lutuin. Nagpalingas muna siya ng apoy gamit ang posporo at ilang piraso ng tuyong dahon. Ginatungan niya iyon ng mga kahoy at nang lumilingas na ay isinalang na niya ang palayok. Inilagay niya doon ang apat na isda at nilagyan niya ng konting tubig, suka at bawang. Tinakpan niya iyon at nagpunta sa may pintuan upang hintayin si Luis.

Hindi pa man siya nagtatagal doon ay natanaw na niya si Luis na may dalang mga kahoy na panggatong. Kumaway siya dito at gumanti rin ito ng kaway sa kanya.

“Nakahuli ako ng apat na isda, Luis. May ulam na tayo hanggang mamayang gabi!” aniya dito matapos niya itong hagkan sa labi.

“Hindi ba’t ang sabi ko ay huwag kang lalayo dito sa kubo, Assandra? At kung lalabas ka man, dapat ay kasama mo ako.”

“Ngunit diyan lang naman ako sa dagat. Hindi naman ako umalis ng isla.”

“Kahit na. Makinig ka na lamang sa akin.”

Pagkapasok ni Luis sa loob ng kubo ay inayos na nito ang mga panggatong sa tabi ng kanilang lutuan. Sumunod siya dito para tingnan ang kanyang niluluto. Medyo kumukulo na iyon.

“Gutom ka na ba?”

“Hindi pa naman. Magpapahinga muna ako…” Humiga si Luis sa papag nila. Ginawa nitong unan ang isang braso.

Creepy TalksTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon