Chapter 4

5.3K 57 0
                                    


TAHIMIK na nakahiga sa damuhan si Cassiel. Tapos na silang kumain. Natulog na rin ang mag-asawang Teng at iniwan na siya matapos makipagkuwentuhan. Inisip din ng mag-asawa na jet lag ang dahilan kung bakit hindi siya kaagad makatulog.

Pero jet lag nga lang ba iyon? Ang totoo ay nami-miss na ni Cassiel ang Tierra Celes. Doon kasi ay malaya siya. Hindi niya kailangang magtago ng kahit na ano at gumawa ng kuwento para lang maitago ang kanyang katauhan. He hated that feeling. Pero kailangan. Hindi lang naman kasi siya ang mapapahamak kundi ang buong Tierra Celes.

Ang Tierra Celes, ang mundong kinabilangan niya nang napakatagal na panahon. Ang mundo ng mga anghel—mula kerubin hanggang seraphim at arkanghel. Wala man silang kaalam-alam sa pisikal na pakiramdam, hindi naman sila napagkaitan ng katalinuhan.

Pero ano ang gagawin niya sa katalinuhang iyon kung hindi naman niya alam kung paano gamitin?

"Ah, tigilan mo na nga ang pag-iisip n'yan, Cassiel," pagkausap niya sa sarili. Ginulo niya ang sariling buhok. Kapagkuwan ay napabangon siya. Ngayon lang niya napagtanto, maikli na ang buhok niya.

Kinapa uli ni Cassiel ang buhok. Ang hanggang baywang na buhok niya, ngayon... Ano nga ang tawag ng mga tao sa ganoong buhok? Long back? Siyete? Clean cut? Hindi niya maalala.

Mariin na lang niyang ipinikit ang mga mata at nagmamadaling tumayo at naglakad papasok sa bahay. Napatigil siya nang mapatapat sa salamin ng pinto. Dahil sa patay na ilaw sa loob at ang ilaw lang sa labas ng bahay ang mayroon, kitang-kita tuloy ang kanyang hitsura.

Walang pinagbago sa tangkad at pangangatawan niya. Mataas at maganda pa rin ang hubog niyon. Wala ring ipinagbago ang mukha niya. Singkit at tila laging nakangiti ang kanyang mga mata, matangos ang ilong, at manipis ang mga labi. Pero ang buhok niya, maiksi na talaga iyon.

Kung kanina ay nataranta siya, hindi na ngayon dahil nagustuhan din naman niya ang bagong ayos. Mas bagay rin iyon sa mundo ng mga tao.

Naalala na naman niya ang sinabi ni Mrs. Teng kanina. "Ikaw guwapo na bata."

"Guwapo. Ganito pala ang hitsura ng mga guwapo." Hinimas ni Cassiel ang mukha bago napaisip. "Ibig sabihin, ang mga guwapo dito sa lupa, malamang mga anghel na tulad ko rin?" Napailing na lang siya, mukhang nagiging tao na siya sa bawat minutong lumilipas. Sana nga lang ay makuha na niya ang galaw ng mga tao at hindi mahalata na nagpapanggap lang siya.

T3R

Angel Creed Trilogy Book 1: Angel's Tale COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon