Chapter 6

5K 95 2
                                    


ISANG mahigpit na yakap ang natanggap ni Cassiel sa mag-asawang Teng nang ihatid niya sa airport dalawang linggo matapos ang pagdating niya sa bahay ng mga ito.

Medyo na-extend ang pananatili ng mag-asawa sa Pilipinas dahil sa kanya. nag-aalala raw ang mga ito na iwan siya dahil wala pa siyang masyadong alam.

Naalala pa ni Cassiel ang sermon sa kanya ng mag-asawa tungkol sa pagkain.

"Sino luto sa 'yo pagkain noong ikaw nasa ibang bansa?" tanong pa ni Mr. Teng pero hindi naman na siya hinintay pang sumagot. "Ikaw sanay katulong n'yo o ikaw luto ng mama mo kaya ikaw hindi alam luto pagkain? 'Tapos ikaw ngayon punta Pilipinas wala alam luto pagkain." Napapailing na sermon ng matanda habang tinuturuan siya kung paano tamang lutuin ang mga putahe.

"Ikaw hayaan na Cass." Hinimas ni Mrs. Teng ang likod ng asawa. "Alaga lang 'yan mama niya kaya siya hindi luto pagkain niya. Ikaw naman na turo sa kanya, 'di ba?"

Tumango na lang si Mr. Teng at kinindatan naman ni Mrs. Teng si Cassiel.

Hanggang sa mga oras na iyon ay napapangiti pa rin siya. Hindi pa kasi doon natapos ang lahat. Tinuruan din siya ng mag-asawa kung papaano gumamit ng washing machine at maglinis ng bahay kahit na ba alam na niya kung papaano iyon gawin. Kahit ang pagmamaneho ay itinuro sa kanya habang itinuturo ng mga ito ang pasikot-sikot ng buong Kamaynilaan.

At ngayon ang huling test sa kanya ng mag-asawa. Si Cassiel ang nagluto ng almusal at nagmaneho papunta sa airport nang hindi sinasabi ng mga ito kung saan ang tamang daan. Mas maaga nga lang silang umalis para iwas sa trapik at sa maaaring kaso ng pagkaligaw.

"Ikaw, Cass, ingat ka dito." Niyakap siya ni Mrs. Teng. "Mababait tao dito Pilipinas pero ikaw ingat pa rin sa iba manloloko."

Sunod namang lumapit sa kanya si Mr. Teng. "Ikaw galingan trabaho mo." Tinapik siya nito sa likod. "Alam ko ikaw galing doktor pero maganda kung ikaw mayroon ganda relasyon sa mga katrabaho mo. Alam ko din ikaw bait na tao, kaya iingat ka doon sa mga maiinggit."

"Opo." Napangiti na lang si Cassiel. Hindi rin niya napigilan ang pangingilid ng mga luha. Pakiramdam kasi niya ay nagkaroon siya ng instant na mga magulang ngunit kinuha rin kaagad sa kanya.

"Naku, ito Cass, iyak pa." Hinaplos ni Mrs. Teng ang pisngi niya. "Ikaw ganda lalaki, laki-laki pa tao ikaw iyak." Niyakap pa siya ng matanda.

Natawa na lang si Cassiel at mahigpit na niyakap ang mag-asawang Teng bago tuluyang nagpaalam. Hinintay muna niyang makapasok sa loob ng airport ang dalawa kasama ang isa sa mga nagsundo rito na tauhan daw ng mga anak ng mag-asawa.

Gusto sana niyang ihatid ang mag-asawa pabalik sa Hongkong pero hindi naman maaari dahil bukas na ang simula ng pagpasok niya sa ospital bilang si Doktor Cassiel San Gabriel na isang pediatrician.

Angel Creed Trilogy Book 1: Angel's Tale COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon