"Ma'am Eliza, may naghahanap ho sa inyo," tawag ni Leni sa kanya. Si Leni ang nag-iisang salesclerk sa maliit na bookshop na pag-aari niya.
Mula sa pag-aayos ng mga resibo ay nag-angat ng mukha si Eliza. Naisip niyang isa sa mga suking customer ang naghahanap sa kanya.
Tiwalang tumayo siya at kinuha ang maliit na record book sa ibabaw ng isang mesang kinapapatungan ng maraming gamit. Sama-sama na roon ang mga papeles, thermos, dalawang mugs, lalagyan ng asukal at kape, at isang lumang personal computer.
Sa isang sulok naman ng opisina nakapuwesto ang isang personal refrigerator.
Napasulyap si Eliza sa wall clock. Malapit nang mag-alas-dose ng tanghali. Hindi niya namalayan ang oras dahil nalibang siya sa pag-iimbentaryo ng stockpile.
"Kumain ka na, Leni. Ako na muna ang bahalang mag-asikaso sa labas," bilin niya rito. Lumabas siya sa maliit na cubicle na nagsisilbing opisina niya.
Bumungad sa paningin niya ang isang lalaking nakasuot ng makapal na salamin, mukhang kagalang-galang ang anyo. Sa tantiya niya ay mahigit kuwarenta ang edad nito. Nasa harap ng counter ang lalaki.
Kapag ganoong oras ay paisa-isa lang ang pagdating ng mga customer.
"Miss Jose," anang lalaki nang makalapit siya.
"Yes." Ngumiti pa si Eliza rito kahit alam na niya kung ano ang pakay ng lalaki. Pumakabila siya sa counter at inilapag ang hawak. "What do you want, Attorney Lim?"
Ang abogado ay representative ni Mr. Alec Buenaventura. Pangalawang beses na nilang paghaharap ng abogado.
"Alam mo na kung ano ang sadya ko sa 'yo. In behalf of my client, Mr. Alec Buenaventura, naparito uli ako sa pagbabaka-sakaling nagbago na ang isip mo."
Noong una nilang paghaharap ay kinabahan siya nang banggitin ng abogado ang pangalang iyon. Nakapagtatakang ganoon pa rin ang epekto niyon sa kanya ngayon. May ilang linggo na niyang naririnig ang pangalan ng kliyente ni Atty. Lim sa mga kapwa tenants niya. Si Mr. Buenaventura ang bagong may-ari ng inuupahan nilang gusali.
Hindi lingid sa kaalaman ni Eliza na ang ibang tenants ay kinausap na ng abogado para sa termination ng kanilang lease agreement.
Pinanatag niya ang sarili at sinalubong ang mga mata ng abogado. "Please tell Mr. Buenaventura that my decision is final. I have every right to remain in my shop until the termination of our lease agreement. And that will be five years from now."
"Well, hindi mo pa naman naririnig ang kabuuang alok ng kliyente ko, Miss Jose. Huwag ka munang magsasalita nang patapos. I strongly suggest na makausap mo siya."
"Hindi na ho kailangan."
"Kapakanan mo ang iniisip ng kliyente ko. Lahat ng tenants ay nakipagkasundo na kay Mr. Buenaventura. At naiintindihan nila kung bakit kailangang i-vacate itong building."
"Para patayuan ng bagong building, hindi ho ba? Bakit hindi n'yo na lang hintayin na mag-expire ang kontrata ko?"
Nagpawala ito ng malalim na hininga. "Well, mas makabubuting magkausap kayo ni Mr. Buenaventura. Please come to his office tomorrow morning. He'll be expecting you at nine. Will that be all right?"
Napilitang tumango si Eliza. Wala siyang magagawa kundi ang makipag-usap sa lalaki. Inaasahan na niyang darating ang pagkakataon na maghaharap din sila ng bagong may-ari ng building na inuupahan niya. Siya na lang ang nag-iisang nagmamatigas dito.
Mabuti na sigurong magkausap kami... sa loob-loob niya. Dahil hindi siya nakuhang pakiusapan ng abogado, tiyak na niyang si Mr. Buenaventura na mismo ang gagawa ng paraan para makumbinsi siya.
BINABASA MO ANG
MIDNIGHT BLUE SOCIETY SERIES #6 ALEC (COMPLETED)
RomanceKaaway ni Eliza si Alec Buenaventura, isang negosyanteng wala nang inisip kundi ang sariling interes. Kaya naman nang malaman niya ang diperensiya ni Alec, nagtaka pa siya sa sarili kung bakit nakadama pa siya ng simpatya rito. Pero hindi pa rin ito...